Pulang Ulan

18 3 0
                                    

Sa Timugat, sa dulo ng ilog na nagdudugtong sa daungan ng Portalura at sa mga timugang pamayanan ay abalang abala ang pangkat nila Eybi. Ang mga barkong pandigma ng Alura ay pinagtutulungang mailipat sa Parilawa. Magkakasama ang mga mamamayan at mga mandirigma na humahatak sa mga barko. May mga malalaking lubid na nagdudugtong sa iba't ibang bahagi ng barko. Sa ilalim ay may mga malalaking troso na nagsisilbing mga gulong. Ang mga bata sa paligid ay giliw na giliw na pinagmamasdan ang mga barko na tila naglalayag sa lupa. Sinusundan nila ang mga ito na tumatakbo at manghang mangha. Ang ngiti sa kanilang mga mukha ay nagpapakita na sila ay walang malay sa tunay na mga mangyayari.

Habang pinapanuod ni Eybi ang lahat ay lumapit siya sa isa niyang kasamahan. Hawak niya ang isang balunbon ng papel at binuksan niya ito.

"Hindi ko akalain na mangyayari ang ganito." wika ni Eybi kay Klemenopy. Ang pinakamagaling niyang mag-aaral. Isa siyang dalaga mula sa Silangat. Silang dalawa ang nagsakatuparan ng mga panukala ni Crimson sa mga binabahang lugar sa mga dulong pamayanan ng mga ugat.

"Guro, tunay ang sinabi mo dati, ang digmaan ay nagdadala rin ng mga bagong karunungan." wika ni Klemenopy

"May dalawang nagdadala ng karunungan sa sanlibutan, pangangailangan at digmaan. Nang gawin natin ang mga tahanan na lumulutang sa tuwing babaha, ito ay pangangailangan. Tulad noong unang gumawa ang mga tao ng bangka, ito ay dahil sa pangangailangan upang malakbay ang mga anyong tubig at ibang mga isla, nang maghangad ang tao ng kapangyarihan ay pinaghusay nila ang mga bangka at ginawang mga hukbong panglaban."

"Tama kayo, Eybi. Tulad sa kuwento ng pangunahing pamayanan ng mundo, kung saan ang pambungkal ng lupa ay naging sandata. Ang pamputol ng mga sanga na naging pamputol ng mga buto. Ang damit na naging baluti." sabi ni Klemenopy

"Kung minsan ay nagiging mas matalino pa ang tao sa digmaan kaysa sa pangangailangan." wika ni Eybi, "dahil iba ang isip ng tao kapag nahaharap sa kamatayan kaysa kaginhawaan. May kung anong nangyayari sa puso niya at isip na kaniyang naaabot ang hangganan ng kanyang pag-iisip."

"Nais ko sanang makasama sa mga apoy at matuto rin ng marami sa mga ibang bansa at bayan sa Malayana, ngunit ako ay babae." sabi ni Klemenopy, "kaya nga nagpapasalamat ako na ako ay binigyan ninyo ng pagkakataon, guro."

"May dahilan ang mga apoy kung bakit hindi sila nagsasama ng babae sa kanilang mga lakbayin. Hindi dahil ikaw ay walang kakayahan. May sarili silang dahilan. Ako man ay mayroon. Ikaw ay magaling, at naniniwala akong hindi ka nila minamaliit." sabi ni Eybi

"Kilala mo si Crimson, Klemenopy, may dahilan siya palagi."

Lumapit si Terin sa dalawa at kinausap ang mga ito.

"Nakausap ko si Bryal, balak niyang magdagdag pa ng mga hukbong pandagat rito sa Parilawa. May dumating sa kaniyang ulat mula sa baybayin ng Portalura." wika ni Terin

"Ano ba ang susunod nating mga hakbang? Magpapakita na ba tayo ng pwersa sa mga nasa isla sa gitna ng Parilawa? Ang watawat ng Sanwi na ang naroon." tanong ni Eybi

"Mas makabubuti na hindi makarating roon ang mga Kata Olo. Pakay nila na bungkalin roon ang mga nabaon na kayamanan, ang mga maalamat na sandata." tugon ni Terin

"Mahihirapan silang dalhin ang kanilang hukbo patungo sa Parilawa." sabi ni Klemenopy

"Ngunit may hukbo na ang Sanwaywey. Ang nakakapangamba rito ay maaari na sa Mhogdhon sila dumaan at lusubin mula sa Tarangkahan ang Baranggulong ng mga Sanwi at sa dalampasigan ng mga Kata Olo."

"Kahit ganoon ang gawin nila ay mahihirapan silang makubkob ang Baranggulong." sabi ni Eybi

"Mahirap," sabi ni Terin, "Ngunit kakayanin. Kailangang mabalaan ang Reyna Chatel tungkol rito."

Talandagat : Digmaang KinulayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon