Bughaw

8 1 0
                                    

"Ang sarap alalahanin ng mga panahong mapayapa, na kung saan ang langit ay masaya tayong pinagmamasdan dahil walang gulo at sigaw ng digmaan. Ang hangin ay sariwa at walang bahid ng amoy ng dugo. Ang puso ng bawat isa ay dalisay. Sana bumalik na ang dati, sana ay ibaba na ang mga tabak at muling magbungkal na lang ng lupa. Sana ay hindi ko na marinig ang tinig ng lubid ng pana kapag ito ay pinapakawalan, kundi tinig ng hangin na mula sa silangan. Nakalulungkot lang na kailangan nating labanan ang tabak ng tabak, nakalulungkot na bago ito maisuksok na muli sa kanyang sisidlan ay kailangang mabahiran muna ng dugo." wika ni Caff kay Sity habang nakatulala sa bughaw na kalangitan.

"Wala ng magagawa ang kalungkutan," wika ni Sity kay Caff, "kung ang itatanim natin ay lungkot, galit, panghihinayang ay ano ang ating aanihing bunga? Hindi ba't pagkalugmok, poot at balisa lamang?"

"Pag-asa. Kaya kailangan ng pag-asa. Ang pag-asa ay uusbong ng kapayapaan ng pag-iisip. Pag-asa na matatapos rin ang lahat ng sakit." wika ni Caff kay Sity

Patuloy ang paglalakbay ng mga nalalabing apoy pabalik sa Talandagat. Naghihintay kung may babalik na mga sulat sa kanila mula sa isla. Ang unang hakbang na kailangan ay magkaisa ang mga bansa sa banta ng kalaban.

"Magwawagi ba kayo rito, Caff?" wika ni Sity. Ang kaniyang buhok ay bahagyang kumukubli sa kaniyang mukha sa bawat hampas ng hangin na dumadaan.

"Bukas ang nakaaalam. Ngunit hindi kami papayag na magawa nila ang kanilang nais ng ganun na lamang. Matinding alon ang hahampas. Alon ng mga kalabang lulusob." paliwanag ni Caff

"Ano ang naiisip mo na gagawin sa kanila?" tanong ng dalaga

"Nawa ay makapaghanda ang Mogdhon, ang paglalaban ay maaaring magaganap sa mga baybayin nito. Ang sandata namin na inaasahan ngayon ay ang pagiging maagap. Kapag nahuli ay masasayang ang lahat." paliwanag ni Caff kay Sity

"Daig ng maagap ang masikap." tugon ng dalaga

"Ipangako mo, lumisan kayo, sabihan ninyo ang Meliuca na lisanin ang mga baybayin. Hindi namin nais na may madamay." pakiusap ni Caff habang kausap ang dalaga sa harap ng lamesa.

Hinawakan ni Sity ang kaniyang bisig at saka tumitig.

"Hindi ba maaari na tumulong ang aming mga pamayanan? Hindi rin namin nanaisin na maagaw ang aming mga lupain at maging mga alipin. Masaya kami namumuhay kahit payak lamang. Malaya. Nais namin gawin ang aming makakaya upang makatuwang." sagot niya kay Caff

"Nasasabi mo iyan ngunit hindi iyan ang sasabihin ng lahat ng taga-iyong bayan. Hindi kayo bihasa, maaari na masaktan lamang. Hindi ko nais na mangyari sa inyo iyon. Masdan mo ang iyong kapatid. Siya ay naaaliw kila Neolin. Nais mo ba na ang ngiti na mayroon siya ngayon ay masaksihan ang dugo at kamatayan?" itinuro ni Caff si Dioty na tinuturuan ni Neolin ng Habagat.

Napatitig ng mainam ang dalaga sa kaniyang kapatid. Pinagmamasdan niya ang ngiti nito at kinang ng mga mata. Kasabay ng hangin na malamig ay nalamigan ang kaniyang puso. Tumawid ito sa kaniyang mata na naging mamasa masa. Ang ngiti ba ng kaniyang kapatid ay magiging luha kapag bumalik na sila Koros sa Talandagat.

"Sasabihan ko sila, pati na rin ang mga karatig na bayan." wika ni Sity

"Ako ay gagawa ng sulat, kasama ang aking tanda, dalhin ninyo ito at ipakita bilang katibayan sa inyong mga makakausap. Ipakita niyo rin ito sa mga tagabantay sa Baranggulong kung kinakailangan." wika ni Caff

"Salamat, Caff. Nawa ay mapagtagumpayan ninyo sila." wika ng dalaga

Si Moros, ang dalawang Dimasalang na si Lakunas at Lakdosias ay lumapit kay Caff at tumango na siyang sensyales na kailangan nilang mag-usap. Si Neolin at Bagua at iba pang Mitsa na nalalabi ay nag-uusap na nasa manibela ng Indigo kasama si Dioty. Nagpaalam si Caff kay Sity at lumapit naman ang dalaga sa kaniyang kapatid. Lumingon si Sity kay Caff mula sa malayo at saka ngumiti. Ang kaniyang mata ay tila nangungusap. Ganun rin naman amg mga mata ni Caff. Naupo silang apat sa gilid ng barko at naglabas ng mapa. Bakas pa rin sa mukha ni Caff ang ngiti nang sila ay tumalungko.

Talandagat : Digmaang KinulayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon