Pag-ibig ng Engkanto

1.3K 53 12
                                    


Ligaya


"Mahal kong ligaya..."

Kunot-noo akong napatingin sa lalaking kaharap ko. Napamaang pa ako dahil hindi ko kilala ang hitsura nito, ngunit masasabi kong nakaka-mangha ang kagandahang lalaki nito.

Mas matangkad ito kumpara sa akin dahil sa pagkakatingala ko rito. Wala itong suot na pang-itaas, dahilan upang lumantad sa akin ang mabatong tiyan nito. Ang suot nitong pang-ibaba ay isang short na itim, wala ring sapin ang mga paa nito.

Napaiwas ako ng tingin sa lalaki nang mapansin ko ang mga masasayang ngiti na ibinibigay niya sa akin. Naguguluhan ako, nasaan ba ako? Sino ang lalaking ito?

Inilibot ko ang tingin sa paligid namin. Sinubukan kong intindihin ang hitsura ng paligid namin, ngunit malabo iyon at hindi ko maipaliwanag. Tanging maputlang kulay pink lamang at kulay berdeng damo na inaapakan ko ang naaaninag ko, wala ng iba pa.

Kahit na naguguluhan ay hindi ko alam sa sarili ko kung bakit ginantihan ko ng masayang ngiti ang lalaking kaharap. Tila ba magaan ang loob ko rito at masaya ako, kahit na hindi ko naman kilala ito.

Nawala ito sa tapat ko, at sa isang iglap lamang ay nakita ko ito sa tabi ko.

Pakiramdam ko ay lumulutang ako habang nag-uusap kami na tila ba matagal nang magkakilala. Nakikita ko na lamang ang sarili ko na tumatawa sa mga sinabi nito at nakikipag-biruan pa rito.

Naguguluhan ako...

Nabigla ako nang makita ko ang sarili na nagising sa higaan, ang higaan na hinigaan ko bago ako mapunta sa panaginip kong ito!

Ang ikinataka ko ay kung bakit... ang kumot ko ay naka-pabilog sa ilalim ko, habang ang katawan ko ay nasa gitna n'yon. Ang dalawa kong mga kamay ay nasa uluhan ko, tila ba ginahasa ako dahil sa hitsura ko.

Takang-taka ako dahil pa-paanong napunta sa ilalim ko ang kumot kong ipinangta-takip sa katawan, at naka-pabilog pa sa ilalim ko? Hindi naman ako malikot matulog!

Nabigla na lamang ako nang mapunta ako sa isang gubat na masukal, pamilyar iyon sa akin kahit na may kaunting pagbabago sa hitsura n'yon!

Nakita ko ang sarili na tumatakbo habang may humahabol sa akin na isang itim na usok na pormang katawan ng tao. Hindi ko alam kung saan tutungo at magta-tago sa mga oras na iyon.

"Tama na, paki-usap!"

Pagka-sigaw ko'y napamaang na naman ako nang biglang mag-iba ang paligid.

Sa isang iglap ay napunta ako sa kuwarto ko. Nakita ko ang sarili na nakatayo sa tapat ng maliit kong bintana. Kitang-kita ko ang medyo may kalawakang gubat sa puwesto kong iyon, ngunit ang gubat din na iyon ay napaliligiran na ng mga kabahayan.

Kay ganda ng hapon na iyon, ngunit sandali akong natigilan nang mapansing may maitim na usok na hugis tao ang nagta-tago sa gilid ng isang bahay sa 'di kalayuan.

Napamaang ako at agad na isinara ang bintana dahil sa matinding takot.

"Sa akin ka, Ligaya. At darating din ang oras na kukuhanin kita sa mundong kinalakihan mo..."

Isang malakas na singhap ang namutawi sa bibig ko nang magising ako mula sa bangungot na iyon.

Ang bangungot na matagal ko nang iniinda...

Pinakalma ko ang sarili at huminga nang malalim.

Nang idilat ko ang mga mata ay bumungad sa akin ang kadiliman ng aking kuwarto.

Bawal na Pag-ibig Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon