Chapter 13

3.5K 94 4
                                    

"AALIS na po ako, Daddy, Mommy," paalam ni Krystel sa mga magulang. Pasado alas-kuwatro na ng hapon. Naisipan niyang bumisita sa bahay ng mga magulang sa Taytay, Rizal nang araw na iyon dahil sobrang miss na ang pamilya. Isa na rin iyong paraan para mabawasan ang kalungkutang bumabalot sa kanyang puso nitong nakaraang mga araw.

"Ihahatid na kita pauwi, anak," alok pa ni Daddy George.

Umiling siya. "Hindi na po, Daddy. Alam kong pagod kayo dahil sa trabaho, magko-commute na lang ako." Ngumiti siya at nagpaalam na rin sa mga kapatid na sina Rommel at Eliziel.

Inihatid siya ng mga magulang hanggang sa gate ng kanilang bahay. "Krystel, anak," tawag sa kanya ng ama. "Wala naman ba kayong problema ng asawa mo?"

Natigilan si Krystel pero pinilit na huwag maipahalata iyon. "W-wala naman po," pagsisinungaling niya.

Tumango-tango si Daddy George. "Hindi ko sana gustong sabihin sa 'yo pero nagpunta dito ang kaibigan mong si Karl noong isang araw. Tinatanong sa amin kung saan ka makikita. Akala ko ba ay hiwalay na kayo ng lalaking 'yon? May komunikasyon pa rin ba kayo?"

Nagulat siya sa narinig. Nagpunta dito ang dating nobyo? Hindi niya na nagagawang sagutin ang mga tawag ni Karl. Tuwing nagpupunta naman ito sa gallery ay agad siyang nagtatago sa opisina at pinapasabi sa mga staffs na wala siya. Iyon marahil ang dahilan kaya napilitan na ang lalaking magtungo dito.

"W-wala na po," sagot ni Krystel. "M-matagal nang... matagal nang tapos ang relasyon namin."

Naiiling na napabuntong-hininga ang ama. "Hindi ko talaga gusto ang lalaking 'yon simula pa noon. Alam ko naman na mabait siya pero may mga ugali siyang hindi ko nagugustuhan. Wala ring trabaho na tinatagalan ang batang iyon."

"And he seems possesive, hija," singit naman ni Mommy Melinda. "Nakita ko ang pakikipag-usap niya sa daddy mo noong isang araw. Kung makapagsalita siya ay para bang... para bang umaasa siyang magkakabalikan pa kayo."

"P-pagpasensiyahan n'yo na po siya," nawika na lamang ni Krystel. "Mabuting tao naman po si Karl. W-wala po siyang gagawin na masama." Pero sa totoo, hindi na rin siya sigurado doon. Kung gano'ng nagawa ng dating nobyo na kausapin ang kanyang ama gayong alam naman na may asawa na siya, may posibilidad na gumawa pa ito ng hindi magagandang bagay.

"Basta mag-iingat ka lang, anak," payo ng ama. "Kung maaari ay sabihin mo kay Jefferson ang patungkol sa lalaking iyon para maprotektahan ka niya."

Tumango na lamang si Krystel at muling nagpaalam sa mga magulang. Nais niya sanang sabihin sa ina ang dinadalang saloobin sa puso pero hindi naman alam kung paano magsisimula. Siguradong madi-disappoint din ito kapag nalaman na nagpaplano silang maghiwalay ni Jefferson balang-araw.

Matagal-tagal din ang naging biyahe ni Krystel pauwi sa bahay nila sa Greenhills dahil na rin sa traffic. Nang makarating siya sa bahay ng asawa ay nagulat pa nang makita ang dating nobyong si Karl na nagpapalakad-lakad sa tapat ng gate.

Napalingon sa kinaroroonan niya si Karl at nagmamadaling naglakad palapit sa kanya. Walang paalam na niyakap siya nito ng mahigpit. "Krystel, babe," anito. "Sa wakas, nakita na uli kita."

Awtomatikong gumalaw ang mga kamay ni Krystel at itinulak palayo ang lalaki. Nakita niya pa ang pagtataka sa mukha nito. "A-anong... anong ginagawa mo dito, Karl?" Hindi makapaniwalang tanong niya. "P-paano mo nalaman ang... ang lugar na 'to?"

"Nagtanong-tanong ako," sagot ni Karl. "Hindi naman naging ganoon kahirap dahil kilala naman ang asawa mo."

Napaatras si Krystel nang humakbang palapit sa kanya ang lalaki. "Ano'ng ginagawa mo dito? Sinabi ko na sa 'yo noon na huwag na huwag kang pupunta sa lugar na ito."

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 3: Jefferson SiouxTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon