"ARE YOU sure, dito ka na lang?" tanong ni August kay January nang nasa Sierra Carmela na sila. "Saan ba iyong bahay ni Lemuel? Ihahatid na kita roon."
"Huwag na, salamat na lang. Balak ko kasing bumili ng kaunting pasalubong para sa tiyahin niya. Dito na muna ako sa palengke."
Tinitigan siya ng lalaki, saka tumango. "Okay. See you later then."
Nakangiting tinanguan niya ito.
Nang makaalis ang sasakyan ay saka siya naghanap ng tricycle na maghahatid sa kanya sa bahay ng tiyahin ni Lemuel. Kahi medyo palagay na ang loob niya kay August, mas pinili niyang huwag nang magpahatid dito. Sigurado kasing uulanin siya ng tanong ni Joanna Marie tungkol dito. At iyon ang gusto niyang iwasan.
"AKALA namin, kung napa'no ka na, Jan," sabi ni Joanna Marie nang makita siya. "Ano ba'ng nangyari?"
"Nasira 'yong bus. Ang tagal kong naghintay, hindi naman ako nakasakay agad dahil puno rin ang dumarating na bus. Nag-hitchhike ako."
"Hindi ka natakot?" tanong ni Lemuel. "Bakit hindi mo na lang kami tinawagan? Sinundo ka na lang sana namin."
"Dead spot iyong lugar, walang signal. Saka okay naman." Pahapyaw niyang ikinuwento kung paano niya nakilala sina Aling Pinang at Esther. "Iyong napara namin, nagkataong kaibigan ni Alejo. Engineer."
"Ano'ng hitsura?" usisa ng kaibigan niya. "Guwapo? Binata?"
Tumaas ang sulok ng mga labi ni January. "As expected, iyan ang itatanong mo sa akin," sabi niya. "Tisoy. Medyo guwapo. Hindi ko nga lang alam kung binata."
"Sana binata. Mamaya, itatanong ko kay Alejo."
"Hay, naku! Wala akong panahon sa love life."
"Sinasabi mo lang iyan kasi wala kang love life."
She rolled her eyes.
"Magpahinga ka na muna, Jan," sabi naman ni Lemuel. "O gusto mong kumain muna kahit kaunti? Mag-aalas-kuwatro na pero puwede naman tayong magpahuli nang kaunti para makapagpahinga ka. Malayo ang ibiniyahe mo, nagkaproblema pa."
"Magpapahinga na lang ako sandali. Mamaya na ako kakain, doon na lang sa party. Promise ni Ting, maraming pagkain doon."
"Okay. Kakatukin ka na lang namin after thirty minutes," sabi ni Joanna Marie.
"MARAMI nang tao!" excited na sabi ni January nang malapit na sila sa bahay nina Alejo. Matatanaw na ang maraming sasakyang nakaparada sa kalye. At parang naaamoy na rin niya ang masarap na barbeque.
"Masaya ito!" sabi ni Lemuel.
"Jan, nasabi nga pala nina Ting kagabi, hindi puwedeng hindi ka kakanta," ani Joanna Marie.
"Oo na. Kakanta na. Teka, hindi ba't si Bebeth iyon? Tingnan mo, o! Ang laki ng tiyan. Buntis!"
"Alam ko," nakangiting sabi ni Joanna Marie. "Kagabi pa kami nagkita-kita nina Ting at Amor. Marami din sa batch natin ang nag-asawa na. Si Bebeth, ahead sa atin ng dalawang taon ang napangasawa. Teacher din sa SCA, kagaya nila nina Miguel at Elisa. Remember, sila ang ka-group natin sa cleaners ng classroom?"
"Don't tell me, sina Miguel at Elisa ang nagkatuluyan?"
"Hindi, ah! Si Miguel, may asawa na. As expected, co-teacher din nila. Si Elisa ang single pa ring kagaya mo. Ang biruan nga kagabi, mas dapat daw na um-attend ang mga single dahil baka nandito sa reunion ang future partner in life nila."
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 4 - January For August
Romance"Alisin mo sa isip mo na kaya lang ako nakipaglapit ay para makuha ang gusto ko sa iyo. Hindi pampisikal lang ang hangad ko. I love you so much. I want to share the rest of my life with you." Nakilala ni January si August nang um-attend siya sa reun...