NAKARAAN

5 3 1
                                    

Ibalik natin ang nakaraan,
Kung saan tayong dalawa ay kapwa pa nagmamahalan.
Kung saan ang ating mga puso ay puno pa ng kaligayahan,
Kung saan wala pa tayong sakit na nararamdaman.

Ibalik natin sa mga panahong mahal pa natin ang isa't isa,
Sa panahong nililigawan mo pa ako at sinagot kita.
Sa mga panahong ako pa ang dahilan ng mga ngiti sa iyong mukha,
At sa panahong sinabihan mo ako ng "ikaw lang, wala ng iba pa".

Akala ko talaga walang iba,
Ngunit nagkamali ako nang pinaniwalaan kita.
Dahil ang lahat ay biglang nag iba,
At ang bawat "AKO" ay napalitan na ng "SIYA".

Siya na ang iyong inspirasyon,
Siya na ang kausap at kasama mo buong maghapon,
Siya na ang babaeng sinabi mong binigay sa iyo ng Panginoon,
At higit sa lahat, siya na ang iyong NGAYON.

Ako naman, ako ang iyong NAKARAAN,
Na hindi makausad at nananatili lamang sa kinatatayuan.
Sapagkat ayaw tanggapin ng aking puso't isipan,
Na ikaw ay tuluyan ng lumisan.

Pero simula sa araw na ito susubukan ko ng kumawala sa kuwadra,
Ihahakbang ko na ang aking mga paa sa destinasyon kung saan wala ka,
Tatanggapin ko na ang katotohanang ikaw ay isa na lamang alaala,
Sapagkat ang nakaraan ay hindi na muling maibabalik pa.

(2020)

Lipon Ng Mga TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon