Ang Kulay Pulang Rosaryo ni Lola sa Ibabaw ng Baha
Panahon na naman ng tag-ulan.
Ang pinaka-paborito kong emosyon ng langit.
Naalala ko noong bata ako, tuwang-tuwa ako tuwing aayain ako ng mga kaibigan kong maligo sa ulan. Kahit pa kabado akong magpaalam kay Mama ay ayos lang. Malaki ang kaligayahang naidudulot sa'kin ng ulan kaya't sabik na sabik akong maligo kasabay ang mga kaibigan ko. Kung hindi man ako payagan ay sila ang nagpapaalam para sa akin. At kapag napapayag na nila si Mama, papahiran muna ako nito ng langis sa aking likod upang hindi ako dapuan ng anumang sakit.
Napakalakas ng ulan at nakikita ko na ang mga kaibigan ko sa labas. Nang matapos akong lagyan ng langis ni Mama ay dali-dali akong tumakbo upang sabayan sila sa pagligo.
Tuwang-tuwa kami tuwing may makikita kaming tubo at mag-uunahan kaming tumapat doon upang makaramdam ng shower. Minsan ay umaakyat naman kami sa puno ng aratiles at makopa upang may makain kami habang naliligo sa ulan.
Sobrang saya namin tuwing magtatampisaw sa tubig at hindi iniisip kung gaano ito karumi. Basta masaya kami, wala kaming iniinda.
Kumukuha rin kami ng patpat at ihahampas ito sa tubig-baha nang sobrang lakas upang makalikha ng fountain. Saglitan pa itong tatalsik sa amin at mababalot kami ng tawanan dahil sa mga lupa at putik na naiwan sa aming katawan.
Napakarami naming ginagawa tuwing maliligo kami sa ulan. Ang paghiga sa tiles sa tapat ng bahay nila Aling Ising habang dinadama ang bawat patak ng tubig mula sa langit. Ang paglusong sa baha at paghuli ng kung anu-anong hayop o insekto, ang isabay sa malalaking patak ng ulan ang pag-ihi namin sa salawal dahil alam naming walang nakakaalam sapagkat basa ang mga damit namin, ang pagbili ng lobo at lalagyan ito ng tubig sa loob, at kung anu-ano pa.
Ngunit ang pinakamalungkot sa lahat, ay ang pagtila nito.
Isa-isa na kaming mamamaalam upang magtungo sa kani-kaniya naming bahay para magbanlaw. Napapailing na lang ang aming mga magulang tuwing madadatnan nilang kumukulubot na ang balat sa aming palad at nagkukulay lila na ang mga labi namin dahil sa lamig.
Napasandal na lang ako sa sofa habang binabalikan ang mga masasayang alaalang naidulot sa'kin ng ulan noong bata pa ako.
May pasok dapat ako ngayong araw ngunit agad itong kinansela dahil kay Bagyong Teryo. Nakatutuwa nga dahil ang ganda ng pangalan ng bagyo ngunit sa kabilang banda, hindi magandang ang maaaring ihatid nito. Napanuod ko sa balita na isa ito sa mga pinakamalakas na bagyong tatama sa Pilipinas, partikular sa mga lugar sa Central Luzon.
Sa amin ang sentro ng mata ng bagyo. Nag-anunsiyo na ang mga namumuno dito sa aming baranggay upang lumikas ngunit nananalig pa rin kami sa Maykapal. Ilang delubyo na ang sumampal sa amin at alam kong isa lamang ito sa dapat muli naming pagtagumpayan.
Ang iba naming kapitbahay ay nagsilakas na ngunit ang iba naman ay nanatili gaya namin. Saglit akong napatahimik nang muling nag-anunsyo ang kapitan ng aming baranggay gamit ang kaniyang maingay na ek ek.
"Muli po, pinapaalalahanan po namin na mas makabubuti ang pansamantalang paglikas lalo na sa mga may kasama sa bahay na buntis, may kapansanan, senior, mga bata at iba pang alam niyong hindi sigurado ang kaligtasan sa pagdating ng bagyo."
"Huwag na po tayong magmatigas. Kung kailangang lumikas, lumikas. Isalba na ang mga gamit at mahahalagang dokumento. Maraming salamat po."
Iyan ang paulit-ulit na anunsiyo ng aming Kapitan. Bago pa man magparamdam ang Bagyong Teryo ay kinuha ko na ang phone ko at sinimulang ipagpatuloy ang isinusulat kong kuwento.
BINABASA MO ANG
Hacienda De Ibarra
General Fiction#2 Hindi pa sapat kay Santino ang sampung lagusan ng Kalye Crisostomo. Alam nitong marami pa siyang sikretong makakalap mula sa mga boses na pinilit patahimikin, mga matang may mahigpit na pagkakapiring at mga buhay na pinahirapan, tinapos at inalip...