Chapter 6

3.4K 105 1
                                    

NAPATINGIN si Krystel sa pinto ng kuwarto nang makarinig ng sunod-sunod na pagkatok. Katatapos niya lang mag-shower at magpalit ng damit pantulog. Lumapit siya sa pinto at binuksan iyon. Agad na bumungad sa kanya ang mukha ni Jefferson. Nakasuot na ito ng puting shirt at sleeping trousers.

"Hey," bati sa kanya ng asawa. "Matutulog ka na ba?"

Umiling siya. "H-hindi pa naman," sagot niya. "Nakauwi ka na pala."

"Ginabi na ako dahil napakarami talagang ginagawa sa kompanya kapag Lunes, sobrang traffic rin." Napailing ito. "Puwede ba akong pumasok?"

Sandaling nag-alangan si Krystel pero pumayag na rin naman. Hinayaan niyang makapasok sa loob ng silid ang asawa bago isinara ang pinto. Nang muli niya itong lingunin ay nakatingin na ito sa mga nakakalat na pictures sa kama niya.

"Ano ang mga 'to?" tanong ni Jefferson.

"Oh, mga pictures 'yan ng mga paintings na gawa ng mga batang nag-aaral sa arts school na pag-aari ko."

Inabot nito ang mga larawan at tiningnan. "They're beautiful."

Napangiti si Krystel. "Magkakaroon kasi ng exhibit sa susunod na linggo, para iyon sa mga works ng mga batang tinuturuan namin. Gusto ko kasing maipagmalaki rin nila ang mga gawa nila sa ibang tao."

Tumango-tango si Jefferson. "Magandang ideya 'yon," patuloy pa rin ito sa pagtingin sa mga larawan. "Hindi ako makapaniwalang gawa ito ng mga bata."

Nakatingin lamang si Krystel sa asawa. Nag-e-enjoy siyang panoorin ang pagkamangha sa mukha nito. Masaya siya dahil nagustuhan din nito ang mga paintings ng mga batang nag-aaral sa kanyang arts school. "Sana lang ay maging successful ang exhibit na 'yon," mahinang wika niya pa.

Tumingin sa kanya si Jefferson at ngumiti. "Sigurado 'yon. Ikaw ang nagturo sa mga batang ito."

"Hindi lang naman ako ang nagturo sa kanila. Lima kaming teachers sa arts school na 'yon. Maliit lang naman ang Sunshine Dream Arts School pero ayos na 'yon. Hindi ko rin naman after ang kikitain doon, masaya na akong mai-share ang knowledge ko sa pagpinta." Ngumiti siya. "Alam kong hindi magiging madali ang pag-aayos ng ganoong exhibit pero sabi nga ng iba, nothing worth having comes easy. Kailangan ko lang gawin ang lahat para mabigyan ng kahit munting kasiyahan ang mga batang iyon."

Nakatitig lamang sa kanya ang asawa ng mahabang sandali. Wala itong sinabing kahit na ano.

At dahil hindi na nagawang tagalan ang pagtitig na iyon ay iniiwas ni Krystel ang tingin dito. Nagitla pa siya nang marinig ang pagtunog ng cell phone na nakapatong sa bedside table.

Inabot niya ang aparato at nagulat nang makita ang pangalan ni Karl sa screen. Sandaling nagpaalam si Krystel kay Jefferson para sagutin ang tawag. Nagtungo siya sa loob ng banyo.

"Karl," mahinang bungad niya sa dating nobyo na nasa kabilang linya. "Ilang beses ko bang sasabihin na huwag ka na munang tumawag ng tumawag sa akin, lalo na sa mga ganitong oras?"

Nitong nakaraang mga linggo ay ilang beses na rin siyang tinawagan ni Karl. Wala namang magawa si Krystel kundi ang sagutin ang tawag na iyon. Nangungumusta lang ang lalaki at itinatanong kung ano ang mga kaganapan sa kanyang buhay. Sinabi rin nito na mayroon na itong trabaho sa isang fast food chain pero binabalak na namang umalis dahil daw sa maliit na kita.

"Bakit ba pinagbabawalan mo na rin akong tumawag, Krystel?" nagtatampong tanong ni Karl. "I've missed you so much, babe. Gusto na kitang makita. Simula nang ikasal ka ay hindi ko pa uli nasusulyapan ang mukha mo. Saan ka ba nakatira ngayon?"

"No," mabilis na sagot ni Krystel. "Hindi ka pupunta sa lugar na ito kahit kailan, Karl. Alam mo kung ano'ng mangyayari kapag nalaman ng mga magulang ko na nakikipag-komunikasyon pa ako sa 'yo. Alam mo ang mangyayari kapag nalaman nila ang plano namin."

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 3: Jefferson SiouxTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon