Kuwatro

213 10 7
                                    

"Ilang beses ba naming sasabihin sa iyo na hindi ka dapat lumalabas ng ating kaharian. Hindi ka dapat pumupunta sa lugar ng mga mortal!" Ang galit na bulyaw ng kanyang Inang Reyna.

"Gusto ko lang naman pong makita ang mundo ng mga mortal mahal kong Ina."

"Pero Minerva, paano kung may makakita sa iyo? Hindi tayo nakakasigurado na matatanggap tayo ng mga tao." May pag-aalalang tumabi ito sa anak. Inakbayan ito.

"Ipangako mo sa amin na hinding-hindi ka na babalik sa mundo ng mga mortal. Na dito ka na lang sa gubat at iiwas sa kahit anong mag-uugnay sa iyo sa mga tao. Mangako kay Minerva!" May bigat ang tinig ng kanyang Amang Hari.

"Opo, Ama. Nangangako po ako."

"Sige na Ismael, samahan mo muna ang iyong kapatid sa labas. Mag-uusap muna kami ng inyong ama." Utos sa kanya ni Reyna Aurora.

"Masusunod po Mahal na Reyna." Yumuko pa silang magkapatid sa kanilang Hari at Reyna bago tuluyang lumabas ng kubol.

"Bakit ba naman kasi ang tigas ng ulo mo!? Bakit kailangan mong pumunta sa lugar ng mga mortal?"

"Gusto ko lang naman ng makakalaro. Palaging abala sina Ama at Ina sa kanilang gawain bilang Hari at Reyna ng ating lahi. At ikaw naman, palaging abala sa iyong pag-eensayo. Palagi akong naiiwang mag-isa."

"Marami namang mga anak ang ating mga kalahi ah. Bakit hindi ka makipaglaro sa kanila?"

"Ang makipaglaro sa mga anak ng mga alipin? Ayoko nga! Ang gusto kong makalaro ay ang mga mortal. Magaganda sila, mababango at alam kong kagigiliwan kong makipaglaro sa kanila."

"Paano ka nga nakakasigurado na gugustuhin nilang makipaglaro sa iyo. Iba tayo sa kanila Minerva. 'Yan ang tatandaan mo. Huwag mong isugal ang buong lahi sa kagustuhan mong magkaroon ng kalaro."

"Pero,"

Natututop ni Ismael ang bibig ng kanyang nakababatang kapatid. "Tama na Minerva. Sumunod na lang tayo kina Ama at Ina."

Padabog na tumalikod si Minerva sa kapatid. Wala siyang magagawa kapag nagsalita na ito sa kanya. Si Ismael ang susunod na hahawak ng trono. Siya ang susunod na tagapagmana ng korona. Siya ang inaasahang mamuno sa kanilang lahi sa pagdating ng panahon.

"Prinsesa Minerva, oras na po ng inyong paliligo." Bungad ni Dalisay sa Prinsesa. May dalawa pa siyang kasunod na alipin at si Minerva, ang nag-iisang anak ni Dalisay.

Iginiya nila si Prinsesa Minerva sa paliguang inihanda nila para dito. Isa-isang hinubad ng mga alipin ang kanyang suot na damit. Si Dalisay naman ang nagsabon sa kanyang katawan. Nakaupo lang sa isang tabi noon si Minerva.

"Halika." Utos ni Prinsesa Minerva sa batang si Minerva.

Napatingin si Dalisay sa Prinsesa. "Kung anuman po ang inyong ipag-uutos ay ako na lang po ang gagawa."

"Hindi ikaw ang kailangan ko!"

Walang nagawa si Dalisay. Pinalapit niya ang anak sa Prinsesa.

"Siya ang pagawin mo niyan!"

Inabot ni Dalisay ang sabon sa kanyang anak. Ibinulong niya kung ano ang gagawin nito. At ito ang kumilos at nagpaligo sa Prinsesa.

Napapangiti naman ito sa ginagawa nito sa kanya. "Iyan lang ang maaari mong kahantungan Minerva, ang maging isa ding alipin tulad ng iyong mga magulang." Tinulak nito ang bata na halos kasing-edad lang niya. Napasadlak ito sa lupa. "Diyan ka nararapat!" Sabay dura nito sa mukha ng batang Minerva.

"Bihisan na ninyo ako." Utos niya sa dalawang alipin na naghihintay sa kanya.

Umiiyak na kinanlong ni Dalisay ang kanyang anak. "Patawad anak ko."

"LA LUNA CACCIATORE"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon