Ika-Anim na Linggo ng Muling Pagkabuhay

8 0 0
                                    

EBANGHELYO : Juan 14:15-21 (cycle A, year II)

"Kung iniibig ninyo ako, tutuparinninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatilisa inyo. "Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. "Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya."

PAGNINILAY

"Do not be afraid" Sa Ebanghelyo natin para sa linggong malalaman nating nag-iwan si Hesus ng kanyang mga huling habilin o huling aral sa mga alagad. Sinabi niya na huwag nilang kakalimutang mag-mahalan, huwag nilang kakalimutang sundin ang mga iniutos niya, at pinapaalalahanan niya sila na huwag mag-alala sapagkat may isusugo siyang tutulong sa kanila, walang iba kundi ang Espiritu Santo. Mga kapatid ano po ang ipinapahayag sa atin ng Ebanghelyo para sa linggong ito? Ipinapaalala ng Panginoon na, una, huwag nating kakalimutang ibigin siya. Sinasabi niya na ibigin natin siya. Pangalawa, ipinapaalala din sa atin ng Panginoon na lagi nating tutuparin ang kanyang mga utos. Sinasabi ng Panginoon na lagi tayong sumunod sa kanyang mga aral at pangatlo, sinasabi sa atin ng Panginoon na huwag tayong mag-alala sapagkat may darating at tutulungan tayo.

Una sabi ng Panginoon na ibigin natin siya. Matatandaan natin sa sa ibang talata ng Bagong Tipan ay nabanggit ng Panginoon na ang pinakadakilang utos ay "Ibigin ang Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip." Sa panahon natin ngayon tila ba nakakalimutan nating mahalin ang Diyos. Mas minamahal natin ang ating sariling buhay, ang ating mga katungkulan, ang ating mga yaman, ang ating mga sariling interes, at nakakalimutan natin kung sino ang dapat minamahal ng higit sa lahat. Sabi ng Panginoon na mahalin natin siya ng buong puso, ngunit tila ba ibang tao o ibang bagay ang laman ng ating mga puso. Sabi ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng buong kaluluwa, pero tila ba ang nagmamay-ari ng ating kaluluwa ay si Satanas. Sabi ng Panginoon na mahalin natin siya ng buong pag-iisip, ngunit tila ba napupuno ng mga walang saysay at pansamantalang bagay ang ating mga isipan at hindi na natin naaalala ang Diyos. Mga kapatid huwag sana natin makalimutan na ibigin ang Panginoon ng higit sa lahat. Pangalawa, sinabi ng Panginoon na tuparin ang kanyang mga inuutos. Sinabi niya na kung talagang iniibig natin siya ay tutupdin natin hindi lamang ang ilan kundi lahat ng kanyang mga utos. Ngayong makabagong panahon, lalong-lalo na ngayong panahon ng pandemya, tila ba ibang batas at prinsipyo na ang gumagabay sa atin. Tila ba ang pakahulugan at pagkaka-intindi natin sa sinabi ng Panginoon na "mahalin ang kaaway" ay mahalin ang Demonyo pati ang kanyang mga gawa sapgkat siya rin ay ating kaaway. Nakakalimutan natin ang mga turo at aral ng Panginoon at napapalitan natin ito ng mga turo at impluwensya ng Demonyo. Pangatlo, sabi ng Panginoon, "Huwag kayong mag-alala sapagkat may darating na Paraklito". Alam ng Panginoon na bilang mga tao hindi natin makakaya at mapapanatili ng tayo lamang ang pagmamahal natin sa kanya at ang pagtalima sa kanyang utos. Kaya naman isusugo niya ang Espiritu Santo upang patatagin tayo nang sagayon ay mapanatili natin ang pagmamahal sa Diyos at pagtalima sa kanyang mga utos. Minsan dumarating sa punto na tila ba naguguluhan tayo, naliligaw ng landas, nakakalimutang mahalin ang Diyos, nahihirapang sumunod sa aral at turo ng Panginoon, humingi tayo ng tulong sa Espiritu Santo na ating gabay. Mga kapatid, huwag nating kakalimutang mahalin ang Diyos, isakatuparan ang kanyang mga utos, at kung tila ba nahihirapan tayong gawin ang mga ito, ika nga "Do not be afraid", wag tayong matakot at humingi ng tulong sa Espiritu Santo. Amen.

Pahinga't Pahina: Mga pagninilay ni BraderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon