Hindi ko alam na puwede pa palang lumalim ang pagkabaon ng mukha ko sa kamay ko, pati na rin ang pagkabaon ng dignidad ko. Tawa ka na, mambabasa.
Marahan siyang tumawa bago ako inakbayan at inilapit sa kaniya. "Hay nako, Katrina." Matagal siyang nanahimik habang nakaakbay pa rin sa akin. "Pagbibigyan na nga kita. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Lilipas din 'yan." Tumango ako habang nakatakip pa rin ang mukha ko. "Pagbigyan mo na lang muna ako ngayon." Mahina kong sinabi.
"Hay sabi ko na no'ng unang araw ng klase may magkakaganito sa huling araw e. 'Di mo kinaya ganda ko 'no?" Huwag kayo maniwala. Hindi ganiyan ka-GGSS si Ma'am Alva. Nagbibiro lang 'yan.
Sinabi ko na sa kaniya kasi gusto ko nang tapusin 'to. Alam kong mali kaya ako na mismo gagawa ng paraan. Kahit gano'n hindi ko pa rin mapigilan na naisin ang magkaroon kami ng relasyon, pero paulit-ulit ako paaalalahanan ng sitwasyon namin. Guro ko siya, estudyante niya ako. Pitong taon ang tanda niya sa akin. Babae kami pareho. Lahat sumisigaw ng "hindi puwede."
Tinanggal ko ang mga kamay sa mukha ko at pinalibot ito sa katamtaman niyang katawan. Niyakap ko siya ng mahigpit. Nilabas ko lahat ng pagmamahal na nakakubli sa puso ko, 'yong parehong pagmamahal na dahilan kung bakit minsan parang sasabog na ang puso ko, 'yong parehong pagmamahal na sa kaniya ko lang inilalaan.
Laking gulat ko nang maramdaman ko rin siyang nagbabalik ng yakap ko. Iba ang pakiramdam. Iba ang klase ng pagmamahal na dumaloy sa katawan ko, 'yong pagmamahal ng isang nanay sa kaniyang anak; ng guro sa kaniyang estudyante. Iba, pero sapat na sa akin 'yon.
Tumulo ang mga luha sa mata ko. Paulit-ulit kong sinabi sa kaniya na mahal ko siya dahil walang saktong salita ang makakapagpahayag sa nararamdaman ko.
"Mahal din kita, anak." Hinaplos niya ang buhok ko. Alam kong iba ang ibig sabihin niya pero nagagalak ang puso ko na marinig ang mga salitang 'yon; ang mga salitang hindi ko inaasahang marinig sa kaniya kahit kailan.
Bumitaw na siya sa pagkakayakap at hinawakan ang pisngi ko. Marahan na namang namula ang mukha ko at inilayo ko ang mata ko sa kaniya. Napatawa siya at ngumiti sa akin. "Nawa'y mahanap mo ang taong masusuklian ng sakto ang ganiyang klase ng pagmamahal mo." Hinalikan niya ako sa pisngi, 'yong parang sa nanay. Ngumiti rin ako. Matagal ko naman nang tanggap.
Tumayo na siya at tinapik ulit ako sa ulo. Nginitian niya ako ng isa pang beses bago umalis. Inasahan ko na ganoon ang sasabihin niya, pero ang hindi ko inasahan ay 'yong kung ano kinilos niya pagkatapos. Akala ko pa naman magagalit siya o hindi niya ako kakausapin, parang 'yong mga nasa pelikula. Ngumiti ako. Makakalimot na rin ako.
"Awit naman 'yon." Inisip ng nagsusulat habang tinatahi niya ang realidad niyang hindi magkakatotoo, ang mga bagay na hindi niya magagawa, ang mga salitang hindi niya masasabi, at ang guro niyang hindi niya mapagsasabihan ng nararamdaman niya sa isang kuwentong kathang-isip lang pero bahagyang totoo. Ang totoo lang do'n ang 'yong bahaging iyakin at torpe siya.
Magandang gabi po.
BINABASA MO ANG
Walang Himaton
Novela JuvenilHalata raw ako sabi ng mga kaibigan ko, pero bakit siya walang kaalam-alam? Bulag ata siya sa mga himaton na aksidente kong nabibigay. * Paalala: Ang mga tauhan ay kathang-isip lamang at wala akong pinagbasehan sa totoong buhay. Kung ang isa sa mga...