PIPAY TARAY Series Book 1 Episode 9 - PIPAY IN CAPTIVITY *Special Episode*

68 4 0
                                    

Huli kong isinilid ang mga pantalon sa di-kalakihan kong bag. Halos pumutok na ang lalagyan nguni’t marami pa ang kailangan kong ma-impake. Nguni’t simbigat ng damdamin ko ang kasalukuyang panahon. Umuulan sa labas na may bahagya pang pagkidlat. Hindi kalakasan ang patak ng ulan na wari baga’y isang buong linggo bago pa ito tumila.

Maya-maya pa’y narinig ko ang papalapit na yabag. At kasunod nito ay ang langitngit ng pintong gawa lamang sa kawayan. Sabay sa kislap ng kidlat, naaninag ko ang mukha ng pumasok.

“Makoy…”, pangalan niya lang ang nasambit ko. Walang buhay ang kanyang mukha. Agad niyang binawi ang kanyang paningin sa aking mga mata.

Umupo siya sa gilid ng aking higaan at biglang kinuha ang isang panyo na kasama sa mga ililigpit ko pa. Hindi siya umiimik. Nakayuko at hawak-hawak ang panyo, sinisipat-sipat na waring hinahanapan ng mantsa o dumi.

“Aalis na ako. At pagdating ko sa amin, sasabihin ko sa kanila ang lahat ng kabutihang ginawa mo sa akin.”

Ito ang unang pagkakataon na ako lang ang nagsasalita sa aming dalawa. Naaalala ko pa noong unang araw ko bilang bihag ng kanilang grupo. Si Makoy ang naghahatid ng pagkain ko at bigla na lang magkukuwento ng kung anu-ano. Pinilipit niyang pangitiin at pasayahin ako. Nguni’t dahil na rin sa takot at pagkabalisa, iyak ng iyak lang ako sa sulok. Palagi niya akong inaaya na maglibot sa gubat. At dahil na rin sa kanyang likas na kabaitan, agad ko siyang nakagaanan ng loob.

Si Makoy ay kaisa-isang anak ng lider ng grupo, si Ka Dante. Magkasing-taong gulang kami – kapwa labindalawa.

Nabuo ang isang naiibang pagkakaibigan sa pagitan namin. Lumipas ang mga araw at hindi ko namalayang walong buwan na pala akong nasa liblib na gubat at bihag ng isang grupo ng mga rebelde. At sa bawat araw ko sa pagkakabihag, laging nandoon si Makoy.

“Makoy! May sakit ka ba? May singaw ba ang dila mo kaya di ka nagsasalita?” Tudyo ko sa kanya.

“Masaya ka naman dito hindi ba?” Halos pabulong niyang sabi. Binalingan niya ako at nagtagpo ang aming mga mata. Matigas ang kanyang mukha nguni’t malamlam ang kanyang bilugang mata.

“Oo naman. Nguni’t kailangan ko nang umuwi sa pamilya ko. Pagod na ang mga iyon sa kahahanap at kahihintay sa akin.” Marahan kong sagot. Bakas ang pagbalot ng lungkot sa aming dalawa.

“Pa’no naman ako?” Tanong niya habang nakatingin sa lupa. Basag at garalgal ang kanyang tinig.

“Huwag mo akong tanungin ng ganyan. Aaminin ko sa’yo na hindi ako lubusang masaya na sa wakas aalis na ako dito sa gubat. Marami rin akong maiiwan dito. Si Babe, ang alaga nating biik, huwag mong pabayaang gumagala lang. Si Mother Goose at ang kanyang mga inakay na pato, gawan mo ng magandang bakuran. Si Rose, lagi mong diligan. At lalo ka na, huwag kang matutulog na walang kulambo, baka magka-dengue ka.”

Saganang tumutulo ang mga luha ko habang ginagawa ko ang mga habiling ito.

Napatigil lang ako nang makita ko siyang umiiyak rin at idinidiin ang panyo sa kanyang mga mata.

“Sa tingin mo ba kaya ko pang gawin ang lahat ng mga iyon.” Tanong niyang nagpapaawa.

“Ano bang gusto mong gawin ko? Tumira ako dito at kalimutan kong may pamilya akong naghihintay sa akin?”

“Masaya ka naman dito hindi ba. Pamilya din tayong matatawag dito kasama sina Mother Goose, Babe at Rose.”

“Makoy, bahay-bahayan lang ang tawag doon!” Sigaw ko sa kanya sa katahimikan ng gabi. At maya-maya pa’y narinig naming nag-iingayan ang mga alaga naming baboy at pato.

“Matulog ka na. Maaga pa kayo bababa ng bundok bukas.”Halos pabulong niyang sabi habang nagpapahid ng mga luha.

“Kasama ka ba naming bababa?” Pahabol kong tanong sa kanya. Nilingon lamang niya ako at tuluyan na siyang lumabas. Masakit para sa kanya ang lahat ng ito.

Kinabukasan, nakita ko na lamang si Makoy na nakatayo sa labas ng bahay at karga-karga ang aming “anak” na si Babe. Sasama siya sa aming pagbaba kalong ang biik. Waring naiba ang kanyang damdamin sa mga bagay-bagay ngayong umaga. Pangiti-ngiti siya at bumalik ang kanyang kakulitan. Ayaw niya lang yata akong malungkot sa pag-alis.

Kaya naman, masaya akong humawak sa kanyang braso habang kalong niya ang biik na si Babe. Larawan kami ng isang masayang pamilya.

Habang pababa kami ng bundok, nalagpasan namin ang bahay-bahayang pinagtulungan naming itayo at linisin sa loob ng walong taon. Maiingay din naming nadaanan ang kural ng mga alagang pato namin ni Makoy.

Naisip ko lang. Ako, bihag ng grupo ni Ka Dante. Si Makoy, bihag ng maling kaisipan at pakikibaka ng mga rebelde. Kapwa kami bihag dito.

Tatlo’t kalahating oras kaming naglakad at naabot na namin ang lugar kung saan magaganap ang pagpapalaya sa akin. Nguni’t biglang nagsigawan ang mga tauhan ni Ka Dante. Sumunod pa ay umalingawngaw ang putok ng mga baril.

Namalayan ko na lang na yakap-yakap ako ni Makoy habang nasa gitna namin si Babe.

“Pipay, anumang mangyari ngayon dito, laging mong tatandaan na masaya akong nakilala kita. Lagi mong alalahanin na…”

Biglang nahinto siya sa pagsasalita at sabay kong naramdaman ang agos ng mainit at malapot na dugo na nagmumula sa dibdib ni Makoy.

“Pipay…malaya na tayo… Alagaan mo si Babe…” At dilat ang kanyang mga mata na nalagutan ng hininga.

Nais kong sumigaw nguni’t hindi ko maibuka ang aking bibig sa pagkagulat. Ang tanging naririnig ko na lamang ay ang palahaw ni Babe, na pumipiglas pa mula sa aking pagkakayap sa kanya.

“Cut! Cut! Naku, tumae na ‘yung biik sa bunganga ni Pipay. Alisin nyo na agad!”, sigaw ni Direk.

“Makoy, dapat hindi ka ngumingiti pagkatapos mo nang mabaril”. Baling niya kay Makoy.

“Kasi naman direk, dinidilaan po ng biik ang kili-kili ko. Nakakakiliti.”

“Oo naman, kasi naasiman nga sa kili-kili mo at hayun nasarapan sa pagdila. Ang baboy niya ‘di ba.”

Tawanan ang lahat.

“At ikaw naman Pipay, bakit hindi mo nai-deliver ‘yung ibang linya? Kumibot-kibot lang ‘yang ilong mo.”

“Kasi direk, nahahatsing po talaga ako sa amoy ng biik na ‘yan.”

“Sorry naman. Para ka lang lumagok nga ng chicken gravy sa tae ng biik kanina.”

Tawanan uli ang lahat. At nag-pack up ang buong production crew.

Ako si Pipay. Artista. Pa-autograph ka? Pumila ka muna.

PIPAY TARAY Book 1 - Over, Above and Beyond Your Ordinary GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon