Sa UP Diksyonaryong Filipino (2010), ang tala ng madalas gamiting salita na “oyayi” ay ito:
o-ya-yi pang Lit Mus: awit pampatulog ng bata o sanggol var uyayi.
Mayroon itong iba pang katawagan sa Filipinas: adiyadi, alo, aloy, ambay, arulyo, bombo-man, buwabuwa, duayya, emaga, hele, hili, holoholo, horlohorlo, huluna, laylay, lullaby, tami, tareran, tumayla, ugoy-ugoy, wiguwi.
Nakagawian nang gamitin sa mga sulatin ang “oyayi” ngunit isang nakamamanghang tuklas ang sari-sari nating katawagan sa “pampatulog ng bata” na ito. Lahat ay may katangiang nakapagpapapanatag dahil sa ritmo mismo at bigkas na tila isinasakatawan ang pag-alo, paghele. Kinestetikong halos lahat ng mga salitang ito, at mayroon ding katangiang awditoryo sapagkat bahagi nga ng pagpapatulog ang “pag-awit” sa bata. Sa antolohiya ni Damiana Eugenio, ang mga natipong “lullabies” ay karaniwang nalalakipan ng areglo bilang gabay sa pag-awit o pagtugtog. Samantalang ikinakategorya ang oyayi bilang “non-narrative folksongs” ni Eugenio, minamahalaga ito sa panulaan bilang unang anyo ng tula na nagpapakilala sa bata, hindi lamang ng musika ng katutubong wika at pahayag, kundi pati na rin ng likas na harayang nag-aanyo rito.
Para ngang may kamalian din ang sinasabing pagiging “non-narrative” ng mga awiting ito. Masdan halimbawa ang Tagalog na “Meme na bunso ko,” na bagaman nakasandig sa ulit-ulit na hikayat sa pagpapatulog sa bata–na siyang pangunahing katangian ng oyayi–makikitang may paglalahad naman ito hinggil sa uri ng pamilyang pinamumuhatan ng bata:
Meme na bunso ko
Ang tatay mo’y wala rito
Nagpunta sa ibayo
Bumili ng puto
Ipakakain sa iyo.
Matulog ka na bunso
Ama mo’y malayo
Hindi ka masundo
At may buwaya sa pulo.
Madaling basahan ng patriyarkiya ang pamilyang ito, na may tatay na “wala rito”, “malayo”, na tila kailangang maghanap-buhay upang makabili ng putong “(i)papakain sa iyo.” Ngunit interesanteng pihit ang paglitaw ng panakot, na siyang isa pang katangian ng oyayi sa ikalawang saknong. Dahil nga “malayo” ang ama, ipinaliliwanag ng tinig-ng-nagpapatulog (tiyak na sa ina) kung bakit “hindi ka masundo”: “(M)ay buwaya sa pulo.” Totoo, talagang panakot na pigura ang buwaya sa mga batang hindi nagpapaalo at tumatangging mahimbing. Ngunit ang mga buwaya mismo’y isang mahiwagang pigura ng mga mito na kilala sa kanilang ilahas na pagkukubli at marahas na paninila. Sa Noli Me Tangere, isang mahalagang talinghaga ang pakikipaglaban nina Elias at Crisostomo Ibarra sa buwaya sa eksena ng piknik sa lawa sapagkat tila ba itinatakda na nito ang mga palad ng pagkasawi at pakikipaglaban na pagsasaluha ng dalawa. May isang alamat yata ng buwayang bantay ng Ilog Pasig, at iginagalang at kinatatakutan ang espiritu ng buwayang ito, hindi dahil sa balasik kundi sa mabathalang kapangyarihan nito na nangagalaga sa tubigan. Ibang usapan na ang pagdadawit sa buwaya sa mga panahong ito dahil iba na ang pakahulugan natin sa kanilang “presensiya”, lalo sa mga institusyon sa pamahalaan. Ngunit sa isang tumaila, ang oyayi, para sa mga Kapampangan, isa ring kapamilyang reptilya ang mababanggit, na inaawit daw ng mga lola na naaatasang mag-alaga ng mga apo:
Matudtod na ka bunso
Magpiyak kang mapailu,
Pota kuanan na ka ning tuko
Suli ra kang tutubo.
Matulog ka na bunso,
Ipikit na ang mga mata;
BINABASA MO ANG
Piling-pili: Pagbasa sa Ilang Tulang Filipino
NonfiksiNagsimula sa tinatawag niyang "Proyekto Siyento: 100 araw, 100 tula" sa kaniyang blog, ang mga sanaysay sa aklat na ito ay pagmumuni at paglapit ni Louie Jon A. Sanchez sa piling-piling tulang Filipino, mula sa mga katutubong anyo, hanggang sa mga b...