Natatandaan ko pa 'yung mga panahon na kasama ka. Napapatawa nalang talaga, habang inaalala ang matamis na nakaraan nating dalawa.
"Julia, gusto mo bang maligo sa sapa?"sambit mo.
"Hindi papayag ang Nanay ko Ernesto, lalo pa kapag sinabi ko na ikaw ang kasama ko".
"Hayaan mo, 'wag mo nalang munang sabihin sa Nanay mo. Akong bahala sayo. Tiwala."
Napapanatag ang loob ko tuwing naririnig ang mga salitang ito mula sayo. Kaso, hindi ko talaga lubos na mawari, at parang may sakit ng loob ang magulang ko sayo.
"Julia, hindi ba't pangaral ko sayo na, bawas-bawasan mo ang pagsama sa Ernesto na 'yan. Walang kang mapapala dyan", pangaral ni Inay.
Kahit na labag sa utos ni Inay. Hindi ko pa rin magawa na hindi ka pansinin. 'Yung tipong hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi kita nakikita.
"Julia may problema ba? Napansin ko na parang ilag ka nitong mga nakaraang araw", nakita ko sa mga mata mo ang kalungkutan.
"Ayos lang ako. Aaminin ko sayo Ernesto, pinapalayo ako sayo ni Inay at hindi ko malaman ang dahilan".
"Sige okay lang. Basta kung may problema ka. Andito lang ako para sayo. Alam mo naman parang nakababatang kapatid na kita".
Oo kapatid lang pala. Nakababatang kapatid lang pala. Hanggang doon nalang ba?
Pasensya hindi kuya ang turing ko sayo. Alam kong mali, pero tiyak ko na hindi na ako muling makakabangon pa, dahil lubog na lubog na sa pag-ibig na nararamdaman ko sayo.
Natandaan ko na ang dahilan kung bakit ayaw sayo ng magulang ko. Nagkarelasyon pala kayo ng kapatid ko. Oo nga pala. Bakit nga ba nakalimutan ko?
Mabuti nalang at noong panahon na 'yun ay hindi pa alam ang nararamdaman ko sayo.
"Julia sinagot na ako ng kapatid mo", masayang balita mo sakin.
Abot tenga ang ngiti mo. Syempre masaya din ako para sayo. Totoong kasiyahan. Pero kung naging kayo ng kapatid ko sa panahon na batid ko na ang nararamdaman ko sayo? Ewan nalang, kung ano ang mararamdaman ko.
Umabot ng dalawang taon ang samahan ninyo. Ang saya saya ko kasi lagi kang nasa bahay. Syempre para magpapansin kila Inay at Itay.
Nagiigib, nagsisibak ng kahoy, at pati nga pagharana ay nagawa mo na. Iba ka talaga.
-
Isang araw nagulat ako, nang lumapit ka sakin na umiyak.
"Julia ang sakit. Posible ba talaga na mawala ang pagmamahal na meron ka sa isang tao?" unang pagkakataon na nakita ko ang mga luha mo.
"Mahal na mahal ko siya Julia. Ano ba ang nagawa kong mali?"
Nagalit ako sa kapatid ko 'nun. Dahil sinaktan ka niya. Gusto kong sabihin na sana ay balikan ka. Pero hindi ko hawak ang desisyon niya.
"Di bale, paniguradong lilipas din ito. Mawawala din kung ano man ang nararamdaman ko para sakanya."
Heto ang salita na pinanghawakan ko, nang malaman na hulog na 'ko sayo. 'Yan ang mas nakapagpalakas ng loob ko, na balang araw titignan mo rin ako bilang isang babae.
"Julia, buti nakapunta ka? Salamat sa pagdalo. Kasama mo ba ang Ate mo?"
Ipinagdiwang ang kaarawan mo noong araw na 'yun. Hindi pala lahat ng kaarawan masaya. Kasi 'yun na din pala ang huling araw. At kinabukasan, matagal na panahon pa ang bibilangin bago kita muling makita.
Bukas na pala ang araw na papasukin mo na ang buhay kolehiyo. Syudad na ng Maynila ang magiging tahanan mo.
Naikwento mo sakin. Tanda ko pa ang ekspresyon mo nang sinasambit kung ano ang pangarap mo balang araw.
"Gusto kong maging piloto. Gusto kong lakbayin ang malawak na mundo", kitang kita ko sa kislap ng iyong mata kung gaano ka kasaya sa pangarap na meron ka.
Syempre susuportahan kita. "Kapatid mo ko" sabi mo nga, diba?
Kung iiisa-isahin ko siguro ang pinagdaanan natin. Paniguradong hahaba ito. Kaya hanggang dito nalang siguro.
-
Ngayon, tayong dalawa ay nasa simbahan. Naiiyak ako sa galak. Hindi ko mawari ano ba talaga ang nararamdaman ko. Pilit ba ang mga ngiti ko?
Maraming tao ang makakakita. At hindi nako makapaghintay pa.
"You may now kiss the bride", ang sabi ng pari bago mo itaas ang belo.
Nagsitayuan ang lahat upang pumalakpak, at ako din ay napatayo.
Sa wakas.
Pamilya na kita.
Ikaw na ang magiging ama ng mga pamangkin ko.
YOU ARE READING
Short Stories
RandomShort stories collection. Adding some spices with my tasteless quarantine days. Enjoy!