IWANAN ka na sa lahat ng posibleng lugar, huwag lang sa altar. Higit pa iyon sa pang-iiwan sa ere. Higit pa iyon sa pang-i-Indian kahit wala kang dugong Indian. Higit pa iyon sa nabigong usapan na magkikita ng alas-nuwebe ng umaga at dumating ang ka-meeting mo ng alas-dose ng tanghali. Kung sana dumating lang ito at nagsabi ng 'sorry' saka gagawing rason ang 'Filipino Time' pero hindi gano'n ang nangyari.
Handa na ang lahat. Lahat-lahat. Sa isang iglap, ang lahat-lahat ay nasayang. Wala siyang pakialam sa pera. Kaya niyang kitain ang perang nasayang sa loob lang ng ilang buwan. Hindi niya 'yon kailangang paghirapan dahil mayaman sila. Ang hindi niya kayang buuin ay ang puso niyang nasaktan. Ang puso niyang natapak-tapakan. Ang puso niya na tila basurang iniwanan.
"Miss?"
Hindi niya pinansin ang boses. Sa katunayan, wala siyang balak mamansin sa kahit na sino. Higit sa lahat, kapag kinulit siya ng taong ito, hindi niya lang ito basta papansinin, posible rin niya itong bugbugin dahil hindi nito maintindihan na gusto niyang mapag-isa.
"Miss -"
Malakas siyang sumigaw saka ibinato rito ang hawak na bouquet. Tumama ang bouquet sa mukha nito at napaatras ito sa takot.
"Tumigil ka! Lumabas ka kundi papatayin kita!" malakas niyang sigaw.
"Pero Miss -"
"Isang angal pa at ipapako kita sa krus!" banta niya kaya agad ng umatras ang Secretary niya. Gaya ng nakasanayan ay lumayo ito sa kanya ng mga ilang metro. Muli siyang tumahimik at bumalik sa pagsesentir. Sabi nila nakakapagbigay ng katahimikan sa isipan ang lugar na iyon pero bakit sa halip na tumahimik ay tila naghahanap siya ng papatayin? May isang partikular na tao siyang gustong pagpira-pirasuhin. Isang taong gusto niyang patayin at kanina pa niya pinapatay sa isipan niya. "Secretary."
"Yes, Miss?"
"Ano ang mas mabigat na kasalanan? Panloloko o pagmumura?"
"Po? Ah... wala pong mabigat o magaan na kasalanan."
Mapakla siyang ngumiti habang naglalandasan ang mga luha mula sa kanyang mga mata. "Gano'n ba? Para sa'yo, ano ang mas malala: pagmumura o pagpatay?"
"Ha?" sigurado siyang namutla na ang Secretary sa pagiging brutal ng mga tanong niya. "Eh mas malala ang pagpatay. Labag po iyon sa Ten Commandments."
Tumayo siya at pinagpag ang ibabang bahagi ng suot niyang wedding gown saka pinahid ang kanyang mga luha. Mahal ang bili niya sa damit na iyon. Made-to-order 'yon from Paris at isang sikat na designer ang gumawa pero maging ang bagay na iyon ay wala ng halaga ngayon. "Sayang. Gusto ko pa naman siyang patayin."
"Miss, hindi pwede. Makukulong kayo. Kasalanan sa Diyos ang kumitil ng buhay."
"Hindi naman ako ang gagawa. Ipagagawa ko sa iba."
"Gano'n din po iyon."
"Secretary, kontakin mo ang pinakamalupit na mamamatay-tao," utos niya. Panay ang iling nito habang umaatras. "Ayaw mo? Ako ang maghahanap ng killer!"
"Miss, huminahon ka. Umuwi na lang po tayo."
"Hindi ako uuwi hanggang hindi pinaglalamayan ang..." at nilitanya niya lahat ng pagmumurang alam niya. From A to Z, English or Filipino and unabridged version.
"Miss, tama na. Nasa simbahan tayo!" hintakot nitong pigil sa kanya.
"Simbahan?" Sa galit niya ay naluha na naman siya pero agad niya iyong pinunasan. "Sa dami ng lugar... sa dami ng pagkakataon..." muling pumatak ang kanyang mga luha. "Ano'ng klaseng mga mata 'to? Hindi matigil-tigil sa pag-iyak!"
Inabutan siya ng panyo ni Secretary pero tinabig niya ang kamay nito. Hinubad niya ang suot na belo at inihagis sa kung saan. Napansin niyang hawak ng Secretary ang bouquet niya kaya kinuha niya iyon at tinapak-tapakan. Mukha ng walang hiya niyang groom ang nai-imagine niya habang ginagawa iyon.
"Nasalo ko ang bouquet ng kaibigan kong ikinasal last year kaya sabi nila ako na ang susunod na ikakasal. Ikakasal nga sana ako pero... sana... 'sana' lang pala!" umiiyak niyang sigaw. Matapos madurog ang mga bulaklak ay nagmartsa siya palabas ng simbahan, sa parehong aisle kung saan siya nag-martsa patungo sana sa 'road to forever' niya.
"Miss, uuwi na ba tayo?"
"Sino'ng uuwi?"
"Saan po tayo pupunta?" tanong nito. Siyempre alam nitong isasama niya ito at wala itong ibang gagawin kundi ang samahan siya kahit saan, kahit sa impiyerno pa!
"Maghahanap ng assassin."
"Miss naman eh!"
"Kung gusto mong umalis ay umalis ka!" sigaw niya.
Bahagya itong natigilan saka umiling. "Hindi kita iiwan, Miss. Hindi kita kayang iwan ngayon," anito na puno ng magkahalong lungkot at awa ang mukha.
Tumigas ang anyo niya. "Hindi ko kailangan ang awa mo. Ang kailangan ko ay patayin ang lalaking iyon nang mawala ang nararamdaman kong sakit ngayon," aniya saka lumabas na ng simbahan. Naramdaman niya ang pagsunod ni Secretary. At least, she's not totally alone.
BINABASA MO ANG
Ang Babaeng Iniwan Sa Altar
RomanceNauwi sa galit ang pagmamahal na naramdaman ni Sam para sa kanyang groom nang iwan siya nito mismo sa altar nang araw ng kanilang kasal. Naging mas mapait pa siya sa ampalaya. Kaya naman, makalipas ang tatlong taon, nang makita niya ulit ang lalakin...