KABANATA 13
Nagsisimula na ang laro para sa archery. Kinakabahan si Star. Although, mula nang matalo niya si Cleopatra ay nagsimula nang mag-shine ang laro niya. Nanalo na siya, hindi lang isa kundi sampu. Every year ay nananalo siya. Masaya siya dahil nagbunga ang lahat, at napagtanto niya na mula ng turuan siya ni Dice ay doon nagsimula ang pagkapanalo niya. Marami man ang nagbago at nawala sa paligid niya tuwing laban niya, pero naroon pa rin ang feeling niya na may nakamasid na pamilyar tingin sa kaniya. Binalewala niya. Pero hindi niya mapigil na maisip si Dice, na mula ng iwasan niya ito ay hindi na muling nagpakita pa.
Marami siyang naririnig na mga babaeng nalulungkot sa pagkawala ng binata. Wala ring sinasabi si Damian tungkol sa kapatid nito, kaya wala siyang alam, lalo't hindi naman siya nagtatanong.
Siguro hindi lang maalis talaga sa sistema niya ang lalake. Lalo't ito ang dahilan ng lahat kung bakit siya nakatungtong ngayon sa entablado ng laro.
Huminga siya ng malalim at mabilis na tinira ang pana. Sapul agad sa dilaw kaya naghiyawan ang lahat.
Agad na niyakap siya ng mga pinsan niya na nandoon at sinusuportahan siya. Masaya siya dahil palaging naroon ang mga ito para sa kaniya.
"Congrats!" bati ni Damian na nanood din at sinuportahan siya.
"Salamat." tugon niya.
Ngumiti ito at hinawakan siya sa kamay. Napangiti siya na humawak din sa kamay nito at naglakad na sila para umalis sa pinagdausang laro. . . Ang mga pinsan niya ay hinayaan na sila. Alam ng mga ito na may lakad pa sila kaya pinaubaya na siya kay Damian.
Habang tumatagal na palagi niyang kasama si Damian ay lalo silang nagkakakilala. Minsan dumadalaw ito sa bahay nila at minsan sinasama siya nito sa bahay nito para maka-bonding ang family nito, at the same time ay planuhin ang kasal nila. Hindi umaalis si Damian sa tabi niya. Palagi siyang sinusuportahan nito sa laro o kahit saan man. Sinasamahan din niya ito tuwing may check-up ito. Minsan ay siya ang dumadalaw kapag masama ang pakiramdam nito. Masasabi niya na kung si Damian ang mapapangasawa niya ay walang problema. Magkasundo sila sa lahat ng bagay at nakakaunawaan sila sa isa't-isa.
Nagpatuloy ito sa pag-aaral at sa school pa rin ng WCU ito pumapasok para magkasama sila. Sa maynila talaga ito nakatira pero nagpatayo ng bahay sa isla lalo't kaibigan ng Lolo niya ang father nito.. Tuwing may family gathering ay kasama niya ito at kasama siya nito.
Hindi nga niya namamalayan na sasapit na ang disi-otsong kaarawan nilang pareho. Mas nauna lang siya kay Damian, kaya ang birthday niya ang napag-usapang petsa para ikasal sila. At ilang araw na lang ang bibilangin.
DUMERETSO SILA SA wedding shop ng Lola Beatrice niya, na Tita Bettina niya na ang nagha-handle ngayon. Sa family niya ay si Tita Bettina niya ang gagawa ng susuotin niya at mga kinuha nilang abay.. Sa part naman ni Damian ay Mommy nito ang gagawa kasama ang abay na kinuha ni Damian sa family nito.
"Mahirap ang maraming stylist na kamag-anak, noh?" sabi ng assistant ng Tita Bettina niya. Wala ang Tita niya at binilin siya sa assistant nito.
Napangiti lang siya, "Mas maganda nga po iyon kasi special ang kasal namin." sabi niya. Sinusukat na niya ang gown na sample lamang, hindi mismong gown niya, habang nasa fitting room sila ng assistant ng Tita niya na tinutulungan siyang isuot ang gown para kung sakali na maliit o malaki ay maiayos bago ang takdang kasal.
"Korak! Ayan! Ang pretty mo, girl. Tiyak na mapapatigil ang mundo ng groom mo kapag nakita na suot mo na ang gown mo." papuri nito kaya namula siya sa hiya.
"Kailangan ko pa bang ipakita? 'Di ba po may kasabihan na bawal makita ng groom na suot ko ito bago ang kasal?" tanong niya.
"Asus, nagpapaniwala ka pa rin sa ganon. Hindi na uso iyon. Ako nga ay nakita rin ng husband ko ang suot kong gown sa kasal namin bago kami ikasal pero wala namang nangyari." sabi nito.