NAGLALAKAD-LAKAD si Krystel sa pool area para makapagpahangin. Wala siyang trabaho sa gallery nang araw na iyon at hinihintay lamang ang pag-uwi ng asawang si Jefferson. Simula nang maganap ang halik na pinagsaluhan nilang dalawa, pakiramdam niya ay lagi na lang siyang nangungulila sa presensiya ng lalaki.
Marahan niyang hinaplos ang mga labi. Hanggang ngayon ay nararamdaman niya pa rin ang init ng mga labi nito. Bumuntong-hininga siya. Alam ni Krystel na natatalo na siya. Natatalo na ng kanyang puso ang isipan.
Napatingin siya sa isang parte ng lawn nang makita doon ang katulong nilang si Leah na nagwawalis. Nakayukong bumati sa kanya ang dalaga.
"Hey," bati ni Krysel bago naupo sa isang wooden chair na naroroon. "H-hindi na kita nalapitan noong... no'ng nakaraang gabi."
Bumahid ang pagkabalisa sa mukha ng dalaga. "P-p-pasensiya na po talaga kayo, ma'am. H-hindi ko sinasadyang makita kayo... m-masira ang—"
"No, no, it's okay," natatawang putol ni Krystel. "Wala ka namang kasalanan do'n. Relax."
Tumango-tango naman si Leah. "B-bagay na bagay po kayo ni Sir," wika nito.
Hindi inaasahan ni Krystel ang sinabi ng dalaga. Iniiwas niya ang tingin dito at inilipat sa pool na hindi kalayuan, alam na namumula ang mukha.
"Sigurado rin pong napakaganda o napakaguwapo ng magiging mga anak n'yo," masayang pagpapatuloy ni Leah.
Hindi na napigilan ni Krystel ang mapangiti. Magiging mga anak? Hanggang halik pa lang naman ang pinagsasaluhan nila ni Jefferson.
"Ipagpapatuloy ko na po ang ginagawa ko, ma'am," wika pa ng katulong. "Kailangan ko po kasing umuwi ng maaga dahil kaarawan ng aking Inay."
"Oh." Tumango-tango siya. "Ipaabot mo ang pagbati ko para sa kanya."
Nagpasalamat si Leah bago nagpatuloy sa paglilinis ng lawn. Si Krystel naman ay nagdesisyon na lamang na pumasok sa loob para magpinta.
Pagkapasok sa painting room ay agad namang tumunog ang cell phone niyang nasa bulsa ng pantalon. Kinuha niya iyon at nakita ang pangalan ni Karl sa screen. Napabuntong-hininga si Krystel bago ipinatong sa coffee table na naroroon ang aparato, hinayaan lamang sa pagtunog.
Mahigit isang linggo na niyang hindi sinasagot ang mga tawag ng dating nobyo. Pakiramdam niya kasi ay wala na rin namang patutunguhan iyon.
Naupo si Krystel sa couch na naroroon at malungkot na bumuntong-hininga. Hindi niya na gustong makipagbalikan kay Karl, iyon ang katotohanang nasa puso. Hindi niya lang alam kung paano sasabihin sa lalaki dahil baka magalit ito, baka kung ano'ng gawin nito sa kanya o 'di kaya ay kay Jefferson. Dahil sigurado na ang asawa ang unang sisisihin ni Karl.
Isinubsob niya ang mukha sa dalawang kamay. Dahil sa pagpapakasal niya kay Jefferson ay may napatunayan si Krystel sa sariling damdamin. Hindi niya mahal si Karl. Gusto niya lang ito bilang isang kaibigan. Mabait ito, maalalahanin, maalaga at pursigido noong nanliligaw sa kanya. Halos araw-araw ay nakikipagkita ito sa kanya para suyuin siya noon. Dahil na rin siguro sa pagkaawa sa ilang taong panunuyo nito kaya napilitan siyang pumasok sa isang relasyon kasama ang lalaki. At kung hindi pa siya napakasal kay Jefferson at nagkaroon ng agwat kay Karl, hindi pa niya maiintindihan ang damdaming iyon.
Subalit hindi niya naman gustong saktan ang dating nobyo. Naging kaibigan niya ito at hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang turing. Humihiling si Krystel na sana ay magkaroon siya ng lakas ng loob na sabihin kay Karl na hindi na nais makipagbalikan dito. At sana ay maintindihan nito ang desisyon niyang iyon.
NASA tapat na ng sariling sasakyan si Jefferson nang may lumapit sa kanyang isang lalaki. Kalalabas niya lang sa trabaho nang gabing iyon at pauwi na sana. Dapat ay may celebration pa siyang dadaluhan sa Society Hotel dahil kaarawan ng isa sa mga breakers pero nagdahilan na lamang na maraming kailangang asikasuhin. Ang totoo ay gusto niya lang na makita na uli ang asawang si Krystel. He had been craving to see her every minute these past few days.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 3: Jefferson Sioux
RomanceNagsimulang magbago ang buhay ni Krystel nang malugi ang negosyo ng kanyang ama. At para maisalba iyon sa tuluyang pagkawala ay kailangan nito ang kanyang tulong. She was forced to marry Jefferson Sioux, a business magnate who was the only one who c...