VIII

104 3 0
                                    


Hindi ako bayani. Hindi porket pinili kong manatili, eh knight in shining armor na agad ako. Hindi. Kasi hindi naman damsel in distress si Consuela.

Sa totoo lang, hindi niya naman talaga ako kailangan. Nabuhay siya ng 19 years mag-isa. Pinili niyang mag-aral. Ginustong makapagtapos. Bumuo siya ng mga pangarap. Inabot at inaabot niya ang mga 'yon. Ibig sabihin, kaya niya.

Matapang si Consuela. Maayos niyang hinarap ang asawa ng tatay niya. Mahinahong pinaliwanag na bunga siya ng kasalanan pero hindi siya ang may kasalanan. Pinaalala niya sa tatay niyang wala siyang utang dito, dahil responsibilidad niya bilang ama na palakihin, paaralin, at sustentuhan siya. Lakas loob niyang kinumbinsi ang sariling hindi ang nanay o ang tatay niya ang dapat pumili. Kundi siya. Hindi porket kadugo, pamilya na agad. Siya ang pipili kung sino ang pamilya. Matapang si Consuela. Nakayanan niyang lahat nang 'yon na mag-isa.

At ayun ang dahilan kung bakit ako nanatili.

Dahil kamahal-mahal siya.

At gusto kong makita niya 'yon.

***
Kung meron mang nagbago sa aming dalawa, ayun ay mas naging magaan ang lahat. Binasag namin ang lahat ng garapon at hawak-kamay na pinag-usapan ang lahat.

Hindi na rin nawala ang kislap sa mga mata niya. Lalo na kapag pinagu-usapan namin si Lee Jong Suk, bago niya raw korean crush. Talo raw ang karisma ko kay Lee Jong Suk. Winner daw 'to. Number one oppa. Gusto ko sanang magselos pero sa tuwing kukunot na ang noo ko at magagalit, tatawa siya at hahalikan ako sa pisngi.

Isang beses, nag-stargazing kami sa field ng campus. Nakahiga kami sa damo, binibilang ang mga bituin sa langit. Pinag-uusapan namin kung ilang buwan na lang, graduation na.

"Anong plano mo?" tanong ko.

"Ibebenta ko yung apartment. Yung kalahati, ibabalik ko kay Tatay. Yung kalahati, ipupundar ko para sakin. Maghahanap ng trabaho. Bubuhayin ang sarili." sagot niya. "Ikaw?"

"Pakasalan ka." Hindi ko pinag-isipang sagot. Kinurot niya ako sa dibdib. Nakita ko naman na kinikilig siya.

"Bakit ako? Ang dami kong bagahe. Ayaw mo ba maghanap ng babaeng hindi mo na bubuhatin? Yung madaling mahalin?"

"Ikaw lang ang babaeng nakikita ko."

"Seryoso kasi."

"Consuela, hindi ka mahirap mahalin. At hindi kita binubuhat. Hindi mo ba nakikitang kaya mong buhatin ang sarili mo? Minahal kita dahil don. At mamahalin kita para ipahiram 'tong balikat ko para may katulong ka nang magbitbit ng bagahe mo."

"Mas mahal ko pa rin si Lee Jong Suk kesa sayo."

Tumawa ako. Lagi niya yung sinasabi kapag kinikilig siya. O kapag hindi niya alam kung paano mag-react sa sinabi ko.

"I love you, Lukas." Hinanap niya ang kamay ko at hinawakan.

"I love you too, Consuela. Ilang bituin ang gusto mong ibigay ko sayo?"

Natawa siya. Lagi ko siyang niloloko na ibibigay ko sa kanya ang lahat. Maski na ang buwan, bituin, o araw.

"Hindi ko kailangan yan. Kamay mo lang, sapat na."

Tiningnan ko siya. Nginitian. Mas creative talaga siyang magpakilig kesa sakin.

***
Hinatid ko siya nung gabing 'yon sa apartment niya. Nung nasa tapat na kami ng gate niya, niyakap niya ako. Niyakap ko rin siya. Hinalikan sa noo. Nagpaalam. Pero mas niyakap niya ako nang mahigpit. Ilang segundo pa bago siya nagpaalam.

Hindi pa ako nakakalayo, tinawag niya ulit ako. Tiningnan ko siya mula sa malayo. Tinanong kung bakit.

"Lukas, ikaw. Ikaw ang pamilya ko." pasimpleng sigaw niya.

Consuela. Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon