Simula

28 4 0
                                    

Simula

Takbo. Tingin sa likuran. Tingin sa kaliwa't-kanan. Takbo.

Hindi ko na alam kung saan ako patungo basta kailangan kong makaalis sa lugar na ito. Panay ang pagpunas ko sa mga luhang walang humpay na lumalandas sa aking mukha. Halos hindi ko na maaninag ang daang tinatahak dahil sa dilim at pag-iyak.

"Lintik! Nakawala!"

Napalingon ako at sa gulat ay hindi ko namalayang mayroon palang malaking sanga ng kahoy sa paanan ko. Naramdaman ko ang kirot na nagmumula sa aking binti dahil sa pagkadapa ngunit kahit ganoon ay pinilit kong tumayo para makalayo sa kanila. Para makalayo sa aking ama.

Ng makatayo ay paika-ika akong tumakbo, hindi ko na inalintana ang sakit. Hindi ko alam kung nagkasugat ba ako roon o tumamo ng pasa dahil sa sobrang dilim ay hindi ko na maaninag iyon.

"Hanapin niyo ang bata! Pucha mapapahamak tayo nito!" galit na sigaw ng lalaki.

Kahit na panay ang pagtakbo ko roon ay alam kong hindi pa ako tuluyang nakakalayo sa kanila dahil rinig ko pa rin ang kanilang malalalim na boses na may bahid ng pagtatangka. Ng muntikan na akong masagi ng ilaw mula sa kanilang dala-dalang flashlight ay nagtago ako sa likod ng puno. Tinakpan ang bibig upang di nila marinig ang aking paghikbi. Ramdam ko na ang kanilang paglapit.

"Tandaan mo to Ernesto, pag hindi natin nahanap ang anak mo. Damay-damay tayong lahat!" bulyaw ng isang maton habang hawak-hawak ang telepono nito. Batid kong si papa ang kausap niya. Hindi ko inakalang hahantong kami sa ganito, hindi ko inakalang magagawa ito ni papa.

Sumilip ako ng kaunti sa kinaroroonan nila at doon nakita ang tatlong lalaking may hawak na kanya-kanyang baril. Panay ang tingin nila kahit saan, paniguradong isa lang ang hinahanap at. . . ako iyon.

"Nakakaputa naman oh! Pag yang batang yan nahanap ko, gigilitan ko talaga yan sa leeg," wika ng isa pa nitong kasama.

"Ba't pa kasi napunta yan dito. Tanga naman ni Ernesto at hindi namalayang nakasunod ang anak," nanggigigil na tugon ng lalaking nakasuot ng gusot-gusot at kupas na pulang t-shirt.

Nangangatog na ang mga binti ko. Puno na ng takot at kaba ang aking diwa dahil sa naririnig na mga salita mula sa kanila. I want to disappear but I don't want to die, masyado pa akong bata ngunit sa tingin ko'y baka ito na nga ang aking katapusan. Masakit isipin na hindi ko alam kung paano ko ipagtanggol ang aking sarili ngunit mas masakit isipin na kahit ang sarili kong ama ay isa sa mga taong tumutugis sa akin. Ni hindi ko na siya kilala, masyado na siyang nabulag ng kasakiman at pera.

Ng makitang aligaga ang tatlong lalaki sa paglinga-linga kung saan ay sinunggaban ko ang opportunidad upang ipagpatuloy ang paglayo roon.

"Ano yun?"

Napatakip ako sa aking bibig ng maapakan ko ang mga tuyong dahon sa gilid ng puno. Lumikha ito ng ingay, dahilan kaya't bigla itong nag-agaw ng pansin sa mga lalaking kanina ko pa pinagtataguan. Sumilip ako sa puno at laking gulat ng ang isa sa kanila ay nailawan ako. Nakita nila ako!

"Ayun! Mahuhuli ka rin namin anak ni Ernesto!"

Pakiramdam ko'y nawala ang sakit ng aking binti dahil sa bilis ng aking pagtakbo. Habang lumalalim ang gabi ay siya ring pagsukal ng daang tinatahak ko. Naglalakihang ugat ng puno at ang makakating damo ang sumasalubong sa bawat hakbang ko. Hindi ko na inisip kung makakasalubong ba ako ng mababangis na hayop o kaya'y ahas. Kung hahayaan kong lukubin ng takot ang sarili ko ay hindi ako matutulungan nun, kailangan kong maging matapang kahit pa ako lang mag-isa. Kung tunay ngang tatapusin ako ng mga lalaking tumutugis sa akin, alam ko sa sarili ko na lumaban ako bago mamatay.

Bait on You (Military Series #1)Where stories live. Discover now