Haiku

1.3K 0 0
                                    

Lingkaw ko’y pigîl:

may gagamba sa uhay,

bilot ang balang.

***

Ulilang lipad

ng tutubing karayom.

Takipsilim na.

Rogelio G. Mangahas

Ang dalawang tulang naririto’y mula sa Gagamba sa Uhay: Kalipunan ng mga Haiku (2006) ng malaong itinuring na isa sa “tungkong-bato” ng ikalawang bugso ng Modernismo sa Panulaang Filipino, si Rogelio G. Mangahas.  Interesante ang pagbaling ni Mangahas sa haiku sa panahong ito, lalo kung susubaybayang muli ang kaniyang akda bilang tagapanguna ng modernismo kasama sina  Lamberto Antonio at Rio Alma, at bilang isang nakikisangkot na makata noong panahon ng sigwa.*  Mula sa pangahas na panulaang marubdob ang pahiwatig at bisyon sa yugto ng maraming panlipunang pagkaluoy, itinuon ni Mangahas sa ikatlong aklat na ito ang pagbaling sa higit na matahimik na karaniwan at personal, bagay na masasaling sa bawat imahen at kislap-diwa na ipinakikilala ng mga haikung binigyan ng anyong Filipino ng makata.

May sariling padron ang haikung Hapon na tiyak na pinagbalunan din ng bait ni Mangahas sa kaniyang pagsasaling-anyo.  Naririyan ang mahalagang kigo, na pahiwatig ng pagbabagong-panahon.  Ang haiku sa tradisyong Hapon ay maituturing na pagninilay sa inog ng panahon, kung kaya’t ang kilalang danaw ni Matsuo Basho ay isang pahiwatig ng pagdatal ng tagsibol.  Naririyan din ang kireji na sa haikung Hapon ay nagsisilbing makapangyarihang anotasyon ng dating ng piniling imahen ng bagong panahon.  Nagsisilbi itong pihit na nagtatanghal di lamang ng sinasabi hinggil sa inog ng panahon, kundi pitik na rin ng kaisipang mamamalas habang tinatamasa ang paghuhunos ng kalikasan.  Sa ilang tala, ang kireji ay inilalarawan bilang antala (o sesura pa nga) upang ipakilala ang sumasagitsit na kislap-diwa.  Ang “—” o gatlang halimbawa sa saling ito ni Kenneth Rexroth ng palaka ni Basho ay mismong pagpapakilala ng pahiwatig: “An old pond—/The sound/Of a diving frog.”  Kuwit naman ang ginamit ni Ezra Pound, at onomatopeia, upang igiit ang kabaguhan sa paligid: “The old pond/ A frog jumped in,/ Kerplunk!”

Sa mahusay na pagsunod ni Mangahas sa nakamihasnang anyong 5-7-5 ng haiku upang ibalangkas ng kaniyang pagsasaling-anyo, hindi lamang pinatutunayan ni Mangahas ang kaniyang pagiging maestrong makata; itinatanghal din ng dalawang halimbawa rito ang kapangyarihan ng ating wika na makipagtalastasan sa ibang kultura [hindi na rin naman siguro ito ipagtataka, lalo’t kung iisipin ang kalapitan ng ating sinaunang anyo na diona (7-7-7, monorima), halimbawa, sa anyong ito].  Isinalin ni Mangahas ang inog ng panahon sa una bilang tag-ani, ang mahalagang yugto ng tag-araw sa Filipinas kung kailan tinitipon ang lahat ng ibinunga ng pagtatanim, pagbibinhi.  Ngunit sandaling natigilan ang kamalayan, pinigil ang kaniyang lingkaw:  sa pagmalas niya ng isa pang anyo ng anihan, wari bang nakilala niya rin ang kabanalan at halaga ng kaniyang sariling gawain at siklo ng pag-iral.  Sa unang taludtod pa lamang, ipinamamalas na ang di birong pamumuhay na ito, na higit na naging makinang, sa pagkakatagpo sa gagamba sa uhay.  Mahalagang yugto ng paghimpil, ng pagninilay ang tutuldok (colon) sa hulihan ng taludtod, na senyal hindi lamang ng pasuysoy na balangkas, kundi lalo na, ng mahiwagang talagang kaabang-abang.  Samantalang nagbabalon sa diwa ng kigo, binabalikan din ng pagsasa-anyong ito ng haiku sa Filipino, ang magalang na pananaw-diwa natin sa kalikasan, na matatagpuan sa mga tradisyonal na anyo ng bugtong at salawikain.

Ang pagmalas natin sa kamalayan habang humihimpil siya’t sumasaksi sa gagambang nagbibilot ng balang ay tigib ng aral hinggil sa katutubong pamamaraan ng pagbaling sa paligid at pasasalamat sa paglingap ng kalikasan.  Gayundin ang matatagpuang hiwaga at hinahon sa ikalawang haiku, na nagtatanghal ng pagtatapos ng araw, na isa pang mahalagang yugto ng siklo para sa tao.  Mahalagang sinekdoke ng danas ang “ulilang lipad/ ng tutubing karayom” sa paglalarawan ng hulagway ng takipsilim.  Ang huling taludtod ay hindi lamang pahayag ng kung ano ang umiiral, kundi pahayag din ng isang mahalagang diwa hinggil sa pag-iral, sa buhay.  May tibok ng lumbay ang haikung ito, isang tibok marahil ng pangungulila para sa maraming paglipas, ngunit hindi lamang katapusan (ng araw, o ng buhay)ang maaaring ipinahihiwatig nitong kislap-diwa.  Sa bawat pagsapit ng katapusan ay may naghihintay na pagsisimula, ng muling pagsisikap at pagsisikhay.  Sa pagbigkas ng persona na “(t)akipsilim na”, inihahayag niya ang kabatiran hinggil sa mga inog ng pag-iral na sadyang dumaraan at hindi maipagpapaliban.  Natatapos ang ikalawang taludtod sa tuldok dahil may gayong pagtanggap sa katapusan.  Ngunit may humahabol na pahayag, na senyal ng marami pang pagpapatuloy.  Ang “na” sa “(t)akipsilim na” ay panandang pamanahon, na nagpapagitaw ng susunod pang mga yugto ng pag-inog.

Natatangi ang pagsasaling-anyo na ito ni Mangahas dahil dinadala ng makata ang kamalayang Filipino sa isang anyong may sariling estetika at pananaw.  Sa pamamagitan ng pag-aanyo niya sa haiku sa wikang Filipino, ipinadarama sa atin ang diwa ng kigo at kireji sa pamamagitan ng pagbabago mismo sa kamalayan at sensibilidad na nagwiwika at nagbabahagi ng matulaing danas.  Filipinisado na ito.  Maaaring masabi na ang haiku ay isang paborito’t gamiting anyo sa maraming wika sa daigdig.  Ang totoo’y naging anyong pandaigdig na ito sa mula’t mula sa tindi ng impluwensiya nito sa di iilang makata tulad ni Pound, na sumalok ng birtud dito habang inaanyuan ang sarili niyang imahenismo.  Masdan na lamang halimbawa ang kaniyang tanyag na “In the Station in the Metro” (The apparition of these faces in the crowd;/ Petals on a wet, black bough.).  Isang makapangyarihang pamamaraan kasi ng pagtitig ang haiku, na nagtuturo, kapwa sa makata at sa mambabasa, ng masidhing pagninilay sa sarili at paligid.  Sa panahon ng sagitsit, pangangahas na ring maituturing ang pagdulog sa mga anyong pampanulaang tulad ng haiku, na humihingi ng konsentrasyon at pagtungtong sa nakahihindik na puwang ng ngayon, ng kasalukuyang puwang ng kamalayan at pagkamalay.

Pebrero 1, 2013

*Iminumungkahi ang pagbasa sa sanaysay-panayam na sinulat ko kasama si Giancarlo Lauro C. Abrahan, ang “Ang Tatlong Panahon ng Panulaan ni Rogelio G. Mangahas,” sa p. 237-263 ng Abad, Gemino H., editor. Likhaan 6: The Journal of Contemporary Philippine Literature, 2012.  Matatagpuan ang kopyang pdf nito sa http://icw.kal.upd.edu.ph/Documents/Journal%206.pdf.

Piling-pili: Pagbasa sa Ilang Tulang FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon