Sa kanluran lumulubog ang araw

29 4 0
                                    

"Takbo!" sabi ng magiting na Heneral na handang ibuwis ang kaniyang buhay, "Iligtas niyo na ang inyong mga buhay, iulat niyo sa hari ang mga pangyayari!"

"Hindi heneral, lalaban kami hanggang sa kamatayan kasama ka!"

"Mga TANGA!!! SUNDIN NIYO AKO!!! Kailangan malaman ng hari!!!, ikaw bilisan mo tumakbo!!! Kayo, humanda sa pakikipaglaban, kailangan niyang makatakas!"

Hindi nila alam saan nanggagaling ang mga sibat, hindi nila alam bakit biglang nawawala ang mga kalaban sa kakahuyan, ang kaninang dalawang pulutong ay sampung kawal na lamang ang natira. Mabilis ang mga mangangabayo na dumadaan, pagkatapos manugat ay biglang nawawala na, tuwing susundan nila ng lingon ay may isa na naman susugod galing sa ibang bahagi ng kakahuyan. Naubos sila isa isa sa ganitong paraan.

Nakataas ang kanilang mga sandata sa kawalan, ang kanilang mga mukha ay nagpipilit na maging matapang ngunit ang kagulumihanan ay nagdudulot ng kaba sa kanilang mga puso. Bukas ang kanilang mga mata ngunit walang makita, may mga tainga ngunit walang magawa sa bilis ng kalaban, ang tuhod nila ay hindi makagalaw sa takot ng mga susunod na pangyayari. Amoy ng dugo ang nasa paligid, malansang kalawang, na umaagos mula sa mga nakahandusay nilang kasamahan.

Ang bulubundukin ng Matambughaw, ang Sahilarim, ang pinakamalakas nilang kakampi. Sa ilalim ng mga lilim ng puno ay nagsisilbi nilang kanlungan at ang bulubundukin ay ang kanilang durungawan.

Sa Sanwaywey ay magkasama sina Koalit at Shansen sa iisang silid. Nakahiga sila sa iisang kama at natatakpan ang kanilang mga hubad na katawan ng kumot. Ang dalaga ay nakahiga sa dibdib ng binata habang si Koalit ay malalim ang iniisip.

"Ano ang iniisip mo, mahal ko?" malambing na tanong ng dalaga,"ang digmaan ba? Galit ka ba kay ama?"

"Galit ako, galit ako na bakit kailangan humantong sa ganito." sagot ng binata

Nagsimula ang hindi pagkakaunawaan ng mga hari matagal na panahon na ang nakalilipas, noong naganap ang digmaan ng bansa ng Maelshi at ng mga pulo ng Haliklupa. Naging hati ang kanilang mga haka. Iba't iba ang pananaw kung kanino kakampi, kung tutulong ba o hindi. Lalo pa itomg umigting ng lumakas ang sandatahan ng Alura.

"Hindi ka sang-ayon, alam ko mahal. Nguni't kakalabanin mo ba si ama? Ang mga kapwa mo Sanwi?" sabi ni Shansen habang pinapakinggan ang tibok ng puso ng kaniyang kasintahan

"Sinasabi mo bang kampihan ko siya? Sila?" tanong ni Koalit

"Natatakot rin ako sa digmaan, hindi ba maaari na gawin mo man lang ito para sa atin?" naglalambing ang tinig ng dalaga

"Huwag mangyari na idamay mo sana ang sa atin dito. Ang tungkulin ko ay hindi lang sa Sanwaywey."

"Oo, lagi naman kitang inuunawa." bumiling ang dalaga at tumayo sa pagkakahiga habang akap ang kumot sa kaniyang dibdib. Nagsuot siya ng damit at pumunta sa harap ng salamin at naupo. "Noong umanib ka sa binubuong samahan ni Crimson, inunawa kita. Noong umalis kayo para sa inyong mga paglalakbay, inunawa kita. Noong napabalitang napahamak kayo at halos taon na hindi bumalik, naghintay ako."

Tumayo na rin si Koalit at lumapit sa kaniya at niyakap siya. Ang ulo ni Koalit ay nasa balikat ni Shansen habang yakap niya ito.

"Patawad at salamat," maigsing sinabi ni Koalit, "lagi akong nangungulila sa'yo, nalalaman mo iyan."

Tahimik ang dalaga na nagsusuklay at hindi umiimik. Mahigpit ang yakap ng binata sa dalaga at nakatitig sa mukha ng dalaga sa salamin.

"Kailan ka aalis?" tanong ng dalaga

"Kararating ko lamang yan na agad ang tanong mo?" sabi ni Koalit

"Ganito ang aking katanungan dahil ganito ang lagi mong ginagawa sa akin, darating, pagkatapos aalis rin." pagtatampo ng dalaga

Talandagat : Digmaang KinulayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon