PAGKABABA ni Krystel ng hagdan ay agad niyang nasalubong ang isa sa mga katulong. Magalang itong bumati sa kanya at sinabing nakahanda na ang agahan. Nagpasalamat siya dito at nagpalinga-linga sa paligid.
"Pumasok na po ba sa trabaho si Jefferson?" tanong niya sa katulong na marahil ay nasa forties na nito.
"Oo, ineng," sagot ng katulong. "May kailangan ka ba?"
Umiling si Krystel. "Wala naman po. Maglalakad-lakad na muna ako bago mag-agahan."
"Pinasasabi nga pala ni Jefferson na darating dito mamaya ang mga magulang mo dala ang mga gamit mo," wika pa ng katulong.
Tumango na lamang siya. Dahil wala pa siyang balak na pumasok sa trabaho ay inabala na lamang muna ni Krystel ang sarili sa paglilibot-libot sa loob ng bahay, maging sa labas. Nakita niya na may malaking swimming pool din sa gilid na bahagi ng bahay na iyon.
Nagpatuloy lamang sa paglalakad si Krystel hanggang sa mapatapat sa isang malaki at mataas na gate na gawa sa metal. Lumapit siya doon at sinubukang buksan, subalit naka-lock iyon. Ano naman kaya ang lugar na iyon? Garahe? Subalit bakit naman nasa dulong parte ng lawn ang garahe at madadaanan pa ang swimming pool.
Nagulat si Krystel nang makarinig ng pagsasalita mula sa likod.
"Off-limits po ang lugar na 'yan."
Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig at nakita ang isa pa sa mga katulong. "G-ganoon ba?" Tumango-tango na lamang si Krystel. "Pasensiya na, naglilibot-libot lang kasi ako."
Ngumiti ang katulong. "Wala pong problema 'yon, asawa naman po kayo ni Sir. Napakaganda n'yo po pala."
Nahihiyang nagpasalamat si Krystel sa katulong. Bata pa ang babae, marahil ay nag-aaral pa lamang sa kolehiyo. "Matagal ka na ba dito?" tanong niya.
"Bago lang po ako dito," anito. "Pero tatlong araw lang naman po ako nagtatrabaho dito bilang tagalinis ng buong lawn at maging ng iba pang gawaing-bahay. Nag-aaral pa po kasi ako. Ako nga po pala si Leah de Chavez."
"Oh. Nice to meet you." Tumango-tango siya. "G-garahe ba ang nasa likod ng gate na 'yan?" tukoy niya sa gate na nasa likod.
"Hindi ko po alam," tugon ng babae. "Sinabi lang po sa akin ni Manang Ruth na off-limits po ang lugar na 'yan. Si Manang Ruth po 'yong pinakamatagal nang katulong dito. Bata pa lang daw po si Sir Jefferson ay pinagsisilbihan niya na ang pamilyang Sioux."
"Siya siguro 'yong nakausap ko kanina." Muling sumulyap si Krystel sa gate na nasa likod. Off-limits? Bigla ay may umusbong na curiosity sa puso niya pero agad na pinalis iyon. Hindi dapat siya nakikialam sa mga pribadong bagay ni Jefferson.
"Sige po, ma'am, babalik na po ako sa trabaho," pamamaalam ni Leah bago lumakad palayo.
Si Krystel naman ay nagdesisyon nang pumasok sa loob ng bahay para mag-agahan. Agad naman siyang pinagsilbihan ni Manang Ruth.
"S-salamat po," nahihiyang wika niya. Hindi siya sanay na pinagsisilbihan ng ibang tao. "Kayo po ba si Manang Ruth?"
Ngumiti ang ginang. "Ako nga. Hindi pa rin ako makapaniwala na kasal na ang aking alagang si Jefferson," nangingiti itong napailing. "Pero masaya ako na nag-settle down na rin ang lalaking 'yon."
Ibinaba ni Krystel ang tingin sa pagkain. "K-kumain na po ba kayo?" tanong niya bilang pagpapalit sa usapan.
"Oo, kanina pa. Maaga akong nagigising dahil maaga ring umaalis si Jefferson." Napabuntong-hininga si Manang Ruth. "Ang batang iyon talaga, trabaho pa rin ang iniintindi. Hindi man lang naisip na ubusin ang oras dito para makasama ka."
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 3: Jefferson Sioux
RomanceNagsimulang magbago ang buhay ni Krystel nang malugi ang negosyo ng kanyang ama. At para maisalba iyon sa tuluyang pagkawala ay kailangan nito ang kanyang tulong. She was forced to marry Jefferson Sioux, a business magnate who was the only one who c...