Pag-ibig ng Aswang

2K 64 15
                                    

Sinagtala

Ika-Abril 22, 1980

"Tala! Tala!"

Inis kong kinamot ang leeg ko at binalingan ito ng tingin. "Ano ba iyon, Riri? Sinabi ko na nga sa iyo na bawal akong pumunta sa kung saan-saan! Pagagalitan na naman ako ni Nanay, e."

Napanguso ito at sinimangutan ako. "Bakit ba? Malapit lang naman ang plaza. Diyan lang naman tayo, a!" ganting sigaw nito sa akin at hinablot ang hawak-hawak kong libro.

Itinapon niya iyon sa lupa kaya't nanubig ang aking mga mata. Tumayo ako at ambang sasabunutan ito nang sitahin ako ni Nanay.

"Ano 'yan, Tala? Nag-aaway na naman ba kayo?" sigaw ni Nanay habang ang atensiyon ay nasa niluluto nitong bananaque.

Hindi na lamang ako sumagot, pero humalukipkip ako at tinarayan ang aking pinsan.

"Alis nga rito. Napaka-uhugin mong bata." Tinuro ko ang mga nagkalat na natuyong sipon sa itaas ng labi nito at natawa.

Doon ay dumating ang iba ko pang pinsang mga bata rin tulad ko.

Tulad ni Riri, niyaya rin nila akong magpunta sa plaza. Nais kong tumutol dahil kakagala lang namin kanina ay yayayain na naman nila ako.

Napagalitan na nga ako ni Nanay dahil umabot na kami sa kabilang baryo kanina. Hindi pa rin sila nadadala sa galit ni Nanay kanina sa amin dahil sa pagiging gala.

Ngunit sa huli ay nagawa akong itakas at itakbo palayo ng aking mga pinsan sa bahay namin, makapunta lamang sa plaza, kung saan kami palaging naglalaro.

Sa edad kong sampung taon ay ngayon ko lamang naranasan ang ganitong karanasan dito sa probinsiya ng aking Nanay Olly. Masaya pala ang buhay rito sa probinsiya bilang bata, napakaraming mapupuntahan at malalaruan na kung ano-ano...

Nagtakbuhan kami sa plaza nang makarating. Ngunit si Isa ay bigla akong hinila papunta sa tapat ng bahay ng kapit-bahay nila na hindi ko kilala.

"Ano ang gagawin natin dito?" takang tanong ko sa aking mga kasama na tila takot na takot. Pasilip-silip ang mga ito sa gate ng tila haunted house.

Tiningnan ako ni Inah at kinapitan sa braso. "May nakatira riyan na aswang, Tala! Mamamatay-tao raw sila, sabi ni Itay!"

Nanlaki ang mga mata ko. Paniwalang-paniwala sa sinabi nito dahil sa murang pag-iisip.
"Talaga? Ngayon ko lang narinig ang tungkol sa aswang," wika ko't nakisilip na rin. May mga siwang ang bakal na gate ng bahay na iyon kaya't kitang-kita ang loob.

Walang katao-tao. Nakakatakot...

"Ano ang ginagawa ninyo rito?"

Lahat kami ay nagtilian nang may magsalita mula sa likuran namin.

"Hoy, aswang!" biglang sigaw ni Isa sa lalaking tila mas matanda lamang sa amin ng ilang taon.

Naiwan akong nakatayo roon nang magsikuhanan ng mga bato ang aking mga pinsan.

Kaya't nabaling sa akin ang tingin ng binatang lalaki na seryoso ang mukha. Bakas sa mukha nito na hindi niya nagustuhan ang aming presensiya sa tapat ng bahay niya.

"Magsialis nga kayo rito!" sigaw nito habang nakatitig sa akin kaya't nanubig ang aking mga mata.

Nagulat na lamang ako nang may tumamang medyo may kalakihang bato sa lalaki na ikinaatras nito.

Bawal na Pag-ibig Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon