Tanaga

793 1 0
                                    

Noong unang panahon, may pumili ng anyong may sukat na pipituhin, monorima, at winikang

Catitibay ca tolos

sacaling datnang agos!

aco’i momonting lomot

sa iyo,i popolopot.

Sinasabing noong panahon ng rehimang Marcos, naging gamitin ang tanagang ito upang katawanin ang adhikang politikal ng mga manunulat. Ngunit sadyang kakikitaan na ito ng subersyon noon pa mang mga panahon nito. Malinaw sa imahen ang tagisan sa isang katawang-tubig—isang tulos na nagmamatayog, kahit sa pagkakatanim sa ilalim ng tubigan. Maliit ang nagsasalita, “aco’i momonting lumot.” Nagsasalita ang mumunting lumot na ito, at nakaabang sa kaniyang ganap na pagsama sa darating na agos. Kung pakikinggan ang himig ng salita, pawang malulumay ang mga panghuling pinagtugmang salita, na senyal ng matama’t kalkuladong pag-aabang ng lumot sa tamang panahon ng pagdating ng agos, at pagpulupot sa naghaharing “tolos” sa kanilang uniberso ng katubigan. Walang pagmamadali, ang banta pa ay “sacaling datnang agos!” Walang kasiguruhan kung kailan, ngunit may kabatirang darating ang panahon—ang tamang panahon. Ngunit sa kabila nito, ang tanging pagkilos na marahas ay maaaninaw sa pagpulupot matapos “datnang agos”. Kaugnay na salita ng pulupot ay pagkayap, na isang salita ng pag-aaruga, at pagsabit, na siyang lohikong kalalabasan ng munting lumot, sakaling mapasama sa daloy patungo sa tulos. Pupulopot ang lumot sa tulos, at dahil nga isa itong tubigang malumot—maaari’y lawang tabang na pinapangisdaan—hindi lamang ang munting ito ang dadating kasama ng agos kundi ang kabuuang katawan nito na malaong namuhay sa iba’t ibang dako ng tubigan. Papaanong makaiiwas ang “tolos” sa bigat ng nagtumpok na lumot? Bibigay at lulubog tiyak ang nagmamatayog. Aral ito sa pagmamataas kung susuriin ang tagisang “munti” at “tulos”—ng marhinal at ng nakatindig.

Sa maagang kamalayan ng mga Tagalog, may ganito nang dikotomiya na maaaring maglarawan sa mga sinaunang pagpapahalaga. Mayroon din itong sinasabi hinggil sa kakayahan ng kamuntian na lagpasan ang kaniyang kalagayan. Kung higit na bubulatlatin ang maagang tula na ito, makikitaan natin ng hibo ng pagninilay at tiyakang pag-aaklas ang malay ng nagkokomentaryo hinggil sa isang uri ng pagkamakapangyarihan. May kabatiran din sa kaniyang kamuntian ang lumot, dahil batid niyang may tamang panahon, hindi lamang ang pagpulupot, kundi ang pagpapatumba sa tulos. Hindi pa sa ngayon, ngunit sa darating na panahon, mapupuspos sa lumot ang tulos, at mabibigatan. Kapag nangyari ito, mabubuwal ito mula sa pagkakatanim sa tubigan, at mawawalan ng saysay, sapagkat marahil, isa itong tungkod ng palaisdaan. Malay din sa isang uri ng balangkas ang tanagang ito, na mayroong isang ideyang ipinakikilala sa unang linya: “Catitibay ka tolos/sacaling datnang agos!” Isang pahayag na nanghahamon. Sususugan ito ng isang buong ideya na higit na makapagpapalitaw ng kondisyon ng pagmumungkahing maging matibay—“ aco’i momonting lomot/sa iyo’i popolopot.” Sa tradisyonal na balangkas, makikita natin ang isang anyong pasuysoy. Isang buong ideya ang ipinadirinig ng unang pangungusap na naihanay sa dalawang saknong. Suportado ang pahayag ng sumunod na dalawang saknong, na siyang higit na paliwanag sa panghahamon ng maliit. Gustong-gusto ko ang himig ng pinili ng tinig para rito: sa uri ng protestang ginagawa nito, wari bang itinatakda rin ang isang katapangang napakamaparikala—naririto ang lumot na nanghahamon! Ngunit may kapangyarihan ang kaniyang salita, may bisa. Ang balintuna rito ay ang mismong pangungutya na hindi natin inaasahan mula sa ganoong kamunting nilalang.

Marami pang mabubulatlat sa usapin ng anyo, at iginigiit lamang naman nito ang katotohanang isang malaking kahingian sa ganitong uri ng pagwiwika ang kasanayan sa pag-aanyo ng pahayag. Sa ating sinaunang kamalayan, nakaimprenta na ang ganitong mga balangkas na sinusunod sa bawat paglalaro ng salita. Batid ng ating mga katutubo ang ganitong anyo sa bawat pahayag, at naisisilid nila ang kahit ano mang nais ipabatid dahil buhay sa kanila ang pagpapahalaga sa anyo. Ang halaga kung gayon ng anyo, sang-ayon sa turo ng kasaysayan, ay ang bisa nito sa kahit anong pahayag. Kung matututo tayong ihanay ang ating sariling sining sa mga subok na batas, sa mga panuntunang makasining, maaari nating mapanagumpayan ang hiwaga ng salita, at mula rito’y makatuklas ng panibagong mga lapit at pamamaraan ng pangungusap. Hindi kung gayon dapat pinagtatalaban ang anyo, na madalas ipanig sa pagiging makasining, at ang nilalaman, na sa ilan ay probinsiya ng mga nagpapahalaga sa pakikibaka. Kailangan nila ng isa’t isa upang maganap, matandaan, at maunawaan. Ang bisa, sa aking palagay, ang magiging sukatan ng kung papaanong napagtagpo ang dalawang ito sa konteksto ng pagsulat. At ang bisa ay hindi lamang sa dali at bilis ng dating nito sa kaniyang kinakausap, kundi maging sa kasiningang naging sisidlan nito sa pagpaparating ng “ibig sabihin”. Kailangan munang magkaroon ng dalumat ng balangkas, ng daloy, bago magkaroon ng dalumat. Kung hindi’y maaaring ikapariwara ito ng malikhaing karanasan at ng mismong mesahe. Maging ang posisyon ay humihingi ng isang anyo na mahusay na makapagpapakita ng katayuan. Lahat ay pawang dumaraan sa andang ito. Kung walang anyo, walang sining. Kahit naman ang abstraktong pinta’y mayroong perspektiba na pinamumuhatan ng pagsasaanyo nito. Laging nasasangkot ang manunulat sa pagsasaanyo, sa paghagilap sa pinakatama, pinakamabisang anyo ng pahayag.

Disyembre 17, 2011

Piling-pili: Pagbasa sa Ilang Tulang FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon