January For August - Chapter 2

1.6K 76 2
                                    


"ATE, MAY sulat ka. Baka natanggap ka na sa trabaho," sabi ni Janet, sabay abot ng isang sobre.

Tumaas ang isang kilay ni January. Imposibleng galing sa in-apply-an niya ang sobre. Sa hitsura pa lang ay sigurado nang imbitasyon ang laman niyon. Mabilis na binuksan niya iyon. Nagulat siya sa nakita: isang class picture.

She felt nostalgic suddenly. Larawan iyon na mahigit ten years na mula nang kunan; ang class picture nila noong fourth year high school. Katabi niya sa picture si Joanna Marie, patunay na noon pa man ay magkaibigan na sila.

"Black and white! Hindi pa ba uso ang colored picture noong panahon ninyo, Ate?" usyuso ni Janet.

Inirapan niya ang kapatid. "Style iyan. Uso ngayon ang ganyan. Kung magsalita ka, para namang forty years ago na akong g-um-raduate ng high school. May reunion kami."

"Wow! Eh 'di babalik ka sa Sierra Carmela? Sama ako! Para naman makita ko rin 'yong mga kaklase ko noong elementary."

Hindi siya sumagot. Pinagmasdan niya nang mabuti ang imbitasyon, inisa-isa ang mga kaklaseng nasa picture. Napangiti siya nang makita si Joel Avenilla, ang komikero sa klase nila. Hanggang ngayon kaya ay masayahin pa rin ito?

Nakilala niya sina Amor, Alejo, at Fatima Mae. Bukod kay Joel na honor student din ay ang tatlo ang ilan pa sa mga nangunguna sa kanilang klase. At hindi puwedeng makalimutan niyang tingnan si Lemuel, ang basketball star ng kanilang klase. Sa hitsura nito noon, sino ang mag-aakalang matagumpay na ito? At nagtagumpay rin ito na makatuluyan ang best friend niyang si Joanna Marie.

Napatitig si January sa isa pang pareha sa picture. Ang mga ito lang ang magkatabing lalaki at babae. At halata sa pagkakalapit na hindi lang basta magkaklase—sina Lyndon at Princess Grace.

Ano na kaya ang nangyari sa kanila? Nagkatuluyan din kaya sila? tanong niya sa isip.

Mahigit kuwarenta sila sa klase. At lahat ng mga mukha sa class picture na iyon ay natatandaan pa rin ni January. Umahon ang excitement sa kanyang dibdib. Ibinaligtad niya ang class picture para tingnan ang nakasulat sa likod niyon. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang mabasa kung sinu-sino ang organizer ng reunion.

Mag-asawa na sina Joel at Amor, Alejo at Fatima Mae?!

Nauwi sa mahinang pagtawa ang ngiti niya. "Ang buhay nga naman," nasisiyahang sabi niya.

"Ate, okay ka lang?" tanong ni Janet.

"Okay lang ako. Si Joyce, pumasok na ba? Ang Kuya Charlie mo? At ikaw, hindi ba, may pasok ka rin? Bakit nandito ka pa?"

"Mamayang hapon pa ang pasok ko. Si Joyce, nakaalis na. Hmp! Nanghingi pa nga sa akin ng sampung piso dahil may ipapa-photocopy daw siya. Si Kuya Charlie, well, lately ay hindi na siya sakit ng ulo. Mabuti naman. Ano nga pala ang ipinakain mo kay Kuya? Bakit biglang tumino? Naisipang mag-apply ng trabaho. Suwerte rin niya at natanggap agad kahit contractual lang sa mall."

"Hindi naman hopeless case ang kuya mo," sabi ni January, saka naglabas ng dalawandaang piso. "Mamalengke ka ng pang-ulam na panghanggang bukas ng umaga. Kunin mo na lang din diyan iyong sampung pisong hiningi sa iyo ni Joyce. Mag-budget kang mabuti. Mahirap ang pera. Hindi nga ako maka-sideline nang matino."

"Kasi, Ate, ayaw mo pang patulan 'yong offer ni Mrs. Chua. Disente naman ang club niya. Hindi ka naman magpoprosti, kakanta ka lang. One-five isang gabi, puwera tip. Sa loob ng isang buwan, sa limang gabi na lang sa isang linggo, mahigit twenty thousand iyon. Sa araw, puwede ka pa ring mag-alok ng insurance. Sayang ang boses mo, Ate. Kung ako lang ay may talent sa pagkanta, pumayag na ako sa offer ni Mrs. Chua."

"Kunwari lang disente ang club niya. Front 'yon ng prostitution. Noong isang linggo lang ay na-raid iyon. Baka mamaya, sa susunod na ma-raid iyon, madamay pa ako. Kapag nadala ako sa presinto, sino ang maniniwalang hindi ako kasali sa mga GRO niya ro'n?"

Dalawang taon nang tumigil sa pagkanta si January. Dati ay ginawa niyang sideline ang pagsali sa mga singing contest, mapa-amateur o TV. Madalas ay nananalo siya. Sa isang pa-contest ng isang noontime TV show ay nakaabot pa siya sa grand finals, pero hindi siya nanalo. Akala nga niya ay iyon na ang stepping stone para maging professional singer siya. Ang producer na isa sa mga naging judge ay nag-offer pa sa kanya na igagawa siya ng album dahil iba raw ang kalidad ng kanyang boses. Tuwang-tuwa siya. Hindi siya ang grand prize winner pero siya ang binigyan ng offer na magkaroon ng album.

Pero nalaman niya sa bandang huli na may masama palang plano ang producer. Nang makahalata siya sa mga paghipu-hipo nito sa kanya na wala sa lugar ay hindi na siya nakipagkita pa rito. At nang minsan siyang puntahan sa bahay ay nagdahilan siyang hindi na interesado sa iniaalok nito.




"MAGHANDA ka, Jan. Siguradong pakakantahin ka sa reunion!" Hindi maikakaila ang excitement sa boses ni Joanna Marie. Pinuntahan pa siya nito sa bahay dala-dala ang invitation card para sa kanilang reunion. Mula kaninang bumungad ito sa pintuan ng kanilang bahay ay tungkol na roon ang usapan nila.

"Iisipin ko 'yong mga jingles natin noon kapag lumalaban tayo sa choral group."

"Sira! Bakit iyon ang kakantahin mo? Iyong magandang piyesa. Paringgan mo sila ng a la Celine Dion."

Tumawa si January. "Baka pumiyok ako, nakakahiya pa. Mas maganda kung jingle. Mare-reminisce pa ng lahat ang high school days natin."

"Paano kung merong may hindi gustong makaalala ng high school? Hindi bale sana kung kami ni Lemuel. At least, kahit bittersweet ang story namin, happy ending pa rin."

"I'm sure, kung merong ayaw nang balikan ang high school memories, hindi na rin a-attend ng reunion. Bakit pa?"

"Sobra ka naman. Mas sigurado akong interesado pa rin ang lahat na pumunta sa reunion. First-ever reunion natin ito at bongga pa! Wala nang kung anu-anong bayad. Ang request lang nina Amor at Fatima Mae ay ang presence natin. Tumawag na ako kanina kay Amor. At nalaman ko sa kanya na nag-provide din daw si Alejo ng mga cottages para sa gustong mag-overnight. Ginastusan nilang apat ang reunion kaya dapat lang na pumunta tayong lahat. Nag-usap na kami ni Lemuel tungkol diyan. Gusto rin niya, siyempre. At ikaw, mabuti pang sumabay ka na sa amin sa pag-uwi sa Sierra Carmela. One day before the reunion, balak na naming bumiyahe para makadalaw na rin si Lemuel sa isang tiyahin niya doon."

"Para namang maiiwan ko si Tatay nang ilang araw, eh, may pasok pa sina Janet. Mauna na kayo. Darating na lang ako sa mismong araw ng reunion. Ite-text ko mamaya si Fatima Mae para i-confirm ang attendance ko."

- itutuloy -

Maraming salamat sa suporta.

If you want to buy a reprinted copy of this book, you can order from my Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Picture Series 4 - January For AugustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon