“HINDI po siya si Sikitari. Si Kuya Allen po siya.”
Hindi niya pinansin ang sinabi ng batang babae. Nilapitan niya ang lalaki na agad tumayo at tila natatakot na umatras. “Ikaw nga! Ano ang ginagawa mo rito?”
“Miss?”
“Kuya, bakit ka po niya inaaway?” nakasimangot na tanong ng batang babae.
“Hindi niya ako inaaway, Lala.”
“Mukha po siyang galit sa inyo,” sabad naman ng isa. Nang mapansin ni Sam na para siyang kontrabida sa harap ng mga bata ay umurong siya at nginitian ang mga ito.
“Hindi ako galit, mga bata. Ang totoo niyan, natutuwa akong makita ang Kuya Allen ninyo,” sabi niya saka sinulyapan ang kanyang former secretary. “Allen pala ha?”
“Ah… eh…”
“Kuya, napano ‘yang braso mo?” tanong ni Lala saka itinuro ang nakabendang kanang braso ni ‘Allen’. Natigilan si Sam nang makita iyon at bigla siyang inatake ng guilt.
“Wala ito. Ah, Lala, Jojo, mag-uusap lang kami ni Miss, ha? Promise, bukas sasamahan ko kayong mangabayo,” nakangiti nitong sabi sa mga bata kaya umalis na masaya ang mga ito.
“So Allen, ano nga ulit ang ginagawa mo rito?” tanong niya sa lalaki.
“Ito kasi ang hometown ko, Miss.”
Namewang siya. Nakakainis isipin na kaya hindi niya alam ay dahil hindi niya talaga inalam in the first place. “So nag-aalaga ka ng mga kabayo rito?”
“Opo. Kung anu-ano lang na pwede habang nagbabakasyon. Mabait naman si Nana Cora kaya hinahayaan niya akong tumulong-tulong dito sa hacienda,” sagot nito.
Nana Cora. Mukhang malapit ito sa mayordoma. “Gano’n pala.”
“Miss, kumusta ka na?”
Tinitigan niya ang lalaki. “Kinukumusta mo ako?”
“Ah, oo.”
“Heto, on vacation. Magpalamig daw ako ng ulo rito,” nababagot niyang sagot. “Ikaw. Kumusta ka na?” balik-tanong niya na ikinagulat nito. Naasar tuloy siya. Gano’n ba siya kasama na amo na kinumusta lang niya ito ngayong hindi na niya ito secretary? “Hoy, tinatanong kita!”
“Ah, opo. Maayos naman po ako.”
“Eh ang sugat mo?”
Tumingin ito sa braso saka ngumiti. “Okay na po ito.”
“Alam mo bang kapag bumalik ka sa trabaho ay hindi na kita secretary?” tanong niya. Hindi ito sumagot kaya malamang alam na nga nito. “Kay Daddy ka na magtatrabaho.”
“Nasabi nga po ‘yan ni Miss Santina sa akin bago ako nagbakasyon.”
“Kinuha ka niya dahil magaling ka sa trabaho kaya ‘wag mo siyang bibiguin. Mas malaki ang sweldo ng secretary ni Chairman,” naiinis na nalulungkot siya na isipin iyon.
“Miss, ‘di ba gusto niyong mangabayo?” biglang tanong nito. Tiningnan niya ito at nakangiti ito sa kanya. Hindi niya gaanong nakita ang ngiti nito noon dahil madalas itong natatakot o natataranta kapag inuutusan niya. Maliban doon, seryoso ito sa trabaho. “Naalala ko kasi noong magpunta tayo sa isang horseback riding competition at nakipagpustahan kayo kay Mr. Reynoso kaya lang natalo ‘yong kabayong pinustahan ninyo,” kwento nito.
Ilang beses siyang napakurap. Kung hindi siya nagkakamali ay nangyari iyon two years ago at kahit natalo siya sa pustahan ay nakuha niya ang deal na gusto ng kompanya. Pagkatapos no’n ay uminom siya at nalasing kaya nasukahan niya ang lalaking ito na siyang naghatid sa kanya sa bahay nila. “Yeah. Gusto ko ngang mangabayo.”
“Gusto niyo bang mangabayo bukas kasama nina Lala at Jojo?”
Hindi siya agad nakaimik. After everything, he still wants to serve her although he doesn’t have to. “Sure.” Tinalikuran niya ito saka muling binalingan. “Ayoko ng pinaghihintay at kailangan pinakamakisig at pinakamabilis na kabayo ang pasasakyan mo sa akin bukas. Maliwanag ba, Allen?”
“Opo, Miss.”
Habang pabalik sa bahay ay hindi niya naiwasang mapangiti. Kailangan niyang sulitin ang panahong kaya pa niyang utus-utusan ang former secretary niya. Hindi pa rin pala siya iniiwan ng swerte.
GAYA NG inaasahan ay maaga si Allen. Nakahanda na mga sasakyan nilang kabayo nang dumating siya sa kwadra. Naroon na rin sina Lala at Jojo.
“Sasama sa atin si Ate Masungit?” nakangusong tanong ni Lala.
“Sino’ng masungit?” inis niyang tanong.
“Miss, bata lang ‘yan,” awat ni Allen sa kanya. “Lala, Samantha ang pangalan niya. Tawagin niyo siyang Ate Sam.”
“Ah, Ate Sama,” nakangising sabi ni Jojo.
“Aba’t –”
“Miss, mga bata lang po sila,” paalala ulit ng lalaki at kung hindi lang siya nagpipigil ay may bata na siyang naihagis. “Miss, ayos lang ba kung sasakay kasama mo si Jojo?”
“Oo naman!” agad niyang sabi saka nginisihan ang bata. “Ate Sama pala ha,” nanggigigil niyang bulong. Biglang kumapit sa hita ni Allen si Jojo, halatang natakot. “’Wag kang matakot
sa akin. ‘Di kita sasaktan pero kapag nangulit ka, ihuhulog kita.”
“Kuya Allen!”
BINABASA MO ANG
Ang Babaeng Iniwan Sa Altar
RomanceNauwi sa galit ang pagmamahal na naramdaman ni Sam para sa kanyang groom nang iwan siya nito mismo sa altar nang araw ng kanilang kasal. Naging mas mapait pa siya sa ampalaya. Kaya naman, makalipas ang tatlong taon, nang makita niya ulit ang lalakin...