Chapter 20

4.6K 109 1
                                    


KANINA pa hindi mapakali si Jefferson. Nakaupo siya sa couch na nasa living area ng bahay nila habang hinihintay ang pag-uwi ni Krystel. Kanina pang nagpadala ng mensahe sa kanya ang asawa na pauwi na rin ito. Sinusubukan niya itong tawagan subalit unattended naman ang cell phone.

Napatingin si Jefferson sa harap nang lumapit doon si Manang Ruth, kasunod ang isang babaeng tila balisang-balisa.

"Jefferson, may naghahanap sa 'yo," ani Manang Ruth. "Kaibigan daw siya ni Krystel."

Napatayo si Jefferson, lumapit sa babae. Nagtaka pa siya sa hawak-hawak nitong bouquet ng bulaklak.

"A-ako si... si Chloe Valdez," hinihingal pang wika ng babae. "Kaibigan ako ng asawa mo, kung naaalala mo."

Tumango-tango siya. Minsan na nga itong naipakilala sa kanya ni Krystel. "Kasama mo ba ang asawa ko? Sinabi niya kanina sa text na makikipagkita siya sa 'yo sandali."

Napayuko na ang dalaga. "D-d-dinukot si... si Krystel k-kanina." Napahikbi na ito sa harapan niya. "Bigla na lang siyang dinukot no'ng makalabas siya ng gallery. S-sinubukan ko silang habulin pero... pero nakatakbo na ang sasakyan ng dumukot sa kanya."

Labis ang pagkagulat ni Jefferson dahil sa narinig. Pakiramdam niya ay biglang nanghina ang buong katawan, nag-shut down ang isipan.

May kinuha sa bulsa ng pantalon nito si Chloe at ipinakita sa kanya. Cell phone iyon ni Krystel na may basag na ang screen. "N-nalaglag niya ang mga ito kanina. Pumunta ako sa pinakamalapit na police station sa Makati para ipaalam ang nangyari. Nagpunta rin ako dito para ipaalam sa 'yo... para matulungan mo siya." Tumingin sa kanya ang babae. "Maililigtas mo ang kaibigan ko, 'di ba? Kailangan mo siyang iligtas."

Humugot ng malalim na hininga si Jefferson para kalmahin ang sarili. "Nakilala mo ba ang dumukot sa kanya?"

Tumango si Chloe. "N-nakita ko ang mukha niya, iyong... iyong dating nobyo ni Krystel."

Lumukob ang matinding galit sa buong pagkatao ni Jefferson. Si Karl Herrera ang dumukot sa asawa niya?! Nanginginig na siya sa galit. Gusto niya ring pagbabasagin ang mga gamit na naroroon pero pinigilan ang sarili. Walang mangyayari kung magwawala siya.

Mabilis siyang lumapit sa kinaroroonan ng telepono para tawagan ang kaibigang alam na makatutulong sa kanya. Gagawin niya ang lahat para mailigtas si Krystel at sisiguraduhin niyang pagbabayaran ng Karl Herrera na iyon ang ginawa nito.

Hindi naman nagtagal ay dumating na doon ang kaibigang si Nathan Luther - isang private detective, may mga kasama na rin itong mga pulis.

"Pare." Kinamayan siya ni Nathan bago sumulyap kay Chloe na nakaupo sa couch. "Siya ba ang nakakita sa pangyayari?"

Tumango si Jefferson. "Nathan, kailangang makita ko agad si Krystel. Hindi ko gustong may mangyaring masama sa kanya." Sobra-sobra na ang pag-aalala at takot na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Gusto niyang umiyak dahil sa matinding paninikip ng puso. Dapat ay sinundo niya na lamang ang asawa kanina. Dapat ay hindi niya ito hinayaang mag-isa. Subalit hindi siya maaaring makaramdam ng panghihina. Kailangan siya ni Krystel kaya dapat maging matatag.

Tinapik ni Nathan ang balikat niya. "Huwag kang mag-alala, pare. Pinakukuha ko na ang footage ng CCTV's na malapit sa gallery ng asawa mo. Malamang ay nakuha doon ang sasakyang ginamit sa pagdukot sa kanya. After that, ipapakalat ko iyon sa bawat istasyon ng pulisya. Sisiguraduhin kong hindi makakalusot ang kung sino mang dumukot sa kanya."

Tumango na lamang si Jefferson. He felt so helpless at that time. Wala siyang magawa kundi ang maghintay.

Sa pagdaan ng mga oras ay mas higit na nadaragdagan ang takot na kanyang nadarama. He was so frustrated. Napasabunot na si Jefferson sa sariling buhok. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa asawa. Hindi niya alam kung nasasaktan ba ito. At parang binibiyak ang kanyang puso sa kaisipang iyon.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 3: Jefferson SiouxTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon