January For August - Chapter 6

1.4K 92 2
                                    


"ISA PA! Isa pa!" sigaw ng mga kaklase ni January pagkatapos niyang kumanta.

"Parang commercial ng Jollibee?" nakangiting sabi niya. "Isa pa?"

"Isa pa!" sabay-sabay na sagot ng mga ito.

Pinagbigyan niya ang mga dating kaklase. Sinimulan niyang kantahin ang graduation song ng batch nila—ang "From A Distance."

Hindi alam ni January kung matatawa ba o mata-touch sa reaksiyon ng mga kaklase niya. Mayroong biglang napanganga at saka napangiti pero parang mas marami ang naging nostalgic ang ekspresyon.

"From a distance, there is harmony and it echoes through the land. There's a voice of hope, there's a voice of peace, there's a song for everyone..."

Sa lyrics na iyon ng kanta ay nagbalik ang maraming alaala ng high school days nila—masasaya at malulungkot. Mas tumining sa kanya ang alaalang parang inuulit nila ngayon. Siya, sa stage at ang mga kaklase niya sa ibaba na sumasabay sa kanyang pagkanta habang nakatingin sa kanya.

Si January ang nanguna sa pagkanta noon, medyo minamalat dahil emotional. It was their graduation day. Everybody had mixed emotions. Kahit masaya ay malungkot din ang lahat. Magkakahiwa-hiwalay na sila, ang karamihan ay magkokolehiyo at aalis ng lugar na iyon.

Noon, kasama sa pag-iyak ni January ang para sa pag-ibig nina Joanna Marie at Lemuel. Sa lahat ay siya ang saksi sa pagmamahalan ng dalawa. Ngayon, pagkatapos ng mahigit sampung taon, nakikita niyang magkahawak-kamay ang mga ito, they were husband and wife. Mababakas ang kaligayahan sa mga mukha ng mga ito.

Nginitian ni January si Joanna Marie at tinanguan si Lemuel. Masaya siya para sa mga kaibigan. Dahil sa kabila ng lahat ay ang mga ito pa rin ang nagkatuluyan.

Hinayon niya ng tingin ang iba pang kaklase. Larawan ang bawat isa ng realidad ng buhay. Ang iba ay halatang successful, ang iba ay nagsisikap pa ring maabot ang pangarap. Ang iba, kahit parang hindi masyadong nagbago ang kasimplehan ng buhay ay mga mukha namang kontento.

"God is watching us, God is watching us from a distance..."

Hindi iilan ang napansin niyang pasimpleng nagpahid ng mga luha pagkatapos ng kanta.

"Kayo kasi, eh! 'Ayan, nag-senti tuloy tayo," pabirong sabi ni January na pinahid din ang mga luhang pilit kinokontrol kanina.

Nagtawanan ang lahat, kapagkuwan ay pumalakpak.

"O, gusto pa ba nating maiyak?" tukso ni Alejo pagkatapos niyang ipasa ang mikropono. "Mamaya naman. Parlor games muna."

"O, pati ikaw, nagse-senti!" buska niya kay Joanna Marie nang bumalik siya sa puwesto nito.

"Ano naman ang masama roon?" pairap na sabi nito. "Hindi lang naman ako, ah. Tingnan mo nga iyong iba, umiyak din. Bakit ba kasi iyon ang kinanta mo?"

"Iyon ang master ko, eh," nakangising sagot niya.

"Luka-luka!" Hinila siya nito sa kamay. "Punta tayo sa mga finger foods. Kanina ko pa gustong kumuha uli ng buttered egg halves, saka iyong meatballs."

"Daig mo pa ang naglilihi. Pagkain lang yata ang dinayo mo rito, eh. Nasaan na ba si Lemuel? Natanaw ko pa lang kayong magka-holding hands kanina, ah."

"Nakita niyang dumating si Lyndon, nilapitan. Alam mo naman ang mga iyon. Magkaibigan na, dati pa."

"Lyndon? Eh, si Princess Grace, nasaan?" curious na tanong niya.

Nagkibit-balikat ito. "Ewan ko. Hindi ko pa naitatanong. Nagkumpulan kasi agad ang mga lalaki. But I'm sure, kung nandito si Princess Grace, makiki-join 'yon sa ating mga girls."

"Meaning to say, mag-isa lang na dumating si Lyndon?"

"Maybe."

"Ano na kaya ang nangyari sa dalawang iyan? Hindi ba, natsismis dati na college pa lang ay nagpakasal na sila?"

Pinaikot nito ang mga mata. "Ako pa ang tinanong mo. Para namang updated ako sa lahat ng chika. Doon na muna tayo sa buffet table. Kanina pa ako hinihintay ng finger foods! Saka hindi mo ba naamoy ang barbeque? Usok pa lang, ang sarap-sarap na!"

Tinitigan ni January ang kaibigan. "Para ka talagang naglilihi!"

Ngumisi ito. "Masama ba? Gusto na nga naming magkaanak ni Lemuel, eh."

Huminto siya sa paghakbang. "Naglilihi ka na nga?"

Matamis ang ngiting sumilay sa mga labi ni Joanna Marie. "Yup. Magiging ninang ka na!"



"TINATAWAGAN ni Alejo ang mga married couples ng batch. Sumali kayo ni Lemuel," ani January kay Joanna Marie. "Parlor games yata iyon para sa mga mag-asawa."

"Ang sarap ng kain ko rito, eh," sagot nito, sabay subo uli ng barbeque.

"Sumali ka ro'n. Huwag kang KJ!"

Lumampas sa balikat niya ang tingin nito at saka ngumisi. "Hmm, gusto mo lang yata akong itaboy, eh."

Tumaas ang mga kilay niya.

Tumawa ito nang mahina. "Oo na. Papalapit na sa iyo si Mr. Lover Boy. Asungot na ako rito. Mabuti pang sumali na nga lang sa parlor games. Good luck to you, Jan. Sana bago matapos ang gabing ito ay may love life ka na."

Pinandilatan ni January ang kaibigan, pero agad din niyang pinalis iyon nang may maramdamang pagkilos sa kanyang likuran.

"No wonder. Kaya naman pala gustung-gusto nilang kumanta ka, eh. You have all the right to do so."

"Papuri ba iyan o pambobola?" nakangiting tanong niya kay August.

"Papuri, siyempre. Kung hindi ko lang alam na ikaw nga ang kumakanta, baka isipin kong nandito si Mariah Carey kanina."

Tumawa si January. "Ah, iyan ang siguradong pambobola."

"No. Nagsasabi lang ako ng totoo. 'Di ba, mahilig ako sa music? Music lang ang may ayaw sa akin. But the truth is, marunong din akong kumilatis ng talagang may talent sa pagkanta. January, hindi mo ba nasubukang sumali sa mga singing contests? Malaki ang laban mo."

"Graduate na ako sa ganyan. Lahat ng noontime show sa TV, nasalihan ko na. Pati mga amateur singing contest kapag may mga barrio fiesta, napuntahan ko na rin."

"Hindi ka nanalo? Imposible!"

"Well, madalas namang nananalo."

"I wonder kung wala man lang nakadiskubre sa iyo? Usually, may nagkalat na mga talent scouts kapag may mga singing contests. Lalo na kung sa TV ka sumasali. Madali kang mapapansin."

Sandali siyang nag-isip kung sasabihin ba dito ang tungkol sa naging karanasan niya noong muntik na siyang maging recording artist.

"Hindi ko lang siguro suwerte. Kanya-kanyang suwerte lang naman iyan."

Tinitigan siya ni August. "Siguro kailangan mo ng taong magbibigay ng break sa 'yo."

- itutuloy -

Maraming salamat sa suporta.

If you want to buy a reprinted copy of this book, you can order from my Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Picture Series 4 - January For AugustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon