Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo

16 0 0
                                    

EBANGHELYO : Juan 3:16-18 (cycle A, year II)

Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos.

PAGNINILAY

"May they be one" Mga kapatid ang ebanghelyo natin para sa linggong ito ay ang pinaka bantog na bersikulo sa Banal na Kasulatan, ang ikatlong-kabanata ng Juan talata labing anim. Kung saan isinalaysay ni Juan kung paano tayo kamahal ng Diyos, at sa sobrang pagmamahal niya sa atin, handa niyang ibigay ang kanyang bugtong na anak, ang kanyang kaisa-isang anak nang sa gayon ang sinumang sumunod at maniwala ay maliligtas. Idinugtong pa ang dalawang talata, ang labig pito at labing walo na kung saan sinasabi na, kapag tayo'y naniniwala sa anak hindi tayo hahatulan ng kamatayan ng Diyos ngunit kung tayo'y 'di naniniwala tayo'y hahatulan ng kamatayan. Sa linggo ring ito, ipinagdiriwang natin ang dakilang kapistahan ng Banal na Santatlo, ang Tatlong Persona sa iisang Diyos. Ano po ang ipinaparating ng kapistahang ito at ng ebanghelyo para sa linggong ito? Una, ipinapaalala kung gaano tayo kamahal ng Diyos, pangalwa, itinuturo sa atin ang kahalagahan ng pananampalataya, at pangatlo, ipinapaliwanag sa atin ang aral ng Santalo.

Mga kapatid, sa ating pinagdaraanan krisis ngayon, walang pagaatubiling ipinapaalala sa atin ng Diyos na mahal niya tayo. Nitong mga nagdaang buwan sa ating liturhikong kalendaryo ay nasilayan natin ang buhay, pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo. At kung ating pagninilayan at susumahin, ang rurok nito ay ang walang kapantay na pag-ibig ng Diyos sa atin. Bakit nabuhay si Kristo? Dahil sa pag-ibig ng Diyos. Para saan ang pagpapakasakit ni Kristo? Para maipakita kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Bakit namatay si Kristo? Dahil mahal tayo ng Diyos. Ano ang muling pagkabuhay? Ang patunay sa katotohanan ng pag-ibig ng Diyos. Makikita natin na ang lahat ng ito ay nag-tatapos sa pagmamahal ng Diyos. Mga kapatid ano man ang ating pinag-dadaanan sa mga panahong ito, gaano man kahirap ang buhay araw-araw, gaano man karami ang sakit-sa-ulong dumadating sa ating buhay, huwag nating kakalimutan mahal tayo ng Diyos. Ngayon tumigil tayo sandali at pasalamatan ang Diyos sa kanyang pag-ibig. "Panginoon, salamat po sa iyong pag-ibig." Pangalawa, ipinapaalala sa atin sa linggong ito kung gaano kahalaga ang pananampalataya sa ating kaligtasan. Sabi ng ebanghelyo, "ang sinumang manampalataya ay maliligtas." Kung atin pong pagninilyan, bagamat napakadaling unawain, bagamat maganda sa pandinig, bagamat ito'y may katotohanan, kung kaya't ito ay ang pinakabantog na bersikulo, ang mga katagang ito ay napakalawak at napakalalim ng ibig sabihin. Parang isang "formula" [ikaw + manampalataya kay Kristo = kaligtasan] ngunit dapat tama ang pag-unawa natin sa mga salitang "pananampalataya kay kristo". Dapat tama ang paniniwala mo kay Kristo. Para maging tama ang pananampalataya mo kay kristo may dalawang bagay kang kailangang kamtin, una ang tamang Iglesia, sapagkat sa tamang Iglesia mo lamang makakamtan ang tunay na pag-unawa kay Kristo, sa tamang samahan mo lamang makakamtan ang kabuoan ng katotohanan. Pangalawa tamang pagsasa-buhay ng pananampalataya, ibig sabihin, "you are putting your Faith into action" hindi sapat ang pananampalataya lamang o "faith alone" kailangan ng gawa. Sapagkat ayon kasulatan ang pananampalatayang walang gawa ay patay. Kung ikaw ay nasa tamang Iglesia at isinasagawa ang iyong pananampalataya makasisiguro ka na ikaw ay tunay na nananamplataya kay Kristo. At kapag tunay kang nananampalataya kay Kristo, ikaw ay maliligtas. Pangatlo, itinuturo ng linggong ito ang aral ng Banal na Santatlo. Ang misteryo ng Santatlo, kung paanong may tatlong persona sa iisang Diyos ay napakiharap unawain, tingin ko kalian ma'y hindi natin ito mauunawaan. Ngunit ang mensahe ng Banal na Santatlo ay napakadaling unawain. Ano po ba ang mensahe sa atin ng Banal na Santatlo sa mga panahong ito? Pagkakaisa. Ang Diyos ay pag-ibig, ang Diyos ay iisa. Ang Diyos ng Pag-ibig ay iisa! Sa papaanong paraan naging isa? Dahil sa pag-ibig. Pinagbuklod ng pag-ibig. Ang mensahe sa atin ng Santisima Trinidad ay mag-kaisa tayo sa ngalan ng pag-ibig. Ngayong panahon ng dibisyun, pagkampi-kampi, pagkawatak-watak, magpakita tayo ng pag-ibig. Sabi ng Panginoon, "Love your enemies" "Love one another". Mahalin natin ang isa't isa nang sagayon tayo'y pagbuklurin ng pag-ibig tulad ng Banal na Santalo na pinag-iisa ng Pag-ibig. Kung susumahin, ano po ang itinuturo ng tatlong aral na ito. Ang pag-ibig ng Diyos sa pag-aaalay niya ng kanyang kaisa-isang anak ay nagdudulot sa upang tayo'y maniwala sa Diyos kahit hindi natin siya maunawaan at makita. Nawa ang pananampalatayang nakapagbibigay ng kaligtasan na dulot sa atin ng pag-ibig ng Diyos ay magudyok sa atin upang magmahalan at mag-kaisa nang sa ganon "We may be one." Amen.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 06, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Pahinga't Pahina: Mga pagninilay ni BraderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon