Hiwaga ng Pag-ibig

1K 40 6
                                    

Crescent

“Crescent, huwag kang lalayo sa amin! Dito ka nga lang!”

Sinulyapan ko lang saglit ang napipikon nang nakatatandang kapatid ko na si Hades, saka ipinagsawalang bahala ang mga sinabi nito. Ngumiti lamang ako sa kawalan.

Agad ko ring ibinalik ang atensiyon sa lagusan na siyang nagdadala sa mga Engkanto sa mundo ng mga tao—iyon ang palagi kong naririnig sa aking dalawang lalaking kapatid na siyang kinaiinggitan ko. Alam kong nagsasaya sila roon sa tuwing pupunta sila sa mundo ng mga tao, at dahil sa ako’y babae ay kahit kailan ay hindi ako pinayagang sumama sa kanila ni minsan. Nakakapanibugho lamang dahil nais ko ring maranasan ang magsaya sa ibang mundo. Palagi na lamang akong naroroon sa nakababagot na palasyo ni ama at pinagsisilbihan ng mga alipin. Hindi ko naman nais ang ganoong buhay magpakailanman.

At iyon ang dahilan kung bakit sumama ako ngayon sa aking mga kapatid dito sa tabi lamang ng lagusan. May hinahanap daw kasi silang isang uri ng halaman na may kakaibang taglay, kaya naparito sila.

“Ano ba, Crescent! Napakatigas talaga ng ulo mo! Huwag ka sabing lalapit diyan sa lagusan at baka pagsisihan mo!” narinig kong sigaw naman ni Eliseo—ang sumunod kay Hades—nang mapansin na unti-unti akong dumidikit sa nagliliwanag na lagusan.

Lumabi ako’t ipinagdikit ang mga kilay dahil naiinis na ako.

Nais ko namang maranasan ang saya!

Sa huli ay hindi na ako nagsalita pa. Itinuon ko na lang ang atensiyon sa pagtingin-tingin sa mga halamang nasa paanan ko. Inis akong napapadyak, saka pinasadahan ng tingin ang karwahe na siyang sinakyan namin papunta rito.

Kumikinang iyon dahil nasisinagan ng liwanag, ang gintong karwahe ng aming palasyo.

Muli ay narinig ko na naman na sumigaw ang aking nakatatandang kapatid na si Hades, na ikinainis ko lalo.

“Ano bang klaseng prinsesa ka? Ngayon pa lang ay nagpapakita ka na ng katigasan ng ulo, at makakarating ito kay ama. Sinasabi ko sa ‘yo, Crescent. Mapanganib ang mundo ng mga tao, lalo na para sa iyo na mangmang pa pagdating sa kanila. Kaya kapag dumikit ka pa riyan sa lagusan ay makikita mo ang hinahanap mo.”

Hindi ko na natiis ang sarili at inirapan na ang aking panganay na kapatid, ang susunod na magmamana ng trono ng aming ama.

“Huh! Mapanganib pala, kung gayon ay bakit pa kayo pumupunta roon?” naninibughong sambit ko at humalukipkip. Pinaningkitan ko sila ng mga mata nang makitang natigilan silang dalawa sa ginagawa. “Ha, alam ko na. Siguro’y may iniibig kayong tao roon kaya panay ang punta n’yo, at hindi man lang kayo pinagsasabihan ni ama dahil ganoon din naman ang ginawa niya sa ating ina noon,” dagdag ko pa na ikinaseryoso na ng kanilang mukha.

Bakit kailangan pang magmula sa ibang mundo ang nais nilang maging kabiyak?

Matiim nila akong tiningnan na tila ba natamaan sila sa sinabi ko. Huh! Kung ganoon nga ay sumusunod sila sa yapak ng aming ama. Pero bakit ako ay bawal? Dahil ba sa babae ako at mukhang lampa’t mahina?

Nagngalit ang aking bagang sa isiping iyon. Hindi naman ako ganoon!

At tila napansin nila ang pagdilim ng mukha ko dahil sa biglaang pag-abante nila upang sana’y aluhin ako. Pero huli na dahil agad akong nagpatangay sa napakaliwanag na lagusan, hindi pinansin ang narinig kong pagtawag nila sa aking ngalan.

Tila ako hinigop ng malakas na puwersa, ni hindi ako nakagalaw, hanggang sa marinig ko na lamang ang huni ng mga kakaibang ibon.

Napanganga ako nang maimulat ang mga mata. Una kong sinuri ang aking katawan dahil napansin ko ang pag-iba ng buhok ko na noo’y kulay ginto, ngayon ay naging kasing-kulay ito ng kadiliman ng gabi. Mariin kong kinapa ang pisngi dahil tila ako nananaginip lamang.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 23, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bawal na Pag-ibig Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon