"ATE, BAUNIN mo na ito. Iba na 'yong handa," sabi ni Janet kay January nang araw na paalis na siya para um-attend sa reunion.
"Uso pa ba ang minus one tape ngayon? Hindi ba't mga CD na?" aniya pero inilagay pa rin ang tape sa bag.
"At least may dala ka. Galingan mo ang pagkanta, Ate. Malay mo, isa sa mga kaklase mo, nasa showbiz na pala. Baka siya ang magbigay ng break sa iyo."
Napailing na lang siya. Number one fan talaga niya ang kapatid. Hanggang ngayon ay optimistic pa rin ito na may ibubuga ang naunsiyaming singing career niya.
"Ingat ka sa biyahe, Ate. Enjoy yourself. Huwag mo kaming intindihin dito. Okay naman si Tatay. At lalong okay si Kuya Charlie na responsible na ngayon."
"Bahala na muna kayo rito. Kung may problema, tawagan ninyo ako sa cell phone." Isinukbit na ni January ang bag sa balikat, saka lumapit sa ama. "'Tay, aalis na ho muna ako. Bukas na ho siguro ang balik ko. Makikitulog na lang ako roon."
"Sige, mag-iingat ka. Ikumusta mo na lang ako sa mga kaibigan natin doon."
Tumango siya. Hinagkan niya ito sa noo, saka umalis na.
Alas-kuwatro ang nakalagay na oras ng reunion. Barbeque party iyon pero nabanggit ni Fatima Mae na inagahan nito nang kaunti ang oras para mas matagal na makapagkuwentuhan ang lahat.
Alas-diyes pa lang ng umaga. Kung hindi traffic, bandang ala-una ay nasa Sierra Carmela na si January. Usapan nila ni Joanna Marie na doon muna siya tutuloy sa bahay ng tiyahin ni Lemuel. Magpapahinga lang siya nang kaunti at sabay-sabay na silang pupunta sa reunion.
Air-conditioned bus ang sinakyan niya. Komportableng sumandal siya sa upuan. Mabuti na lang at paalis na ang bus at hindi na niya kailangang maghintay nang matagal.
Hindi niya maiwasang isipin kung ano ang posibleng maganap sa reunion. Malamang ay walang humpay na kumustahan at kuwentuhan. Siniguro nina Fatima Mae at Amor na maraming pagkain kaya walang mag-aalala na magugutom ang lahat.
Hindi nakatiis si January at muling inilabas ang class picture-cum-invitation.
Ilang oras na lang at makikita na uli niya ang mga dating kaklase. Sa mahigit sampung taong lumipas, alam niyang marami nang pagbabago sa kanilang lahat—sa hitsura man o katayuan sa buhay. Malamang ay hindi lang sina Joanna Marie, Amor, at Fatima Mae ang mga may-asawa. Siguro ay may ibang mayroon nang pamilya. Hindi imposible iyon, lalo at twenty-seven o twenty-eight years old na ang halos lahat sa kanila.
Nang ibalik niya ang imbitasyon ay nakapa niya sa bag ang tape na ipinabaon sa kanya ni Janet. Mga piyesa niyang kanta ang laman ng mga iyon, at karamihan ay luma na. Kahit paano ay nag-alala siya. Baka hindi na ma-appreciate ng mga kaklase niya ang mga kantang iyon.
Ano ba ang mga usong kanta noong high school sila? "If We Hold On Together" at "From A Distance" yata. Ang isa pa nga sa mga iyon ang naging graduation song nila. Kabisado pa rin niya ang kantang iyon hanggang ngayon. Pero hindi kaya masyadong maging sentimental ang dating kung iyon ang kakantahin niya?
"Dito na ba ang stopover ng bus?" tanong ng pasaherong katabi niya.
Noon lang naging aware sa paligid si January. Nakalampas na pala ang bus sa expressway at paakyat na sa bulubunduking kalsada papunta sa Sierra Carmela.
"May problema lang ho nang kaunti sa makina. Sandali lang ho," anang driver bago bumaba.
Kanya-kanya ng reaksiyon ang mga pasahero. May galit agad at may parang bale-wala lang ang nangyari. Isa siya sa mga pasaherong hindi gaanong ininda ang pangyayari. Maaga pa naman. Kung matitigil sila nang mga fifteen minutes ay okay lang. Siguradong aabot pa rin siya sa oras ng reunion.
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 4 - January For August
Romance"Alisin mo sa isip mo na kaya lang ako nakipaglapit ay para makuha ang gusto ko sa iyo. Hindi pampisikal lang ang hangad ko. I love you so much. I want to share the rest of my life with you." Nakilala ni January si August nang um-attend siya sa reun...