Singko

137 8 4
                                    

Umaga na nang bumalik sila sa kanilang kaharian. Tinunton sila ni Nimuel, isa sa mga sundalo ng kanilang lipi. Sugatan ito nang dumating sa kuweba. Kasama nito ang ilang mga kababaihan at kalalakihang nakatakas sa kamay nina Crisanto. Ibinalita nito ang nangyari sa kanilang mga ka-lipi.

"Ang Amang Hari? Ang Reyna?" Ang tanong ni Ismael sa sundalo.

"Patawad Prinsipe Ismael, wala kaming nagawa upang ipagtanggol ang Hari at Reyna. May mga dala silang mga baril, mga sandata laban sa kapangyarihan natin bilang mga lobo." Nakahalik sa lupa si Nimuel sa paghinge ng tawad sa Prinsipe.

"Hindi! Hindi!!!" Galit na napasuntok ito sa pader ng kuweba. Yumanig ito. Bumagsak ang ilang piraso ng bato.

"Tama na 'yan Prinsipe Ismael." Pakiusap ni Dalisay. Nag-aalala siya sa kung ano ang kanilang kahihinatnan sa loob ng kuweba kung patuloy itong gagawin ng Prinsipe.

Napaluhod si Ismael. Niyakap naman siya ni Prinsesa Minerva. Magkapanabay silang umiyak sa sinapit ng kanilang mga magulang. Ng kanilang Hari at Reyna.

Hinintay nilang mag-umaga bago bumalik sa kanilang kaharian. Maingat silang naglakad pabalik. Pinaligiran ng mga sundalo ang mga maharlikang bata ng lahi. Malayo pa lang sila ay tanaw na nila ang mga nasusunog na mga kubo. Mga nagkalat na mga kahoy mula sa mga ginibang tahanan. Nakahandusay sa kanilang paanan ang mga bangkay ng kanilang mga kalahi. Nagkalat ang dugo. Marami ang nasa anyong tao ng sila ay bawian ng buhay.

Tanaw nila sa 'di kalayuan ang mga katawan ng kanilang mga magulang.

"Ama! Ina!!!" Ang palahaw na tawag ni Minerva sa kanyang ama't ina.

Umiiyak ding humahangos si Ismael, palapit sa paanan ng kanyang Hari at Reyna.

"Ama!" Ang tawag ni Amor sa kanyang ama. Nakahandusay ang katawan nito. Naliligo sa sariling dugo.

"Lolo!" Si Malaya. Nanaghoy sa Lolo niyang kinagisnan niyang magulang.

"Ama! Ina!" Sigaw na tawag ni Prinsesa Minerva sa kanyag mga magulang. Ngayon ay nasa paanan na siya ng mga ito. Magkahawak pa ang kanilang mga kamay. Magkaharap pa ang kanilang mga mukha.

Nakalapit na din si Ismael sa paanan ng kanyang Hari at Reyna. "Ama ko! Ina! Bakit nila ginawa ito sa ating lahi?!" Nangangalit ang mga ngipin ni Ismael. Nagbabaga ang bughaw nitong mga mata.

"Prinsipe Ismael, patay na halos lahat ng ating mga matatandang pinuno. Sina Tata Homobono, Tata Danilo at Nana Ligaya na lang ang natitira. Pareho-pareho pa silang sugatan." Malungkot na pahayag ni Venecio. "Patay na din ang mga Maharlika ng ating lahi. Walang natira." Dugtong pa nito.

Hindi na napigilan ni Ismael ang maluha. Kitang-kita niya ang mga nakahandusay na katawan ng kanyang mga kalahi. Tanaw niya ang dami ng mga namatay. Bata, matanda, mga babae. Dinig niya ang mga panaghoy ng mga naulila.

"Mahal na Prinsipe Ismael. Nakuha din nila ang kalahati ng ating mga kayamanan. Naubos ang mga ginto sa isa nating kuweba." Nakaluhod si Melchor nang sinabi ito kay Ismael.

"Wala akong pakialam sa mga ginto Melchor!" Hinawakan pa niya ang braso nito. Napapitlag si Melchor. "Mahal na Prinsipe! Nasasaktan po ako."

May taglay na lakas si Ismael. Malakas ito kumpara sa ibang kaedaran nito sa kanilang lipi. Binitawan niya si Melchor at bumalik sa kapatid na patuloy pa din sa pag-iyak. Niyakap ito.

"Ismael, sina Ama at Ina..."

"Tama na Minerva! Huwag ka nang umiyak!"

"Maghihiganti ako sa mga tao, Ismael! Papatayin ko silang lahat! Papatayin ko silang lahat!" Napasuntok pa ito sa lupa. Nagulat ang mga kalahi nila. Yumanig nang bahagya ang paligid. Hindi lang pala si Ismael ang may kakaibang lakas, kundi pati na din si Minerva.

"LA LUNA CACCIATORE"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon