Chapter 1

820 60 4
                                    

ONE LAST CHANCE
CHAPTER 1

MICH

Ang init ng araw ang bumungad sa akin pagkalapag ng eroplanong sinakyan ko. Parang na sa loob ako ng oven dahil sa init ng panahon. Kakatapos lang ng summer, ʼdi ba? Pero bakit parang lumalapit ang araw at sa Pinas lang?

Hinila ko na lang ang maleta ko nang makuha ko ʼto at lumabas sa naturang airport. May nakita naman akong signboard na nakasulat ang pangalan ko kaya lumapit ako roon at ibinaba ang suot kong shades.

“Sinong Michael ang hinihinta ninyo?” ang tanong ko. Malay ko bang mayroon pang nakasakay sa eroplano na kapareho ko ng pangalan.

“Michael Angelo Valente, Sir,” sabi ng isa na may hawak ng signboard. Dalawa silang nandito ngayon na nakasuot ng pormal.

“Okay, Iʼm Michael Angelo Valente,” pakilala ko. Siguroʼy hindi nila ako kilala at ganoʼn din naman ako sa kanila dahil kung kilala na nila ako ay hindi na nila kailangan pang humawak ng signboard para mahanap ako. “Letʼs go. Masyadong mainit dito,” sabi ko at nauna nang maglakad.

“Sir, kami na po magdadala ng gamit ninyo.” Lumingon ako rito. Binitiwan ko naman ang pagkakahawak ko sa hawakan ng maleta.

“Ingatan ninyo iyan dahil may babasaging gamit diyan.” Sabay naman silang tumango.

Nakarating kami sa parking lot at agad nilang inilagay ang gamit ko sa likod ng mamahaling kotse na hindi ko naman pagmamay-ari. Kasama ko dapat ang asungot na ʼyun sa pag-uwi ngunit sinabi niyang bukas pa ang flight niya dahil hihintayin pa niya ang mga papeles namin para makapag-enroll sa isang University rito. Hindi na lang ako nagreklamo dahil simula pa lang na magkasama kaming dalawa sa condo ay hindi na ako makaangal dahil palaging siya ang nananalo.

Tumingin ako sa labas ng bintana kung saan nakasakay na ako sa likod at ʼyung dalawa na sa harap, nagmamaneho ang isa at na sa front seat naman ang kasama niya. Nasa daan na kami papauwi sa bahay. Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ʼyun, tiningnan ang oras at magaalas-dyes pa lang nang umaga.

“May dadaanan lang tayo bago umuwi,” sabi ko sa dalawa. “Ituturo ko lang ang dereksiyon,” dugtong ko nang mapatingin silang dalawa sa rear view mirror. “Nga pala, anoʼng mga pangalan ninyo? Bago ba kayo?” Ngayon ko lang din kasi sila nakitang dalawa. Malamang ay baguhan kaya hindi nila ako nakilala agad.

“Ako po si Blue at siya naman po si Red,” ang pakilala ng nasa front seat.

“Blue at Red?” nagtatakang tanong ko dahil sa mga pangalan nila na kulay pareho.

“Opo. Magkapatid po kasi at kambal pero hindi po identical,” sagot nang nagmamaneho, si Red.

Napatingin naman ako sa rear view mirror dahil sa sinabi nito at pinagmasdan ang kanilang mga mukha. Si Blue ay maputi habang si Red naman ay may kaitiman, ngunit pareho silang may matangos na ilong. Hindi nga lang talaga sila magkamukha, may makapal na kilay si Blue habang si Red ay hindi gaanong kakapal, malaki ang mga mata ni Red na bagay rin naman sa kaniya, habang singkit naman si Blue.

“At, bago lang po kami sa serbisyo bilang driver. Dahil ang dati ninyo pong driver ay nagretiro na dahil sa katandaan.” Tumango-tango lang ako bilang sagot. Dalawang taon akong nawala kaya malamang ay marami talaga ang magbabago rito.

Itinuon ko na lang sa daan ang pansin at nang malapit na kami sa dadaanan namin ay itinuro ko iyon sa kanila. Alam kong nandoon siya dahil hindi naman siya mahilig gumala. Wala rin naman siyang pasok dahil sa susunod na linggo pa ang klase. Tinuro ko ang two storey house kaya nag-park ang kotse sa harap nito mismo.

One Last Chance (Boyxboy) [Published Under PIP Publishing House]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon