January For August - Chapter 4

1.5K 87 3
                                    

SIGURO ay ang pangalan ni Alejo ang naging magic word para kahit paano ay mapalagay si January nang kaunti sa kinauupuan niya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay tumingin siya kay August nang deretso sa mga mata. At sa tingin niya ay sincerity ang nabasa niya sa mga mata nito.

"Kilala mo si Alejo?" tanong nito.

Tumango siya. Naisip niyang mas mabuting hindi magbigay ng anumang impormasyon. Baka mamaya ay hinuhuli lang siya nito.

"Partners kami ni Alejo sa subdivison project sa San Esteban. Ako ang head engineer niya. Halos isang taon na rin kaming magkasama. Okay ang taong iyon. Pati misis niya, si Ting, mabait."

"Ting," ulit niya. Walang dudang si Fatima Mae ang tinutukoy nito. At kung ang pagkaaliw sa boses nito ang kanyang pagbabasehan, iisipin niyang malapit na kaibigan ito ng mag-asawa.

"Kumusta na sila?" kaswal na tanong ni January.

"Busy. Buntis na si Ting kaya excited silang pareho na magka-baby. Plus, busy pa sila sa reunion ngayon. Nag-organize sila ng high school reunion ng batch nila. Mamayang hapon na iyon kaya nga kahit hindi ko schedule na bumalik sa Sierra ay bumalik ako ngayon. Inimbita nila ako kahit hindi nila ako kaklase."

"Mabuti pala at halos hindi na kayo magkaiba," sabad ni Aling Pinang. "Kunsabagay, dito naman sa probinsiya ay halos magkakakilala ang mga tao. Kaya nga malakas ang loob kong makisakay kahit sa estranghero. Bihira naman dito ang masasama ang loob."

"Hindi naman po ako kasali roon," nakangiting sabi ni August.

"Aba'y oo naman! Baka makalimutan mo, hijo, makalagpas sa zigzag road na ito ay San Nicolas na. Ibaba mo na lang kami sa crossing at magta-tricycle na lang kami."

"Saan po ba ang inyo para ihatid ko na lang kayo?"

"Naku, hindi na. Malaking abala na iyon sa iyo. Nagpapasalamat na nga kami na isinakay mo kami. Hindi mo pa tinanggap ang alok naming makihati sa gasolina."

"Wala po iyon. Dito naman po ang daan ko. Ihahatid ko na po kayo," giit pa rin ng lalaki.

"Sabagay, malapit lang din ang sa amin. Iliko mo lang sa kanan pagdating sa crossing. Iyong tindahan sa unang kanto na matatanaw mo sa kaliwa, iyon ang sa amin."

"Okay lang ba sa iyo, January? Ihatid na natin sila?" tanong ni August sa kanya.

"O-okay lang," sagot niya. Wala naman siyang ibang puwedeng isagot maliban doon. Pero ang mas gumugulo sa isip niya ay ang mga susunod na mangyayari kapag silang dalawa na lang ang naiwan sa sasakyan. Kung tatanggi siyang sumabay rito hanggang Sierra Carmela ay hindi imposibleng magkita uli sila sa reunion kung totoong kaibigan nga ito ni Alejo. Siguradong siya ang lalabas na kahiya-hiya kung gagawin niya iyon.

Pero paano naman sila habang nasa biyahe? Awkward pa rin siya kahit na nga may link sila sa isa't isa sa pamamagitan nina Alejo at Ting.

"August, diyan sa tindahang iyan," ani Aling Pinang.

Ang tindahang itinuro nito ay isang dalawang palapag na bahay na ang ibaba ay isang maliit na grocery. Siguro ay sa pangalawang palapag nakatira ang mga ito. Nang ihinto ni August ang kotse sa tapat niyon ay may sumalubong agad sa mag-ina.

"Inang, akala namin ay napaano na kayo. Kanina pa kami naiinip sa inyo," anang lalaki na mabilis nagmano kay Aling Pinang.

"Nasiraan 'yong bus na sinakyan namin. Nakiusap lang kami kay August na makisakay sa kotse niya. Siya, maghanda kayo ng merienda. Dali!"

"Huwag na ho, Aling Pinang," tanggi ni August.

"Ano bang huwag na? Iyon man lang ay maipambayad sa tulong mo sa amin. January, hija, bumaba ka na diyan at magsalo tayo sa merienda. Sige na, kahit sampung minuto lang. Magkakaibigan na tayo ngayon."

Class Picture Series 4 - January For AugustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon