Linggo ng Mabathalang Awa at Habag

20 2 0
                                    

EBANGHELYO : Juan 20:19-31 (cycle A, year II)

"Kinagabihan ng araw ng linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Hudio. Dumating si Hesus at tumayo sa kalagitnaan nila. "sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. Pagkasabi nito ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Nang Makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. Sinabi na naman ni Hesus sa kanila, "sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko kayo." Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin niyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad." Ngunit si Tomas, na tinatawag na kambal at kabilang sa labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, "Nakita naming ang Panginoon!" Sumagot si Tomas, "Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa sugat na iyon at sa kanyang tagiliran." Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Hesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya "Sumainyo ang kapayapaan." At sinabi niya kay Tomas, "Tignan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang magalinlangan pa, sa halip ay maniwala ka." Sumagot si Tomas, "Panginoon ko at Diyos." Sinabi sa kanya ni Hesus, "Naniniwaa ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga nininiwala kahit hindi nila ako nakita."

PAGNINILAY

"Pray, hope and do not worry, worry is useless, God is merciful." (St. Padre Pio) Sa ibanghelyo makikita natin na matapos malaman ng mga alagad na wala sa libingan ang bangkay, kinagabihan sila'y nagkatipon. Sila'y nagkakatipon, maaaring upang manalangin at pag-usapan ang tungkol sa nawawalang bangkay. Isinara nila ang mga pinto, sapagkat sila'y natatakot na baka usigin sila ng mga Hudio. Ngunit nagpakita ang Panginoon sa gitna nila, hiningahan sila at naghabilin ng kanyang utos tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa ating pananampalataya ito ang sitas na saligan ng Sakramento ng Kumpisal. Ngunit noong mga panahong iyon wala si Tomas, kung kaya't ang mga alagad ay nangusap kay Tomas at sinabi kung ano ang kanilang nakita. Ngunit hindi naniwala si Tomas, hindi siya naniwala una dahil hindi pa niya naiintindihan noon na ang anak ng tao ay kailangang muling mabuhay, hindi siya naniniwala na ang isang taong nakaranas ng malubhang paghihirap ay maaaring mabuhay o gumaling sa loob lamang ng tatlong araw. Maaaring naisip din ni Tomas na guni-guni lamang ito ng mga alagad dahil sa lubha nilang kalungkutan. Nang sumunod na linggo ay kasama na Tomas sa pagtitipon, at muling nag pakita si Hesus sa kanila. Sa pagkakataong ito naroroon na si Tomas, ipinagutos ni Hesus na ilagay ni Tomas ang kanyang mga daliri sa mga sugat ng Panginoon, at matapos nito'y siya ay naniwala. Sa pangwakas sinabi ni Hesus na mapalad ang mga niniwala bagamat hindi nakakita. Sa Linggo ding ito ating ipinagdiriwang ang linggo ng Mabathalang Awa o Divine Mercy Sunday. Ang debosyong ito ay ipinalaganap ni Santa Faustina Kowalska ng Poland. Nang nagpakita sa kanya sa aparisyon ang Panginoon at nagutos na ipalaganap ang debosyon sa kanyang banal na awa.

Ano ang nais ituro sa atin ng ating ibanghelyo at ang kapistahan ng banal na awa sa linggong ito? Maaaring ang aral na nais iparating sa atin ngayong linggong ito ay patungkol sa pananampalataya. Lagi nating tatandaan na tayo'y mga disipulo ng Panginoon, at bilang mga disipulo, tulad ng mga Alagad darating sa punto ng ating buhay pananampalataya ang kawalang paniniwala. Darating sa punto na kahit gaano tayo karelihiyoso, kahit gaano tayo kaaktibo sa pananalangin, kahit gaano tayo kaaktibo sa iba't ibang desyon at iba't ibang gawaing simbahan ay pagdududahan natin ang kapangyarihan ng Diyos. Ako po ay naniniwala na dumarating talaga sa buhay ng isang mananampalatayang kristiyano ang mga pagkakataong ito. May mga darating na mga pagsubok, kahirapan, kalungkutan, panganib, na makapagdudulot sa atin ng pangamba, pagdududa, bagabag, kawalang pananampalataya o kaya nama'y kasiyahan, yaman, kapangyarihan na makapagdudulot sa ating malimutan ang ating Panginoon. Natutulad tayo kay Tomas, na bagamat nakasama si Kristo ng matagal pag dating sa huli ay nagduda pa rin. Bagamat matagal na tayong lingkod ng simbahan, matagal na tayong mananampalataya, matagal na nating nararanasan ang mga maliliit at malalaking himala sa ating buhay, tayo at nagdududa parin. At ang mga pagdududang ito, ang mga pangambang ito ay magdadala sa pagiging mga atheista, mga taong walang Diyos na pinaniniwalaan. Dahil dito'y isasara na natin ang mga pinto ng ating puso sa pagmamahal ng Diyos, sa paniniwalang may Diyos. Ngunit alalahanin natin, bagamat isinara ng mga apostol ang pintuan ng kanilang tinutuluyan ay nakapasok parin ang Panginoon at binigyan sila ng kapayapaan. Tandaan natin, na kahit isara natin ang pinto ng ating mga puso makakapasok parin ang ating Panginoon at bibigyan ng kapayapaan ang ating mga pangamba. Sa panahon ng krisis, sa panahon ng kaguluhan, sa panahon ng pandemya, sa mga panahong mapanganib huwag tayong mag-alala at mawalan ng pananampalataya, alalahanin natin si Kristo, ang banal na awa, may awa ang Diyos, magtiwala ka lang. Sa halip magduda, sa mga panahong ito ang sabihin natin ay "Hesus nananalig ako sa'yo". Alalahanin natin ang sinabi ng dakilang santo na si San Padre Pio, "Pray, hope, and Do not worry, worry is useless God is merciful." Bilang pang-wakas naniniwala akong pinahihintulutan ng Diyos ang mga "pangamba at pagduda" sa ating buhay, parte ito ng kanyang plano na pagkatapos ng pag-subok na ito ay mas lalakas ang ating pananampalataya. Kung dumating na sa punto ng ating buhay na isinara natin ang pinto ng ating isip at puso para sa Diyos ngunit siya'y nakapasok parin, nagpakita sa atin upang bigyan tayo ng pag-asa't kalakasan, tumulad tayo sa mga alagad na naunang nakakita sa Panginoon, puntahan natin ang bawat Tomas sa ating buhay at dalhin ang mensahe ng muling pagkabuhay, ang mensahe ng pag-asa, pagmamahal, at awa na nagmumula sa Diyos. Mapalad ang mga naniniwala bagamat hindi nakita. Hesus, Hari ng Awa, Kami ay nananalig sa'yo. Amen.

Pahinga't Pahina: Mga pagninilay ni BraderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon