Huling araw ng ensayo na namin ngayon. Mukhang maganda na ang nabuo ng aming klase. Mula sa props, costumes, acting, at music, maayos na ang lahat. Hindi ako makapaghintay kung ano ang magiging itsura nito sa entablado.
Lahat ay nasusunod sa plano ko. Masasabi ko ring hindi nasayang ang pagpupuyat ko para sa script ng play na 'to at ang lakas na ginamit ko para maalalayan ang buong klase.
Pinanood ko ang aming mga bida na sina Kiene at Victor habang tinatanghal ang pinakamahalagang eksena sa play. Natutuwa ako sa emosyon sa kanilang mukha na nasasalamin din sa mga linyang binibitawan nila. Nararamdaman ko ang sakit na dapat maramdaman ng mga manonood. Maayos na talaga ang lahat.
Natapos na ang general rehearsal namin sa entablado. Maganda na, pero alam ko mas gaganda pa ito pag naka-costume na sila at iyong mismong pagtatanghal na. Nakikita ko rin na natutuwa talaga si Ma'am sa nagawa namin.
"Bukas na tayo magtatanghal kaya sana ibigay niyo na ang lahat niyo sa araw na iyon. Naniniwala ako na matatapos natin ito nang mahusay. Inaasahan ko na hindi niyo ako bibiguin. Klaro ba?" Sabi ko sa klase namin noong matatapos na ang pag-eensayo.
"Oo, gagalingan talaga namin, Nachi! Ito na huling gawain natin e! Pagkatapos nito, malaya na!" Sigaw ni Henry. Sumang-ayon naman ang aking mga kaklase. "Mabuti kung gano'n." Ngumiti ako sa kanila at pinatapos ang huling mga detalye sa mga parte nila. Sana naipaabot ko sa kanila ang determinasyon ko na mapaganda ito.
"Magsitayo na ang lahat." Sabi ni Ma'am Alva at nagpaalam na siya sa amin. Bago siya lumabas, tinapik niya ako sa ulo. "Good luck."
Napangiti ako. Uwian na noon kaya nagligpit na ako at sumabay kay Alice at Nikki papunta sa lobby. "Kinakabahan ako bukas." Sabi ko sa kanila. "Ginawa mo naman ang lahat ng makakaya mo, Nachi e. Sigurado akong maganda 'yan!" Sabi sa akin ni Nikki. "Baka kasi masyadong mataas naman 'yong inaasahan ko sa kanila. Sa huli, ako lang rin 'yong masasaktan."
"Hindi masamang mag-expect sa kanila, Nachi. Kaya ka lang naman nag-e-expect sa kanila kasi alam mong kaya nilang lampasan ang kung ano ginagawa nila ngayon. Alam mong kaya nilang galingan pa, gano'n." Payo sa akin ni Alice. Madalas akong magduda nang ganito. Buti na lamang ay nandiyan sila palagi para ibaling ang atensiyon ko sa tuwing mag-iisip na naman ako.
Pag-uwi ko sa bahay, nagpadala pa ako ng paalala sa aking mga kaklase. Hindi ako mapakali. Ayaw ko kasing masayang lahat ng pinaghirapan ko. Gusto kong maabot ang inaasahan ko sa sarili ko, ang inaasahan ni Ma'am Alva, at ng iba pang tao na makakanood sa play namin.
Ayaw ko sila lahat biguin.
BINABASA MO ANG
Walang Himaton
Teen FictionHalata raw ako sabi ng mga kaibigan ko, pero bakit siya walang kaalam-alam? Bulag ata siya sa mga himaton na aksidente kong nabibigay. * Paalala: Ang mga tauhan ay kathang-isip lamang at wala akong pinagbasehan sa totoong buhay. Kung ang isa sa mga...