Araw ang Kulay ng Digmaan

48 4 5
                                    

"Kailangan nating umuwi" wika ni Crimson, "Nagkamali ako, hindi ko akalain, hindi ko inasahan na ngayon magaganap. Oo, nakikita natin ang di pagkakaunawaan ng mga hari, subalit hindi ko akalain na ngayon magaganap ang digmaan." walang makapagsalita, tahimik at gulat ang lahat. "Anong dahilan? Neolin, ano ang ulat?"

"Isang tandang dagat galing sa Alura." Iniabot ni Neolin ang sulat ng Pulang Hari kay Crimson. Binasa niya ito ng marahan. Panandaliang bumagal ang oras, ang mga titik sa sulat ay untiunting pumapasok sa kalooban niya, ang katawan niya ay nanlamig ngunit ang puso ay nag-iinit.

"Kailangan natin umuwi ng madali." nagtanguan ang bawat isa pagkatapos magtinginan

"Mayluna, kinalulungkot ko, kailangan na naming umalis."

"Hindi ba akong maaaring...?" malambing na sinabi ng dalaga

"Mapanganib, aking mahal. Babalik ako." pagtitiyak ni Crimson

Yinakap ni Mayluna si Crimson, ang kanyang mga braso ay nasa balikat ng binata, siya ay nakatingkayad at lumuluha. Si Crimson ay nakayakap naman sa kanyang baywang.

Winika ni Mayluna, "Libong paalam man ang iyong sabihin, lagi akong maghihintay sa iyong pagbabalik, mahal ko."

Bumaba sa pagkakatingkayad si Mayluna at muli ay hinalikan ni Crimson ang kanyang noo. Tinawag na ang binata ng kanyang mga kasama. Sila ay nag-aantay sa pintuan na nakatanaw.

"Paalam, aking mahal." naglakad si Crimson papaalis. Si Mayluna ay lumuluha sa pagdaan ng kaniyang kasintahan. Ang lahat ay nagmamadaling tumayo sa kanilang mga upuan. Iniwan ni Crimson ang isang supot ng Kayin sa lamesa.

Habang nagpupunas ng luha ang dalaga ay may yumakap sa kaniya galing sa likuran.

"Babalik ako, magkikita tayong muli. Sa aking pagbalik, ay kamay mo ang aking hihilingin." Damang dama ni Mayluna ang puso ni Crimson sa kanyang likuran. Kung makapagsasalita ito ay pangalan niya ang pinagsisigawan. Kumakabog na dibdib sa kaniyang likuran kasabay ng mainit na pakiramdam ng yakap ng binata.
Ang bawat salita ay lalong nagpaluha sa dalaga ngunit lakas loob niyang sinabi, "Humayo ka aking mahal, gawin mo ang iyong tungkulin. Nandirito lamang ako, mamahalin kang palagi." Hindi na nagawang lumingon ni Mayluna ng umalis ang binata, mugto na ang kaniyang mata. Matagal n panahon na naman siyang maghihintay, kung may babalik pa nga ba.

Ang Kapisanan ng mga Tandang Dagat(Katanda) ay ipinangalan sa ibong naninirahan sa Talandagat, ang tandang-dagat. Isa itong ibon na nagsisilbing tagadala ng mga sulat. Ang ibong ito ay tulad ng apoy ang kulay, puti ang tuka, asul ang ulo, dilaw ang leeg, kahel ang katawan at pula ang buntot. kasinglaki ng kalapati ang katawan nito. Dahil sa bilis at talino nito ang ibang bansa sa labas ng Talandagat ay nag-alaga na rin at pinalitan ang dati nilang mga ibon na tagadala ng sulat.

Ito rin ang ibon na nagdala ng Awit ni Koros sa mga hari. Maliwanag ang papasikat na araw at nakatayo ang Haring Sisen sa balkonahe ng palasyo. Ang tandang-dagat mula sa hilaga ay nakita niyang lumilipad at dahan dahan na bumaba sa kulungan nito. Ilang sandali lamang ay may mga yabag na nagmamadali papunta sa hari.

"Mahal na Hari! Haring Sisen! Tumatakbo ang katiwala ng sulat hawak ang papel sa kaniyang kanang kamay na nakataas.

"Iyan na ba ang awit ni Koros." tanong ng Dilaw na Hari.

Pagkahinto ng katiwala ay panandalian siyang huminto. Nakahawak ang kaniyang dalawang kamay sa tuhod habang hinihingal na hinahabol ang kaniyang hininga. Iniabot niya ang sulat sa Hari habang nakaalalay pa rin ang kanyang kaliwang kamay sa kaniyang tuhod.

Binasa ito ng hari at saka sandaling nag-isip. Ang kaniyang mga kamay ay nakahawak sa kaniyang baba habang ang isa ay hawak ang nakabukas na sulat.

Talandagat : Digmaang KinulayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon