Awit-Pangmisa

379 0 0
                                    

Buksan ang aming puso;

Turuan Mong mag-alab.

Sa bawat pagkukuro,

Lahat ay makayakap.

Buksan ang aming isip;

Sikatan ng liwanag

Nang kusang matangkilik,

Tungkuling nabanaag.

Buksan ang aming palad;

Sarili’y maialay.

Tulungan Mong ihanap

Kami ng bagong malay.

Rolando S. Tinio, musika ni Eduardo P. Hontiveros, SJ

“Awit-Pangmisa” ang ipinamagat ni Rolando S. Tinio sa serye ng tatlong tula kung saan nagmumula ang tulang ito.  Pamilyar marahil na kantang-simbahan, lalo na sa panahon ng Kuwaresma.  Paborito itong pambungad lalo kung Miyerkoles de Ceniza o simula ng mga linggo ng pagtitika.  Inaawit din ito madalas kapag Semana Santa, at minsa’y nagtataka ako kung bakit.  Sabagay, sa himig pa lamang nito ng pagsuko, maaari nang mahiwatigan ang diwa ng panahong madalas na iniuugnay dito.  Ang hindi alam ng madla, ang titik ng awit ay tula ng isang napakahusay na makata, na higit na kilala sa kaniyang mga akdang eksperimental sa wika at kamalayan, ang “Valediction sa Hillcrest” at “Sa Poetry”.  Kung sa “Valediction” ay naghihimitok ang persona sa pagiging nasa pagitan ng pagnanais manatili sa banyagang lugar na inibig at sa pangangailangang bumalik sa bayan; at kung “Sa Poetry” ay nagtatangkang magpaliwanag ang persona hinggil sa kakatwang diwa ng paglikha, sa tulang ito naman ay nagdarasal ang persona, humihiling sa diyos na “buksan” ang masasabing tatlong aspekto ng kolektibong pamumuhay–ang puso, isip, palad.  Sa tatlong nakapagsasariling kuwarteto na may sukat na pipituhin (waring sa tanaga) at tugmaang salitan, inihahayag ng persona ang tila ba pagtatalaga sa sariling tumatalikod sa layaw at kamunduhan.  Ngunit kapag minasdan nang mas malapitan, hindi lamang ito karaniwang “awit-pangmisa” na isinusunod sa anda ng karaniwang pagsamba.  Lalo’t isinasaalang-alang ang panahon kung kailan ito madalas na awitin, maaaring masdan ang kaugnayan nito sa diwa ng Pasyon na “binasa” ng madla bilang pagpapalaya, sang-ayon halimbawa, kay Reynaldo C. Ileto.

Mabuting pagbatayan ang balangkas.  Sa tatlong saknong, nailalahad na ni Tinio ang proseso ng pagbabagong-loob na ninanasa ng persona para sa kaniya at kapwa.  Ang unang saknong na nagpapabukas sa puso at humihinging mapag-alab ito ay nagtutuon ng pansin sa kapwa, “sa bawat pagkukuro”.  Ang pagkukuro rito ay hindi karaniwang ugnayan, bagkus pagbabahaginan ng palagay, ng “kuro”.  Ang dasal ng persona ay “(l)ahat ay makayakap.”  Sa Pasyon, pinahalagahan ang kapatiran, ang pagyakap sa kapwa sa kabila ng pagkakabukod at kaibhan.  At bagaman bibihirang mabanggit ang “puso” bilang kaibuturan ng ugnayan, naroroon namang tinatalakay sa Pasyon ang dalumat ng loob, na sa paliwanag ni Ileto ay kinailangang malinis upang maging karapat-dapat sa kapatiran.  Ang pagiging “kapatid” sa isang “katipunan”, maaari’y katipunan ng mga kapwa mananampalataya, ay nangangailangan ng bukas na puso, at dahil nga roon, bukas na loob, upang handang dumamay sa lahat, at sa lahat ng oras.  Ang mabuting loob ay mapangyakap at mapangyakag tungko sa kaisahan, sa pakikiisa.  Sa relihiyosong pagbasa, ang pakikiisang ito ay hindi lamang pakikiisa sa sakit ni Kristo, bagkus, pakikiisa rin at pakikipisan sa mga kapatid sa kapatiran, “sa bawat pagkukuro”.  Ang pagbuwag sa muog ng loob ay pagpapatuloy. hindi lamang sa Kristo kundi sa kapwa.  Kaya’t bilang bungad ng awit-pansimbahan, sinisimulan ng tulang ito ang paglalakbay pabalik sa kaisahan mulang malaong pagkakawalay sa diwa ng kabutihan at katwiran.

Mahalagang dalumat din ang katwiran sa Pasyon, kaya’t ito ang kasunod na pinabubuksan ng persona sa kolektibong sarili.  Isang katangian ng bukas na loob ang makasumpong ng katwiran, ang landas ng buhay na matuwid.  At sa pagbubukas ng loob, animo’y sabay ding nabubuksan ang “isip”, nasisikatan “ng liwanag”, isa pang mahalagang imahen ng Pasyon na tila ilaw na naglalahad ng pagkamatuwid na inaapuhap.  Lahat ng dinadasal ng persona sa tula ay langing may anda (functions), at kung sa una’y itinutuon ang pagbubukas sa kapwa, sa ikalawa naman ay sa mga sarili, na hinihinging “kusang matangkilik/ [ang] (t)ungkuling nabanaag.”  Ganap na ganap ang pagtalikod dito ng tinig sa dating mundo, dating buhay.  Habang tinutunghan ang dinadalanginan, nasusumpungan ng persona ang liwanag na nagpabanaag sa tungkulin.  At ano ba iyon?  Sa ikatlong saknong matatagpuang hinihiling ng kolektibong tinig na buksan naman ang palad upang “sarili’y maialay”.  Bilang pagtulad sa ginawa ni Kristo sa kaniyang pasyon, ang pagbaling ng persona sa buhay ng pagbubukas ng loob, at pagbubukas ng isip, ay naunawaan niyang pagbubukas ng palad para sa paglilingkod.  Ang balangkas na pasuysoy ng awit-pansimbahan ay nagtatanghal ng isang proseso ng mga pagbubukas ng sarili na nagtatapos sa pagkakahanap ng “bagong malay”, para sa “kami” na ito, na lalong nagkakaroon ng kawastuhan kung babalikan ang ating pagtitig sa unang saknong.

Pakikiisa sa Kristo at sa kapwa ang naunang naganap sa unang saknong.  Matapos ng pagkakabuklod sa kapatiran at pakikipagkatoto sa diyos, natagpuan ng persona-bilang-kolektibong-tinig ang katotohanan ng kaniyang buhay–na mayroon siyang tungkulin na maglingkod at maialay ang sarili.  Sa huling saknong, mayroong paggigiit ng kahinaan sa paghingi ng tulong: “Tulungan Mong ihanap/Kami ng bagong malay.”  Ang mga pandiwa sa tulang ito’y pawang pataas ang direksyon (buksan, turuan, sikatan, tulungan), nagsusumamo sa banal na kapangyarihan at kabutihan ng kausap.  Bilang palagiang pambungad na awit-pansimbahan tuwing panahon ng Kuwaresma, napakayamang pintungan ng diwa ang tulang ito, na wari’y pagunita sa halaga ng malalim na pagninilay hinggil sa buhay at pakikipagkapwa sa mga panahong banal.  May pag-asang inaabangan ang persona, hindi lamang para sa kaniyang sarili, kundi para sa lahat ng kaniyang kapisan: nasa nilang lahat ang magkaroon ng “bagong malay”, ng higit na matalim na pagkilatis sa danas, marahil, o kakayahang magpairal ng katwiran sa lahat ng pagkakataon.  Ang Kuwaresma ay pagtatalaga ng sarili sa panahon ng pagdidili-dili, at ang lahat ng ito’y nakatuon sa paglilinis at paghahanda ng loob para sa mga darating na pagsubok at tagumpay sa buhay.  Noong Panahon ng Rebolusyon, nahiwatigan ni Ileto sa mga sulating rebolusyonaryo ang kung papaanong tinupad ng mamamayan ang paghahanda sa kanilang loob, sa gabay ng diwa ng Pasyon.  Ang “bagong malay” ay sinekdoke lamang ng pagbabagong-loob na kailangan sa pagnanasang mabago ang paligid, lalo na ang bayan.  Sinasabi lamang, sa una’t huli, na ano mang pagbabago ay nasisimula sa sarili.  At sa liwanag ng mga sulatin ni Ileto, gayundin marahil ang kailangan sa pagbago sa sariling malay sa buhay-Filipino.

Pebrero 19, 2013

Piling-pili: Pagbasa sa Ilang Tulang FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon