Dos

216 9 3
                                    


May dalawang buwan na ding nawawala si Lito. Ni hindi niya alam kung saan nagpunta ang asawa. Iniwan na ba siya nito? Nagsawa na ba ito sa buhay nila? Madalas ay umiiyak na lang siya sa sulok ng kanilang silid. Hindi na niya alam kung ano ang iisipin. Ano na nga kaya ang nangyari kay Lito?

Sa isang bahagi ng kanyang isip ay sumasagi pa din na baka naman may masama nang nangyari dito sa gubat. Ayaw na sana niyang papuntahin ang asawa sa gubat ng hapong iyon. Pero nagpumilit ito dahil wala na nga silang kabuhayan. Nagbabakasakali ito sa kanyang pangangaso. Baka tulad noong nakaraang buwan ay may napatay itong isang batang usa na naibenta naman sa magandang halaga. Nakaraos sila sa isang buwan nilang pagkain at iba pang kabuhayan.

Humingi na siya ng tulong sa kanilang kapitan del barrio at ilang mga kapit-bahay para hanapin ang asawa. Pero walang Lito na natagpuan. Limitado din ang kanilang kilos at hindi sila nagpapagabi sa gubat. Kung hindi lang naawa ang mga tao sa kanila ay hindi siya nito tutulungan. Wala ding nagawa ang mga pulis. Ilang beses din silang sumong sa gubat ngunit wala pa din.

Gulong-gulo na ang kanyang isip. Hindi na niya alam kung ano ang iisipin sa pagkawala ni Lito. Lalong nadagdagan ang kanyang pag-aalala nang makumpirma ni Aling Nena na nagdadalang-tao siiya. Kaya pala madalas ay nahihilo siya at nagsusuka. Nakakahiligan din niya ang pagkain ng sinigwelas at kamias. Sinasawsaw pa niya ito sa asin na may pinigang siling-labuyo.

Mababait ang kanyang mga kapit-bahay. Simula nang malaman nilang buntis siya ay hindi naman siya pinabayaan ng mga ito. Madalas may mga babaeng nagdadala sa kanya ng pagkain at nakakasama niya sa maghapon. Ang mga kalalakihan naman ay ipinag-iigib siya at pinangunguha ng kahoy na pangsiga.

"Sige na Sylvia, magpahinga ka na. Bukas sina Aling Nena ang dadalaw sa iyo dito. Para din matignan kung kamusta na ang kalagayan ng iyong sanggol." Sabi ni Luisa kay Sylvia.

"Mabuti na lang talaga at nakapag-aral si Aling Nena ng pagiging kumadrona ano?! Kung hindi lahat tayong mga babae dine ay mahihirapan. Malayo pa naman ang ospital dito sa ating bayan." Dugtong pa ni Mona.

"Salamat talaga sa lahat ng tulong ninyo ha. Hindi ninyo kami pinababayaan ng anak ko."

"Wala kang dapat intindihin Sylvia. Magkakapit-bahay tayo, magkakababaryo. Dapat lang na tayo ay magdamayan."

"Sana dumating ang panahon na makatulong din ako sa inyo. Maibalik ko sa inyo ang kabaitang ipinakikita ninyo sa akin."

"Wala kang dapat intindihin. Hindi naman kami naghihintay ng kapalit sa mga ginagawa namin. Kusang-loob namin itong ginagawa." Inakbayan pa siya ni Luisa.

"Paano? Mauna na kami sa iyo ha. Magsara ka ng pinto at ng bintana. Huwag ka nang lumabas pag sapit ng dilim ha." Bilin ni Mona sa kanya habang papalabas ang mga ito sa kanyang tahanan.

"Salamat ulit. Mag-iingat kayo sa pag-uwi."

Maagang nagpahinga si Sylvia ng gabing iyon. Talagang napagod siya sa ginawa nilang paghahanap muli sa gubat. Nagpumilit kasi siyang sumama sa grupo ng kapitan del barrio na muling hanapin si Lito.

Pagod man ang katawan ay hindi siya dalawin ng antok. Maalinsangan ang gabi. Para siyang nauuhaw. Bumangon si Sylvia at bumaba sa kusina. Kumuha ng tubig sa banga. Malamig ang tubig dito. Daig pa ang tubig sa ref. Nakakapatid-uhaw talaga.

"Sylvia... Sylvia..." Isang tinig.

Napatingin siya sa may pintuan ng kanilang tahanan. Pinakiramdaman ito.

"Baka si Lito na iyon." Dali-dali niyang kinuha ang balabal at ang lamparang de-gaas at lumabas ng kanilang bahay. Walang takot siyang naglakad.

"LA LUNA CACCIATORE"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon