UNO

243 9 4
                                    

Malamig ang dampi ng hangin sa katawan ni Lito. Ginabi na siya sa pangangaso sa gubat na 'di naman kalayuan sa kanilang tahanan. Marami na ang nagsabi na huwag siyang magpapagabi sa gubat na ito. Hindi daw ito ligtas para sa tulad niyang mangangaso. Marami ang mga kuwento ng mga matatanda na marami daw mga mangagaso ang hindi na nakakabalik mula sa gubat na ito. Sinasabing nilalapa daw ito ng kung anong halimaw. Wala pang nakakapagpatunay nito, kaya madalas ay nagkikibit-balikat na lang siya. Para sa kanya ay mas mahalaga ang maghanap-buhay kaysa mabuhay sa takot at pangamba sa mga bagay-bagay na hindi pa napapatunayan ninuman.

"Mag-ingat kang mabuti Lito. Baka pag sinuong mo ang gubat, lalo na ngayong kabilugan ng buwan ay hindi ka na makabalik pa sa iyong asawa." Babala sa kanya ni Tata Selo, isa sa matanda ng bayan.

"Palagi naman po akong may dalang gulok, Tata Selo."

"Sa nilalang na ito, walang uri ng sandata ang napatunayang makakapatay dito. Mabuti pa ay huwag ka nang tumuloy. Baka mabiyuda pa si Sylvia nang maaga." Napapailing pa ito habang nakatanaw sa papalayong si Lito.

"Salamat po sa paalala." Tuluyan na siyang umalis.

Nirerespeto naman niya ang mga paalala ng mga nakakatanda sa kanilang lugar. Hindi niya ugaling kumontra sa mga nagmamalasakit lamang sa kanya. Ngunit naging matigas ang kanyang ulo. Hindi niya sinunod ang mga payong iyon. Kailangan niyang maghanap-buhay para sa kanilang mag-asawa.

May dalawang taon na silang kasal ni Sylvia. Pero ni hindi pa niya ito nabibigyan man lang kahit na kaunting kaginhawahan sa buhay. Hindi naman ito nagrereklamo, pero hindi din naman gusto ni Lito na hanggang dito na lang sila. At isa pa gusto din niyang magkaroon sila ng anak. Kung hindi siya kikilos, paano siya makakabuhay ng pamilya?

"Paubos na ang bigas natin sa kaban, Lito." Mahina nitong sabi sa asawa.

Nasa hapag silang dalawa noon at nag-aalmusal. Bente pesos na pandesal, dalawang itlog at mainit na kape ang nakahain.

"Hayaan mo gagawan ko ng paraan." Hinawakan niya ang kamay ng asawa.

Bahagya lang itong tumango. Masaya naman nilang pinagsaluhan ang pagkaing nasa hapag. Kahit kailan ay hindi niya naringgan na nagreklamo ang asawa. Masaya at kuntento ito sa buhay na kaya niyang ibigay. Pero sa isip niya ay hindi din naman siya makakapayag na hanggang dito na lang silang mag-asawa. Marami pa siyang pangarap. Marami siyang gustong ibigay kay Sylvia. At isa pa gusto din niyang magkaanak. Bumuo ng isang malaki at masayang pamilya.

"Oh bakit ka huminto?" Tanong ni Sylvia sa asawa.

"Hindi pa tayo handang magkaanak. Pasensiya ka na." Tumayo si Lito at nagpunta sa palikuran. Doon niya inilabas ang natitirang init ng katawan.

Tulog na si Sylvia nang makabalik siya sa kanilang maliit na silid. Kinumutan niya ang hubad na katawan ng asawa. Tumabi siya dito pero hindi pa din siya dalawin ng antok. Napapaisip siya sa kung ano nga bang buhay ang kaya niyang ibigay sa asawa.

Napawi ang pagbabalik-tanaw ni Lito nang mapansin niyang may kung anong anino ang dumaan sa kanyang likuran. Wala namang tao. May kung anong kilabot ang bumalot sa kanyang buong katauhan. Parang pinaghaharian siya ng karuwagan sa kanyang nararamdaman. Binilisan pa ni Lito ang kanyang paglalakad. Kailangan na niyang makalabas sa gubat na ito. Kailangan na niyang makabalik kay Sylvia. Tiyak na nag-aalala na ito sa kanya. Ilang beses pa siyang lumingon sa kanyang dinaanan. Talagang parang may sumusunod sa kanya. Abot-abot ang kaba sa kanyang dibdib. Hinigpitan ang pagkakahawak sa gulok na kanyang dala.

"Huh!" Mas lalo siyang nahintakutan nang maramdaman ang animo'y hangin na bumuga sa kanyang batok.

Lumingon siya at iniumang ang gulok. Pero wala siyang makita.

"LA LUNA CACCIATORE"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon