Tsik Bala

22 4 1
                                    

Dumating ang Asul na hari sa Patakdugo kasama ng hukbo ng mangangabayo na pinangungunahan ni Trojan, siya ay sinalubong ng mga kawal ng Alura, sa kaniyang pagbukas sa karwahe ay hindi niya inasahan ang masasaksihan niyang tanawin. Ang mga Aluranon (mamamayan ng Alura) na nag-aantay sa kaniya ay nagpapalakpakan at mainit silang binabati. Kakaiba ang kaniyang naramdaman, nakatataas ng balahibo at nakagiginhawa sa puso ang masigabong palakpakan at hiyawan ng mga aluranon. Nagbaliktanaw sa kaniyang isipan ang kaniyang pagkakamaling nagawa at kung gaano kapantas ang Haring Syiap sa pinili niyang landas. Hindi napigilan ni Haring Pipo na umiyak. Siya ay napaluhod, at ihinarap ang mukha sa lupa. Siya ay humihingi ng tawad.

Bumabang madali si Trojan sa kaniyang kabayo at pinuntahan ang hari. Itinayo niya ito at binigyan ng kapirasong damit pamunas ng luha at nadumihan niyang mukha.

"Trojan! Tignan mo! Tignan mo sila." sabi ng Hari na itinuturo ang mga aluranon habang umiiyak.

Bahagyang nangiti ang batang Heneral at pinipigilang maluha sa mainit na pagtanggap nila.

"Trojan," lumapit si Terin, "naghihintay si Haring Syiap sa inyo. Magandang araw Haring Pipo."

Napayakap ang Haring Pipo kay Terin, samantalang ang kasama niyang mga kawal ay nabigla at umakmang bubunot ng kanilang mga espada. Itinaas ni Terin ang kaniyang mga kamay at sumenyas na ayos lamang ang lahat.

Pagdating sa silid nilang pagpupulungan sa palasyo ng Patakdugo ay sinalubong ang hari Pipo ng Haring Syiap at niyakap siya.

"Maganda ang araw na ito, Pipo. Hindi ako nawalan ng pag-asa sa iyo."
sabi ng Haring Syiap

"Patawad." tugon ng asul na hari

Ngumiti lamang ang hari at inanyayahan na maupo sa lamesa sa gitna ng silid.

Maliban sa dalawang hari ay naroon rin sa silid sina Bryal, si Terin at Trojan.

"Ano ang gagawin natin, Syiap?" tanong ng haring Pipo

"May kailangan pa bang gawin, Pipo?", nakangiti ang Hari at nakalagay ang siko sa lamesa, "ginawa mo na ang tama."

Ang kaniyang mga tagapayo sa sandatahan ay napahinga ng malalim.

"Patawarin mo ako, Pipo. Nguni't ang dalawang ito,
..." itinuturo niya si Bryal At Terin,"...ay ninanais ang isang kasunduan sa ating mga bansa. Maaari ninyong basahin."

Ipinatawag ni Terin ang eskriba. Pumasok ang eskriba hawak ang balunbon ng papel, pluma at tinta.

Iniabot ng Haring Pipo kay Trojan ang kasulatan ng kasunduan at ipinabasa ito.

"Nasusulat rito na kayo ay may kalayaan na maglagay ng mga kampamento sa gawi ng Matambughaw? Nguni't ang mga Asul ay paghihigpitan na makapasok sa Alura?"

"Trojan, ang nais lamang namin ay kaligtasan, huwag ninyong isipin na sasakupin namin kayo. Hindi kami naghahangad kundi ang makabubuti sa Alura, pumapayag kami na bumalik kung paano dati ang ating mga bansa ngunit kailangan namin mag-ingat."

"Ito ay kalapastanganan at pangmamaliit sa amin. Naglakbay kami ng iilan upang ipakita sa inyo ang katiwasayan ng aming hangarin." sabi ni Trojan

"Trojan," pag-awat ni Haring Pipo, "ano ang iyong nais na pagbabago sa kasunduan?"

Tumingin si Trojan sa Haring Pipo at nag-antay na kaniyang sasabihin.

"Pumapayag ako sa nilalaman ng kasunduan." sabi ni Haring Pipo, "hindi ko kayo masisisi kung ganiyan ninyo kami pag-isipan. Ang bawat sugat ay nag-iiwan ng pilat. Kung kinakailangan namin sumang-ayon sa kasunduan na iyan ay mangyayari. Naghilom na ang sugat ng aming mga pagkakamali, may pilat man ay ipakikita namin na wala na ang sugat."

Talandagat : Digmaang KinulayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon