Hurricane
Dahan dahan kong minulat ang aking mga mata matapos maramdaman ang sinag ng araw. Dahan dahan akong umupo sa kama at nakaramdam ng pananakit sa aking likod at ibang bahagi ng aking katawan. Ngunit hindi ko ito napagtuunan ng pansin dahil ang kuryosidad ay mas nanaig sa aking isipan.
Ipinalibot ko ang aking mga mata sa paligid at tahimik lamang na nagmasid. Mula rito ay tumambad sa akin ang puting kisame at napakalawak na kuwarto.
Nasaan ako? Anong lugar ito?
Napapikit akong muli at napahawak sa aking ulo dahil sa labis na pagkirot nito. Gusto kong sumigaw ngunit nanghihina ang aking katawan at nais muling humiga sa malaking kama na kinaroroonan ko ngayon.
Ilang saglit pa'y bumukas ang pintuan at bumungad sa akin ang magandang babae na sa tingin ko'y isang katulong. Nangunot ang aking noo dahil sa kaniyang ekspresyon. Nanlaki ang mga mata nito at naihulog ang mga damit na kanina lang ay maayos ang pagkakasalansan.
Dali dali itong lumabas ng pintuan at sumigaw.
"S-senyorito! Senyorito. Gising na po ang inyong kasintahan."
"Sand--" Hindi ko magawang tapusin ang mga salitang nais kong isatinig dahil sa naramdaman kong panunuyo ng aking lalamunan.
T-ubig. Kailangan ko ng tubig
"Senyorito! Si senyorita ay gising na." Patuloy pa rin sa pagsigaw ang babaeng pumasok dito kanina.
Hindi ko maintindihan kung bakit ako nandito. Ang huli kong naaalala ay bumabyahe ako pauwi sa Surigao, lulan ng barko.
Nasa gitna ng paglalayag ay tinawagan ako ni Josh na may bagyong paparating at binilinan akong h'wag munang umuwi. Pero nandoon na ako at nakita ang sarili na pinapanood ang mga tao na nagpapanic dahil sa malakas na alon at pag-ulan.
Napabuntong hininga ako nang maalala ang nangyari.
Akala ko'y katapusan ko na.
Hindi ako marunong lumangoy at mas lalong hindi kapani-paniwala na nakaligtas ako.
Nakauwi na ba ako sa Surigao? Nagpalit na ba ng katulong si mama?
Nasagot ang aking katanungan nang biglang pumasok dito sa loob ng kuwarto ang lalaking hindi ko kilala at kasunod nito'y ang babae kanina.
Hindi ko sila kilala. Hindi nagpalit ng kasambahay si mama at mas lalong wala pa ako sa Surigao!
Kung nasa normal na sitwasyon lang ako ay kanina pa ako nagwala sa sobrang kilig dahil sa mala-model na lalaking 'to.
"How are you, wife?"
Nanlaki ang mga mata ko at natulala ng ilang segundo.
Muntik lang ako mamatay pero hindi naman ako nagka-amnesia!
Gulong gulo ang aking isipan. Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata ngunit wala akong mabasa na kahit anong emosyon mula dito.
"W-ife?" tanong ko.
At ang simpleng pagtango niya lang ay sapat na para magimbal ang aking buong pagkatao.
---
@_isinagtala
![](https://img.wattpad.com/cover/233556034-288-k481209.jpg)
BINABASA MO ANG
Hurricane (Red Lady Series #2)
RomanceHurricane "She lived with hurricane eyes and he fell in love with the way the waves collapsed onto her cheeks."