Halos dalawang linggo ding nanirahan si Leviathan sa bahay ni Adan at sa mga panahong iyon, nahulog na ang loob niya. Wala pa kasing ibang tao ang nagpakita sa kanya ng ganitong kabaitan.
Tinuturuan din siya ng lalaki kung paano magluto at minsan ay kung paano gumawa ng patibong para sa mga hayop na kanilang pwedeng ulamin.
Unti unting sumaya si Leviathan sa piling ni Adan ngunit natatakot pa rin siya na maging mag isa ulit. Hindi niya sinabi kung anong nararamdaman niya para sa binata.
Bawat araw ay matatamis na ngiti ang ibinubungad sa kaniya ng lalaki. Inalagaan siya nito kahit na ang itsura ng dalaga ay madalas pinangdidirihan ng lahat. Ayon kay Adan, ang panglabas na kaanyuan ay di dapat agad na hinuhusgahan.
“Levia, dito ka lang. Aalis muna ako”
Tulad ng nakagawian na nilang dalawa. Aalis si Adan kapag ala otso na ng umaga at babalik siya kapag alas diyes na. Ipinagbibili kasi niya ang mga tanim niyang gulay at prutas. Ang kinikita niya ay pinangbibili niya ng manok o ng baboy. Samantalang si Leviathan naman ang magluluto ng pagkain at maglilinis ng bahay.
Para na nga silang mag–asawa dahil dito. Wala nga lang relasyon ang namamagitan sa kanilang dalawa.
Naisipan na rin ni Leviathan na aalis siya doon kapag maayos na ang kalagayan niya ngunit swerte rin siya dito. Hindi na niya kailangang mamulot ng mga itinapon na pagkain. Hindi niya na kailangang mangalkal sa basurahan ng mga gamit na maayos ayos pa para sa kanya. Hindi niya na rin kailangang manghingi ng mga lumang damit upang may maisuot sa araw araw.
‘Alas diyes na ng umaga pero wala pa rin si Adan’
Ala una na ng tanghali at tsaka lang umuwi ang binata. Mayroong kakaibang ngiti sa kanyang mukha, para bang nanalo siya sa lotto.
Isinawalang bahala ito ni Leviathan dahil baka ngayon ngayon lang naubos ang paninda ni Adan. Mahirap pa namang magbenta sa lugar nila dahil halos lahat nagrereklamo sa presyo ng bilihin sa palengke sa kanila. Pero ang mga binebenta ni Adan na mga gulay at prutas ay mga mura lang kaya’t minsan ay madamihan kung bumili ang mga suki niya.
Ngunit nitong nakaraang mga araw, napansin niya ang palagiang pag alis ni Adan. Para bang may pinupuntahan pa itong iba, maliban sa kanya. At sa isang araw na aalis si Adan ay naisipan siyang sundan ni Leviathan.
Pamilyar ang lugar na pinuntahan nila, isinama na siya dati ni Adan dito. Sa bahay na ito nakatira ang isa sa pinaka malapit na kaibigan ng binata.
Nakatago pa rin si Leviathan nang makita niyang bumukas ang pinto at lumabas ang isang babae. Napaka–simple lang ng pananamit ng dalaga at hindi rin ganun siya ganun kaganda tulad ng mayamang babaeng dayo.
‘Bakit siya pumunta dito?’
Wala namang kahit anong dala si Adan nang pumunta siya. Napansin pa ni Leviathan ang madalas na paglingon ng lalaki bago ito pumasok sa bahay. Hindi pa tuluyang nasasara ang pinto at nakita pa niya ang pagyakap ng dalawa.
BINABASA MO ANG
Too Much Envy
Short Story❝Too much envy will lead you to create sin ❞ Bata pa lang ay halos isumpa na siya ng mga tao sa lugar nila. Kahit na lumaki siya ay parang lumala lang ang trato sa kanya. Para siyang nauupos na kandila na agad lalamunin ng dilim kapag napundi...