Kahel na Umaga

32 3 2
                                    

Mag-uumaga ng marating ng mga Apoy ang tahimik na bahagi ng dagat patungo sa Tininikan. Mula sa silangan ay unti-unting nagbibigay ang araw ng liwanag. Maliit na butil mula roon sa silangan tulad ng mata na bumubukas pa lamang sa pagkakahimbing. Madilim pa ang paligid at ang dampi ng umaga ay malamig. Tahimik at hindi umiimik ang kalikasan. Maging mga ibon sa himpapawid ay hindi makikita sa dakong ito ng Malayana. Pipi ang ang tubig sa dagat na ito.

Mula sa barko ay tanaw sa malayo ang isla ng Tininikan. Ang dilim ay kinukubli ang isla, aninag lamang ng mga matutulis na bato at bundok ang naroon.

Sa pag-angat ng araw sa abot-tanaw ay unti unting nagkukulay kahel ang langit. Ang araw na nagsisilbing pag-asa sa natutulog na panaginip ay unti-unting umaakyat. Ang kahel na umaga na tanda ng paparating na ulan ay nakapinta sa langit. Ang mga ulap ay nakukubli ang kalahati ng papasibol na araw.

Nang sumikat na ang araw ay naaninag nang malinaw ang Tininikan. May dalampasigan ito na maitim na tulad sa gabi, may nagtataasang matatarik na bato sa magkabilang gilid, sa gitna ay may mga kagubatan at sa kalayuan ay may mga bundok. Sa baybayin bago ang dalampasigan ay naroon ang mga barkong kasinglaki ng punong barko ng mga Apoy, ang Bill. Hindi bababa sa sampu ang mga barkong naroon na tanaw na dahil sa liwanag ng araw.

Pangangamba ang mayroon sa mga apoy at mitsa. Hindi nila natitiyak ang kanilang kahihinatnan. Nawala ang kanilang pangamba ng kumaway sa kanila ang mga nakasakay sa barko. Kada barko ay may naiwang tatlong mga tao. Kilala nila ang ilan dito, mga Katanda. Nangiti ang mga apoy at mitsa dahil mapayapa at masigla silang kinakawayan ng mga ito. Sa isla, sa mga natatanaw na lupa ay may mga toldang nakatayo na iba iba ang laki, marahil ito ang tinutuluyan ng mga Katanda.

"Narito na tayo." sabi ni Moros

Ang mga naiidlip na Mitsa ay ginising ng mga hindi natulog. Kinalabit nila ang mga ito, dahan dahang binubuksan ang mga mata. Tulad ng bukangliwayway kanina.

Si Klaud ay lumapit kay Crimson na nakatayo sa tabi ni Moros. Umakbay ito sa kaniya at saka sinuntok ng pabiro siya sa kaniyang tadyang. Bahagyang nasaktan si Crimson at napahawak sa tinamaang bahagi ng kaniyang katawan.

"Tama na naman ang narinig mong balita. Narito nga sila. Tama ang pakpak ng balita." masayang bigkas ni Klaud na matindi ang ngiti.

"Tama ang tainga ng lupa." pagngiti ni Crimson

Si Caff ay lumapit rin sa dalawa mula sa silid-aklatan. Masigla ang mukha niya, tila nabunutan siya ng tinik. Ang mukha niya ay nagkaroon ng pag-asa. Siya ay nakatitig sa tatlong lalaki na nakatalikod sa kaniya. Maraming nangyari sa nakalipas, sa sandaling panahon ay nakalimutan niya ang mga sakit at inalala ang mga panahon ng kasiyahan.

Umakbay si Koalit kay Caff at napalingon ang Bata. Nagkangitian silang dalawa.

"May tainga ang lupa." wika ni Koalit kay Caff.

"Paano ninyo nalalaman ang mga ganito? Sa mga panahon na magkakasama tayo ay halos palaging tama ang balitang inyong naririnig." pag-uusisa ni Caff kay Koalit

"May tainga ang lupa, Caff." maigsing sagot ni Koalit

"May pakpak ang balita. Oo alam ko ang kasabihan na iyon. Ngunit paminsan ako ay nagtataka pa rin paano ninyo nalalaman ni Crimson ang mga ganitong bagay." sabi ni Caff

Ngumiti lamang si Koalit at tumingin sa malayo. Ang kaniyang ngiti ay may kasamang ningning ng mga mata.

"Alam mo ba ang pinagmulan ng kasabihan na iyon?" tanong nito kay Caff

"Ang may pakpak ang balita? Sa tingin ko ito ay galing sa tandang-dagat na ginagamit sa pagpapadala ng sulat. Ang may tainga ang lupa, dahil sa mga taong nasa kung saan saan na nakaririnig ng mga usapan." paliwanag ni Caff

Talandagat : Digmaang KinulayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon