Kabanata 1

15 3 0
                                    

Saved

"Elea!''

Kaliwa't-kanan ang mga taong namimili sa puwesto namin sa palengke. Kasalukuyan akong nagbabalat ng patatas at naghihiwa ng kalabasa dahil sa bilin ng isa sa pinakamalaking suki namin ng tawagin ako ni Nay Cora.

"Po?''

"Sabihin mo nga doon kay Tinay na dalhin lahat ng patatas dito at nagkakaubusan na tayo,'' utos nito habang kaharap ang mga mamimili at suki niya.

"Sige po.''

Tinapos ko ang pagbabalat sa huling patatas saka pumasok sa loob kung saan nakalagay ang sako sakong mga gulay. Agad na bumungad sa akin si Tinay na hinihiwalay ang mga maaayos sa di kagandahang mga repolyo, ganoon din ang ginawa niya sa iba pang gulay. Napansin niya ang pagpasok ko kaya naman napahinto ito.

"Bakit ate Elea? May utos ba si Nay Cora?"

Lumapit ako rito saka pinunasan ang mukhang may natuyong lupa na sa tingin ko'y dahil sa paghihiwalay niya sa mga patatas at ibang bungang kahoy. Gamit ang kupas kong t-shirt ay kumunot ang mukha nito sa ginawa ko.

"Ano ba naman yan ate! Napakaharsh mo naman, parang nagulo mukha ko," reklamo nito dahilan upang mapatawa ako.

Si Tinay ay anak ng kapatid ni Nay Cora na namatay dahil sa panganganak dito. Simula pagkabata ay si Nay Cora na ang nag-alaga rito. Walang asawa't-anak si Nay Cora kaya naman ng mapunta sa kanya si Tinay ay itinuring pa rin niya itong biyaya kahit pa nawala ang kanyang nakababatang kapatid. Nasa ika-anim na baitang na si Tinay at kasalukuyang nag-aaral sa nag-iisang pampublikong mababang paaralan dito sa probinsiya ng Felicidades. Matataas ang mga marka nito at masipag pa, bagay na kinahahangaan ko sa kanya kahit sa mura pa nitong edad.

Biglang bumalik sa isipan ko ang naging reaksyon nito ng makita akong dumating sa kanilang tahanan na gusot-gusot ang damit at may mga galos at pasa, apat na taon na ang nakakalipas. Pitong taong gulang pa lamang si Tinay noon.

"Nanay!"

Nakita kong lumapit ang isang batang bilugin ang mga mata at may maiksing buhok na napapalamutian pa ng kanyang kulay rosas na headband. Lumapit ito sa ginang na tumulong sa akin saka mahigpit na yumakap dito. Natigil lamang siya sa ginawang pagyakap ng mapansin ako.

"Sino yan Nanay?"

Tumingin ang ginang sa gawi ko saka binalik ang tingin sa bata.

"Siya ang ate Elea mo. Diba sabi mo dati gusto mong magkaroon ng ate? Ngayon may ate ka na."

"Ha? May anak ka po Nay?"

Napangiti ako sa kainosentehan ng bata, nakikita ko ang sarili sa kanya noong nasa parehong gulang niya ako. Bigla ko tuloy naalala ang sinapit ko noon kaya iwinaglit ko nalang iyon sa aking isipan.

"Hindi ko siya tunay na anak Tinay pero gaya mo magiging anak ko na rin siya. Ayaw mo ba yun? May ate ka na?"

Napakurap-kurap ang bata dahil sa sinabi ng ginang. Bumitaw siya rito saka tutok na tutok na lumapit sa gawi ko. Tiningnan ko lamang ito saka hilaw na napangiti.

"Ate na po kita?"

Bakas sa mga mata nito ang pag-asa sa kung anumang isasagot ko.

"Oo naman," pinilit kong maging masigla ang sagot kahit na sobrang pagod na ng aking katawan.

"Yehey!"

Napatalon ito sa tuwa saka ako niyakap. Nagulat ako sa ginawa ng bata, medyo napapikit pa ako dahil nasagi niya ang sugat ko sa binti.

"Ako si Tinay, pitong taong gulang. Hindi ko tunay na mama si nanay Cora pero mahal na mahal na mahal ko siya. Ikaw ate? Saan ang tunay na nanay mo? Mahal ka rin ba niya?"

Bait on You (Military Series #1)Where stories live. Discover now