CHAPTER 4

2 1 0
                                    

SOMEONE'S POV

"Mag-iingat ka palagi, iho... Huwag mong kalilimutan ang lahat ng itinuro ko sa'yo."
Niyakap ko si Señor Vuico sa huling pagkakataon.

"Salamat po sa lahat, Señor. Hindi po kayo magsisisi na tinulungan ninyo ako."

"Dapat lang dahil kung sakaling mamatay man ako, sa'yo ko ipapamana ang lahat ng aking ari-arian."
Nanlaki ang mga mata ko nang dahil sa sinabi ni Señor Vuico.

"B-Bakit naman po sakin, S-Señor?"
Nauutal na tanong ko pero nginitian lang ako ni Señor.

"Sa loob ng 5 taon ay itinuring na kitang anak. Kahit hindi man kita kadugo, bukal sa loob ko ang ginawa kong pagtulong para makabangon ka sa iyong pagbagsak... Alam kong huli na pero hinding-hindi ako mapapagod na sabihin ito sa'yo. Mahal na mahal kita... Bilang anak ko."
Niyakap ako ni Señor Vuico nang sobrang higpit na para bang ayaw niya na akong umalis at kung hindi pa nabasa ang aking pisngi ay hindi ko malalamang umiiyak na ako nang dahil sa tagpong iyon.

Mahal na mahal rin kita, Señor... Hinding-hindi kita makakalimutan.

"Mauna na po ako, Señor. Baka mahuli ako sa flight ko."
Pinunasan ko ang mga luha ni Señor habang nakangiti kami sa isa't-isa.

"Kahit malayo ka, palagi ka pa ring nandito sa puso ko."
Hindi ko inaasahan ang pagpunas ni Señor ng mga luha ko.

Kinawayan ko muna si Señor habang nakangiti bago ako pumasok sa loob ng airport. Hindi nagtagal ay nakaupo na rin ako sa loob ng eroplanong maghahatid sakin pauwi sa Pilipinas.

Sa bawat segundo at minutong lumilipas ay mas lalong nananabik ang aking mga paa na makatungtong ulit sa lupang aking pinagmulan.

Sigurado akong maraming nagbago noong nawala ako pero handa akong gawin ang lahat, makasama ko lang ulit ang mga taong mahal ko.

Sa aking pagbabalik... Ang impyerno ay muling iinit.


MAV'S POV

Bubuhayin ko na sana ang makina ng aking motor nang bigla na lang nag-vibrate ang aking cellphone.

Kinuha ko ang aking cellphone at bigla yatang tumaas sa ulo ko ang aking kumukulong dugo dahil sa nakita kong litrato.

Nakaupo sa isang silya si Kiro, nakatali ang dalawang kamay habang ang katawan niya ay nakagapos sa silya gamit ang kadena.

Nanlisik ang aking mga mata nang mapansin ko ang mga sugat na tinamo ng kanyang mukha. Putok ang labi, maraming pasa sa pisngi at tumutulo ang kanyang dugo mula sa noo niya pababa sa kanyang leeg.

Sigurado akong binugbog talaga siya nang todo ng mga tauhan ni Vladymir. Mukhang hindi lang suntok at sipa ang natanggap ni Kiro.

Posibleng dinagukan siya ng mga tauhan ng dumuhong iyon at nang hindi makontento ay hinampas pa siya ng baril sa ulo.

Simulan mo na ang iyong pagkumpisal, Vladymir... Hindi kita sasantuhin.

Tiningnan ko ulit ang kalunos-lunos na litrato ni Kiro at mukhang alam ko kung saan ko siya matatagpuan.

Isinuot ko muna ang aking helmet bago ko pinaharurot ang aking motor palayo sa aming mansiyon.

Sa sobrang galit ko ay hindi ko namalayang mas lalong bumilis ang pag-arangkada ng motor ko sa kalsada.

Hindi ko na pinansin ang pagsita ng traffic enforcer dahil ang kalagayan ngayon ni Kiro ang nasa isipan ko.

Wala akong pakialam kung may nalabag man akong batas-trapiko dahil mas importante pa sa kahit anong batas ang buhay ng lalakeng mahal ko.

Hintayin mo lang ako, Kiro. Parating na ako.


Pagkarating ko sa penthouse ni Vladymir ay ipinarada ko ang aking motor sa isang poste kung saan hindi nila ito makikita.

Pinanggigilan ko ang hawak kong dalawang palakol habang nakasukbit sa aking likod ang dalawang espada. Napangisi ako dahil dalawa lang ang nagbabantay sa mismong labas ng penthouse niya.

Hindi ka talaga nadadala, Vladymir. Inutil ka pa rin.


"Hoy, mga gago!"
Sinigawan ko ang dalawang tauhan at nanlaki ang kanilang mga mata nang makita nila ako. Napailing na lang ako nang matuliro sila dahil hindi nila alam ang kanilang gagawin.

Itinirik ko ang aking mga mata nang sabay nilang kinasa ang kanilang mga baril pero bago pa nila maiputok iyon ay ibinato ko sa kanila ang dalawa kong palakol.

Tumarak iyon sa kanilang mga noo at sabay silang napaluhod kasabay ng pag-agos ng kanilang mga dugo. Kinain ng galit ang buong sistema ng katawan ko at hindi na ako nagdalawang-isip na putulin ang kanilang mga ulo.

Tch. Mga walang kwentang tauhan. 


Pagpasok ko sa loob ay hindi ko inaasahang may apat na tauhan palang nagbabantay pero sa iba-ibang pwesto ang kanilang posisyon.

Isa sa kanila ay nasa mismong pintuan ng penthouse ni Vladymir habang iyong isa naman ay nasa swimming pool.

Iyong natitira namang dalawang tauhan ay parehong nakabantay sa veranda ng penthouse ngunit sa sobrang taas no'n ay sigurado akong hindi nila ako makikita.

Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at inatake ko na ang tauhan na nagbabantay sa pintuan. Sinubukan niyang manlaban ngunit naputol ang kanyang binti dahil akala niya siguro ay wala akong dalang sandata.

Sisigaw sana siya nang walang-awa kong pinutol ang kanyang ulo. Tumalsik ang kanyang dugo sa aking mukha at sa damit na suot ko pero hindi ko na iyon pinansin dahil galit na galit ako sa ginawa nila kay Kiro.

Kaagad akong tumakbo patungo sa likuran ng tauhan na nagbabantay sa swimming pool. Binitawan ko ang hawak kong palakol kasabay ng mabilis kong pagkuha sa dalawang espada na nakasukbit sa aking likuran.

Sa kanyang pagharap ay tinarak ko ang hawak kong espada sa lalamunan niya habang ang isa naman ay nakatarak sa kanyang tiyan.

Sinipa ko siya sa swimming pool at sigurado akong mamamatay na siya dahil sa sobrang dugo na nawala sa kanya kasabay ng paglubog ng kanyang katawan sa ilalim ng tubig.

Kaagad kong isinukbit ang dalawang espada sa aking likod bago ko dinampot ang dalawang palakol na binitawan ko kanina.

Sa isang mabilis na galaw ay tahimik kong inakyat ang penthouse ni Vladymir. Para akong unggoy na nakalambitin bago ko iginiya ang aking katawan pataas sa veranda.

Saktong pagbagsak ko ay nakaharap na sakin ang dalawang tauhan. Ngunit bago pa nila makuha ang kanilang mga baril ay sabay kong tinusok ang aking espada sa dibdib nila.

Dahil hindi ako nakontento sa aking ginawa ay nilaslas ko ang kanilang leeg gamit ang dalawa kong palakol. Napangisi ako nang bumulagta sila pareho sa sahig habang umaagos ang kanilang dugo.

Kaagad kong isinukbit ang dalawang espada sa aking likod bago ko kinuha ang dalawang palakol na nakatarak sa leeg ng mga tauhan.

Nagliyab ang aking mga mata nang makita ko si Vladymir habang nakatutok ang kanyang baril sa mukha ni Akiro.

Ako ang harapin mong hayop ka. Tingnan ko lang kung makahinga ka pa.

Mas lalong tumindi ang galit na nararamdaman ko nang makita ko mismo ang mukha ni Kiro. Punung-puno ng pasa at putok ang mga labi.

Tumago ako sa gilid ng veranda habang pinapakalma ang aking sarili dahil ayokong maging padalos-dalos ang susunod kong kilos.

"Pasensyahan na lang tayo, Akiro... Mamamatay ka dito."
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi ni Vladymir. Biglang bumilis ang pagtibok ng aking puso.

Punyeta! Paano ko siya mapipigilan?!


Inilibot ko ang aking paningin sa veranda at napangisi ako nang makakita ako ng switch ng ilaw na posibleng konektado sa kwartong kinaroroonan ngayon ni Kiro.

Hindi na ako nagsayang ng oras dahil alam kong kakalabitin ni Vladymir ang gatilyo ng kanyang baril.

Pero bago pa niya makalabit ang gatilyo ay napindot ko na ang switch ng ilaw at naging madilim ang buong kwarto.

Tuso ka pero mas mautak ako. Nagkamali ka sa kinalaban mo.


Pumasok ako sa bintana bago ako naglakad nang hindi naririnig ang mga yabag ng aking paa. Mabuti na lang talaga ay nakinig ako sa itinuro ni Daddy sakin noong bata pa lang ako kung paano ka makakakita sa dilim sa pamamagitan lang ng paghinga o paggalaw ng nasa paligid mo.

Humigpit ang paghawak ko sa mga palakol nang malapit na sa aking kinatatayuan ang naririnig kong paghinga. Sumugod ako nang tahimik nang hindi nila nalalaman.

Napangisi ako nang sumigaw ang isa sa mga tauhan ni Vladymir at sigurado akong umaagos na ang kanyang dugo sa sahig. Walang-emosyong pinutol ko ang kanyang braso bago ko nilaslas ang leeg niya gamit ang espada.

Nang bumagsak ang kanyang katawan ay kaagad kong itinarak sa kanyang dibdib ang espada na ginamit ko sa paglaslas ng kanyang leeg. Mas lalo akong nanabik na magamit ulit ang hawak kong palakol nang marinig ko ang yabag ng mga paa ng isa sa mga tauhan ni Vladymir.

Bago pa siya makalapit sa akin ay hinila ko ang magkabila niyang braso bago ako tumambling papunta sa kanyang likuran. Narinig ko ang paglagutok ng kanyang buto habang sumisigaw siya dahil sa sobrang sakit na kanyang natamo.

Hindi pa ako nakokontento sa aking ginawa kaya naman pinutol ko rin ang ulo niya gamit ang aking palakol. Kasabay ng pagbagsak niya sa sahig ay naging mabilis ang ginawa kong pagsugod sa isa pang tauhan.

Pinadausdos ko ang aking katawan sa sahig papunta sa kanyang likuran bago ko pinutol ang dalawa niyang binti. Narindi ang aking tenga nang sumigaw na naman ang tauhan at dahil sa sobrang inis ay tinarak ko sa lalamunan niya ang aking espada.

Tch. Ayoko sa lahat iyong maingay kapag pinapatay.


Bago ko siya nilubayan ay binali ko muna ang kanyang ulo sa pamamagitan ng malakas na tadyak sa kanyang leeg. Kasabay ng paglagutok ng kanyang buto ay ang pagbagsak ng walang kalaban-laban niyang katawan sa sahig na aking tinatapakan.

Bumugso ang kumukulo kong dugo nang makaramdam ako ulit ng paghinga. Nakatayo siya sa aking harapan at hindi na ako magugulat kung may tauhan pa dito.

Nang pumasok sa isip ko ang nakaawang mukha ni Kiro ay para bang may biglang sumapi na demonyo sa katawan ko. Tumiim ang aking bagang bago ko pinutol ang mga parte ng katawan niya.

Pinutol ko muna ang dalawa niyang braso bago ako tumambling papunta sa likuran niya. Kasabay ng pagbagsak ng aking paa sa sahig ay mabilis kong pinutol ang dalawa niyang binti.

Hindi ko na pinalampas ang pagkakataong putulin ang kanyang ulo bago ko tinarak ang aking palakol sa tiyan niya. Napangisi ulit ako nang maramdaman ko ang paghinga ng kapatid ni Vladymir.

Gusto mong makipaglaro? Pagbibigyan kita.


Sinugod ko ang kapatid ni Vladymir at bumagsak ang kanyang katawan sa sahig dahil sa malakas kong sipa. Sinabunutan ko ang buhok niya bago ko inumpog ang kanyang ulo sa pader nang paulit-ulit.

Sisigaw sana siya nang itinutok ko ang talim ng palakol sa kanyang leeg bago ako bumulong sa tenga niya. "Subukan mo lang sumigaw, Draco... Ikalulugod ko na putulin ang iyong ulo."

Naging mapugto ang paghinga ni Draco bago siya nagsalita. "Kuya, itigil mo na 'to..." Garalgal ang boses niya na animo'y naiiyak dahil sa sitwasyon niya ngayon.

"Magpakita kang hayop ka! Huwag kang duwag! Harapin mo ako!"
Napailing na lang ako nang biglang sumigaw si Vladymir.

Matapang ka kapag wala ako pero kapag madilim nakatago ang sungay mo. Siraulo.


Kinaladkad ko si Draco patungo sa veranda bago ko binuksan ang ilaw. Kaagad namang lumingon si Kiro sa kanyang likuran para tingnan ang sinapit ng mga tauhan.

Napangiwi ako nang bigla siyang sumuka habang nakatingin sa panghuling tauhan na pinatay ko kanina.

Tch. Masyado ka kasing chismoso, Kiro. Chismosong bading.

Pero napalitan ng galit ang ekspresyon ng aking mukha nang itinutok ulit ni Vladymir sa mukha ni Kiro ang hawak niyang baril.

"Subukan mo lang siyang patayin, Vladymir... Kakatayin ko ang iyong kapatid sa mismong harapan mo."
Nilingon nila ako pareho at natigilan si Vladymir nang makita ako na hawak ang kanyang kapatid.

Nang sinulyapan ko si Kiro ay ako naman ang natigilan dahil nakatitig na pala siya sakin. Punung-puno ng katanungan ang kanyang mga mata habang bakas sa kanyang mukha ang pandidiri dahil sa hitsura ng mga tauhan na pinatay ko kanina.

Ganito ako magmahal, Kiro. Subukan lang nilang idamay ang mga taong mahal ko, dadalhin ko silang lahat sa impyerno.

GAI RESORTIR 1: PROTECTING THE FUCKBOYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon