Ikalimang Linggo ng Muling Pagkabuhay

10 1 0
                                    

EBANGHELYO : Juan 14:1-12 (cycle A, year II)

"Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko." Sinabi sa kanya ni Tomas, "Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?"Sumagot si Jesus, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita." Sinabi sa kanya ni Felipe, "Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami." Sumagot si Jesus, "Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing 'Ipakita mo sa amin ang Ama'? Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama.

PAGNINILAY

"The truth will set you free." Sa ebanghelyo natin sa linggong ito isinalaysay ang isang kwentong napaka-pamilyar para sa atin. Ito ang kabanata sa bagong tipan kung saan sinabi ng Panginoon na siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Una sinabi ng Panginoon na pupunta siya sa tahanan ng Ama at ipaghahanda tayo ng matitirhan at sabi ng Panginoon alam natin ang daan patungo sa kanyang pupuntahan. Pangalawa, sumagot si Tomas at nagsabing hindi niya alam ang daan. Kaya naman sumagot si Hesus na siya ang Daan, ang katotohanan at ang Buhay. Pangatlo, nagsabi si Felipe na kung maaari ay ipakita ng Panginoon sa kanila ang Ama, ngunit sumagot si Hesus na kapag nakita na natin siya ay nakita na natin ang Ama. Pang huli sinabi ng Panginoon na kung hindi ninyo kayang paniwalaan ang aking salita, paniwalaan ninyo ang aking gawa. Ano po ang nais iparating at ituro sa atin ng ebanghelyo para sa linggong ito?

Meron pong apat na aral ang ebanghelyo natin. Una, ipinapaalala sa atin ang pangako ng Buhay na walang hanggan. Nangako ang Panginoon na ipaghahanda niya tayo ng matitirhan at sinabi niya na alam natin ang daan papunta sa tahanang iyon. Ang tinutukoy na Panginoon na tirahan ay ang magiging tirahan natin habang buhay pagkatapos ng buhay na ito. Ang tinutukoy ng Panginoon ay ang kahihinatnan natin pagkatapos nating mamatay, ang Langit, ang Paraiso, ang Buhay na walang hanggan. Sinabi ng Panginoon na nalalaman natin ang daan kung paano tayo makakapunta sa tirahang iyon. Ngunit katulad ng ibang daan nakalimutan din natin ang daan papunta sa paraiso. Bakit? Hindi tayo palagiang nagpupunta sa daanang iyon. Halimbawa na lamang ang mga taga Probinsya na matagal nanirahan sa syudad, kapag bumalik sila sa probinsya may mga lugar ng hindi na nila alam puntahan kasi matagal na hindi nila ito tinahak. Ang daan papunta sa langit ay palagian nating nakalilimutan sapagkat hindi natin ito tinatahak ng palagian. Hindi tayo lumalapit sa Panginoon palagian, hindi tayo nagsusumikap magpakabanal palagian, hindi tayo gumagawa ng kabutihan araw-araw, hindi tayo nagdarasal araw-araw, hindi tayo nagsisimba linggo-linggo. Malimit nating kalimutan ang mga bagay na ito namakatutulong sa atin patungo sa langit. Pangalawa, ipinapaalala sa atin na minsan o kaya nama'y palagian tayong natutulad kay Tomas na hindi alam o nakalimutan ang Daan. Pero sino nga ba ang daan? Sa mundo natin ngayon napakaraming naghahanap ng daan, ng paraan upang guminhawa ang buhay, upang sumagana at sumaya ang buhay. Ang iba sa mga walang saysay idinadaan ang kasiyahan, ang iba naman ay gumagamit ng kasamaan, ng talim upang makamit ang sariling interes, ang sariling kasiyahan. Ang mga bagay na ito ay hindi totoong daan na nagdadala sa atin sa hindi totoong kasiyahan. Ang tunay na daan patungo sa tunay na kasiyahan ay ang Panginoong Hesukristo. Kapag tayo ay nalulungkot, nawawalan ng pag-asa, tulad sa panahon natin ngayon saan tayo lumalapit? Sa Social Media ba? Sa mga Bisyo? Sa mga walang saysay na bagay? O inilalapit natin ang mga pagsubok natin sa Panginoon? Pangatlo, Ipinapaalala rin sa atin na kung hindi man tayo makakalimutin tulad ni Tomas ay tulad din tayo ni Felipe na minsang nabubulag. Palagian niyang kasama si Hesus na emahe ng Ama ngunit hindi niya ito nakita. Minsan sa ating buhay hindi natin nakikita si Hesus, nabubulag tayo. Masyado tayong nabubulag ng mga mararangyang bagay dito sa mundo kung kaya't hindi natin makita si Hesus kahit man lang sa mga simpleng bagay sa pangaraw-araw nating buhay. Pang-huli, ang aral na binigay ng Panginoon tungkol sa pananampalataya. Sabi niya kapag hindi niyo kayang paniwalaan ang aking salita, paniwalaan niyo ang aking gawa. Marami ang mga hindi mananampalataya, marami ang mga atheista, ang layunin natin ay dalhin sila sa Panginoon. Kung dadalhin natin sila sa Panginoon hindi natin basta basta pangangaralan mula sa bibliya, bakit? Kasi hindi nga sila naniniwala sa Bibliya, sa salita. Sa paanong paraan natin sila mahihikayat? Sa pamamagitan ng pagiging mabuting ehemplo. Sa pamamagitan ng pag-papakita ng ating gawa. Kapag nakita nila na kumikilos tayo ng may kabutihan, maiisip nila na "Napakaganda pala ng naidudulot sa isang tao ang pananampalataya, ginagawa siyang mabuti." Sa ganitong paraan mahihikayat natin sila at madadala natin sila sa daan patungo sa kaligtasan. Bilang pang-wakas, may-roon daw pong isang guro na kilalang-kilala dahil sa anumang tanungin sa kanya ay nasasagot niya. Minsan napadaan siya sa talahiban sa tabi ng kalsada, maya-maya ay may lumapit sa kanya at nag-mamadaling nag tanong, "Guro paano ko po mahahanap ang tamang daan?" Sumagot ang Guro, "Ano yang suot-suot mong sing-sing" "Ito po ay sing-sing na mana ko sa aking Ama, napakahalaga po nito sa akin." Sagot niya. Pagkatapos magsalita ay kinuha agad ng guro ang sing-sing at tinapon sa talahiban. Nagulat ang lalake nag sabi "Guro, nagmamadali po ako, napakarami ko pang gagawin, ngunit mahihinto dahil mas unahin ko pang kunin ang sing-sing na mana ko kay ama dahil napakahalaga nito." Sumagot ang Guro, "Anak yun ang sagot ko, ang tamang daan ay yung unahin ang pinakamahalaga para sayo." Mga kapatid, minsan ang dami nating tinatahak, ang dami nating ginagawa at inisip, hindi na natin napapansin na naisasantabi natin yung mga bagay na importante, sa paglalakbay natin sa buhay na ito nakakalimutan natin kung saan ba talaga ang tama at dapat unahing daan. Mga kapatid, ang pangunahing daan na dapat nating tahakin ay ang daan ng Panginoon. Siya ang Daan, ang katotohanan, at ang buhay. The truth will set you free. Siya ang katotohanang magpapalaya sayo, at magtuturo sayo ng katotohanan, na makapagdudulot sayo ng buhay na walang hanggan. Siya ang Daan, ang katotohanan at ang Buhay. Amen.

Pahinga't Pahina: Mga pagninilay ni BraderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon