Prologo

162 12 0
                                    

Tumatagaktak ang mga pawis sa aking noo pababa sa aking ilong habang tahimik akong naghihintay sa kanya. Pigil din ang aking paghinga dahil sa takot na baka marinig niya ako. Tumingala ako sa taas upang pawiin kahit kaunti man lamang ang takot sa aking damdamin. Wala ni isang bituin na makikita sa madilim na espasyo ng kalangitan. Tanging ang napakaputing buwan ang naroon na nagmimistulang mata sa aking paghihirap. Parehas kami. Mag-isa.

Ilang sandali lamang ay nakarinig ako ng mga yapak. Dumating na nga siya. Nang makita kong nasa tamang puwesto na ang lalaki ay buong lakas kong itinulak ang hagdan papunta sa kanyang kinatatayuan. Napaupo pa ako dahil hindi ko na kinaya ang sakit ng aking katawan.

Sumabay sa tunog ng pagbagsak ng hagdan ang malakas na sigaw niya dahil sa sakit ng biglang pagkakadagan nito sa kanyang katawan. Sa lakas nito ay maaaring narinig na ito ng kanyang mga kasamahan kaya alam kong papunta na sila sa kinaroroonan namin ngayon.

Pinilit kong tumayo kahit na may iniindang sakit at tumakbong paika-ika palayo sa kanya, sa kanila. Pinagdarasal kong maglalaan ang ginawa kong 'yon ng sapat na oras para makalayo ako.

"HAHAHA!" Napatigil ako sandali nang marinig ko ang malakas na pagtawa niya. Kahit na nasa gano'ng sitwasyon na siya ay nagawa niya pa ring tumawa. Kinilabutan ako. Hindi ko alam kung natawa siya dahil nasisiraan na siya ng ulo o dahil alam niyang kahit anong gawin ko ay maabutan nila ako.

Pinagpatuloy ko na lamang ang aking pagtakbo at nang paliko na ako pakanan sa isang eskinita ay narinig ko siyang nagsalita. "Tumakbo ka hangga't kayo mo, kamahalan. Galingan mo ang pagtatago dahil hindi mo gugustuhin ang mangyayari 'pag nahuli na kita!"

Mas binilisan ko pa ang aking pagtakbo dahil sa sinabi niyang 'yon, kahit na sumasakit pa lalo ang mga sugat ko sa binti. Sumabay pa sa aking panginginig ang kanyang banta.

Tinahak ko ang madilim na eskinita at balisang pinagmamasdan ang paligid sa maaaring tumalong panganib sa aking harapan. Paano kung marami pa pala siyang mga kasamahan at naghihintay lamang sila sa labas ng daanang binabaybay ko ngayon? Paano kung wala pala itong labasan? Paano pa ako makakabalik nang buhay? Napakaraming katanungan ang dumadaloy sa aking isipan habang nagpapatuloy ako sa pagtakbo.

Pagkalampas ko sa eskinita na parang isang araw kong tinahak ay nakita ko ang malawak na espasyo sa dulo nito. Napapaligiran ito ng pader ng mga gusali sa kaliwa't kanang bahagi at sa harapan ay may mataas na bakal na bakod na siyang tanging daan para makarating sa kabilang dako. Mabuti na lamang at may mga ilang poste ng ilaw na malapit sa bakod kaya alam ko pa kung saan ako pumupunta.

Kapag nakalampas na ako sa bakod na 'yan, kaunting lakad na lang at makakarating na ako sa parke. Kahit isa muling madilim na eskinita ang aking lalakbayin ay hindi pa rin ako napanghihinaan ng loob dahil kita ko na ang liwanag sa dulo nito. Sigurado akong marami pa ring tao doon at mahihingan ko ng tulong. Walang sinayang na oras ay buong-puso kong tinungo ang pintuan ng bakod. Malapit na ako. Makakatakas na rin ako sa bangungot na ito. Sa wakas!

Parang nakalimutan kong may mga sugat pa ako dahil sa galak na aking nararamdaman ngayong makakaalis na ako. Ngunit pagkalapit ko dito ay 'di ko mapigilang mapamura at manlumo nang malamang nakakandado ang pintuan nito. Lahat ng sayang naramdaman ko kanina ay biglang nawala. Ang liwanag ng pag-asang nabuo sa aking damdamin ay binalot muli ng kadiliman ng takot.

Anong nang gagawin ko?

Hindi ko naman alam mag-lockpick at hindi ko rin masisira ito dahil sa nanghihina na ako dulot ng mga sugat ko. Malaki rin ang lock at kadena nito kaya wala ring silbi kung wala akong magagamit sa pagsira dito at tiyak na maraming oras ang gugugulin ko dito.

Napatingin ako sa kataasan ng bakod umaasang kakayanin kong akyatin. Pero napagtantong hindi aabot sa oras kung aakyatin ko ito dahil na naman sa mga pesteng sugat ko at isa pa ay masyado itong mataas. Lalo lang akong hindi makakapaglakad 'pag tatalunin ko ito mula sa taas. Hindi rin ako maaaring bumalik sa aking pinanggalingang eskinita kanina dahil tiyak na makakasalubong ko sila.

Isip. Isip. Ano pa ba ang maaari kong gawin?

Dali akong napalingon nang marinig ko ang alulong ng mga aso. Bigla muli akong kinabahan at napatitig nang matagal sa eskinita upang tingnan kung nandoon na sila. Pinilit kong igalaw ang aking katawan na sa tingin ko'y tumigas na sa takot dahil palakas na nang palakas ang mga tunog na aking naririnig. Iginala ko ang aking paningin sa buong paligid at nagbabakasakaling may makita akong makakatulong sa akin.

Kailangan kong magtago. 'Yon na lamang ang natitirang alam kong paraan para makaligtas. Lalo pang lumakas ang tibok ng aking puso habang pinapadaanan ng aking mga mata ang bawat sulok ng lugar.

Nang may nakita akong tambak ng mga kahon ay nagmadali akong lumapit at sumiksik sa ilalim nito para makapagtago. Lalong humapdi ang mga sugat ko habang gumagapang ako paloob ngunit tiniis kong huwag gumawa ng anumang ingay. Kinalma ko ang aking sarili nang makaayos ako ng upo kahit na alam kong hindi ako makakakalma sa sitwasyong ito. Pinakiramdaman ko ang aking paligid habang hinahanda ang aking sarili sa maaaring mangyari.

Hindi pa rin ako makapaniwala na malamang totoo sila, at sa ganitong paraan ko pa nalaman ang tungkol doon. At mas hindi ako makapaniwala na nadadamay ako sa gulong 'to, kung saan nanganganib ngayon ang aking buhay.

Ilang sandali pa ay tumigil ang mga alulong na aking naririnig. Para akong biglang nabingi sa pagtamihik ng buong paligid na pati aking paghinga ay 'di ko na din masyadong napansin dahil sa pagpigil ko dito. Mas lalo pa akong kinabahan sa bawat pagtibok ng aking puso na siyang tanging paalala na buhay pa ako.

Nakarinig akong muli ng mga yapak. Ginawa ko na naman 'to kanina. Nagtatago. Pero ngayon, wala na akong pwedeng panlaban sa kanya para mapahinto siya. Sinusukuan na ako ng aking katawan. Masyado nang maraming dugo ang nawala sa'kin. Kung magtatagal pa ako dito, hindi ko na alam ang mangyayari.

Napunta lahat ng aking atensyon sa pagdating niya, at mukhang papunta siya sa may pintuan ng bakod. Salamat sa tulong ng ilaw ng mga poste, mula sa maliit na siwang dito sa aking pinagtataguan ay kitang-kita ko kung paano siya maglakad. Nakahawak siya sa kanyang kanang kamay na sa tingin ko ay napuruhan dahil sa nangyari kanina. Tumalikod siya nang malamang sarado ang pinutan ngunit hindi siya umiimik. Lalo pa akong nangamba nang hindi ko mawari kung ano ang epkspresyon sa mukha niya habang naglalakad siya pabalik sa pinagmulan niya kanina. Sa tingin ko din ay dugo ang nasa kanyang mukha. Nagagalit kaya siya dahil sa ginawa ko sa kanya o dahil hindi na niya ako naabutan? Pero hindi naman siya nagmamadali kung maglakad, ni hindi rin siya nagsasalita. Masama ang kutob ko dito.

Unti-unti na siyang nawawala mula sa maliit na butas na nagbibigay ng limitadong paningin sa akin sa kung anuman ang nandoon at nangyayari sa labas. Makakahinga na sana ako nang maluwag sa pag-alis niya ngunit napansin kong wala ang mga kasamahan niya. Hindi na ako mapakali sa aking kinauupuan dahil wala akong ka-ide-ideya kung nasaan na sila o kung umalis na nang tuluyan ang lalaki.

Paano niya natanggal ang nakadagan sa kanya na siya lang mag-isa? Maaring malakas talaga siya at naitulak niya pagilid 'yong dambuhalang hagdan. At saan nanggaling ang mga alulong kanina? Hindi pa rin mawala-wala sa aking isipan ang katanungan kung bakit hindi ko nakita ang mga alalay niya kanina.

Nasaan na ang mga kasama niya? Imposibleng hindi niya kasama ang mga ito. Baka hindi pa sila nakakasunod? Hindi. Baka naman─

Tuluyan na akong tumigil sa paghininga. Lalong lumakas ang tibok ng aking puso at ramdam na ramdam ko ito sa aking dibdib. Parang nahulog ako sa napakalalim na balon nang biglang nagpakita mula sa maliit na siwang na 'yon ang pagmumukha ng lalaking pinagmamasdan ko kanina lamang. Kinilabutan ako nang tinitigan ako ng matatalim niyang mga mata lalo pa nang ngumisi ang kanyang mga labi.

"Huli ka!"

¤§¤

MorjenWhere stories live. Discover now