Luntiang umuusbong

18 1 0
                                    

"Maligayang pagdating sa lupain ng araw at buhangin, Acutio" nakataas ang kamay ni Haring Sisen habang nagsasalita. Ang singaw ng init ng buhangin ay tinatangay ng hangin. Hindi lumalamig ang panahon kahit mahangin dahil sa nababad na buhangin sa tirik na araw. Sa balat ay dama ang maligamgam na ihip.

"Magandang araw, Haring Sisen. Salamat sa iyong mainit na pagtanggap." tugon ng pinuno ng mga Kata Olo, "ito nga pala si Kanitio, ang pinuno ng mga hukbong mula sa kanluran."

Tumango ang pinuno ng mga barko na nanggaling pa sa kanluran. Lulan nila ang mga mandirigmang aso. Ang bagong sandata ng mga Kata. Bago nangyari ang labanan sa isla sa Parilawa, bago naganap ang pag-aaklas nila Marif ay nakarating na ang mga Kata na tutulong sa mga Sanwi. Bitbit nila ang mga turuang aso na nababalutan ng baluti. Malalaki ang laman ng mga hayop na ito. Ang kulay nila ay may kayumanggi, itim at puti. Ang mga tainga ay patulis. Ang baluti ay may mga patalim na nakausli paharap.

"Kayo ba ay nakatitiyak na hindi tayo ang lulusubin niyan? Baka gaya sila ng lobong bantay salakay?" tanong ni Broili, ang heneral ng Timog Derweysis

"Ilapit mo ang iyong kamay." wika ni Kanitio habang ang palad ay itinuturo sa asong nakaupo sa tabi ng kaniyang kaliwang paa.

Nilalapit ni Broili ang kaniyang sarili ngunit hindi gumagalaw ang aso. Matikas itong nakatindig ng hindi gumagalaw.

"Paano kung may mag-utos rito na ibang tao?" tanong ng Haring Sisen

"Sila ay sumusunod lamang sa akin. Tinig ko ang kanilang susundin. Maliban sa akin ay may dalawa pang maaaring mag-utos sa kanila sa aming hukbo. Tatlong magkakaibang pangkat ang mga asong ito na may iba't ibang nalalaman na salitang utos. Kaya maaaring utusan sila ng hiwahiwalay." pagpapaliwanag ni Kanitio

"Ang paghuhukay ng mga sandata? Ano na ang nagyari?" wika ni Acutio

"Patuloy ang paghuhukay rito sa mga sandaling ito." wika ni Haring Sisen, "may mga lupa na rin kaming nakukubkoban sa dako ng Matambughaw at Mogdhon."

"Kailangan niyo pa ba talaga kami?" tanong ni Acutio, "Mukhang patuloy ang iyong pagwawagi ng wala kami."

"Magaling ang aming mga mandirigma, ngunit ang Matambughaw ay malakas papaakyat ng Sahilarim lalo na't nagkaisa na sila ng Alura." sambit ng Hari

"Hindi kami lulusob sa lupain ng Alura, aking pinapaalala sa inyo. Tutulong kami sa inyo hanggang sa mga hangganan ng Matambughaw at Mogdhon lamang, iyon ang utos sa amin." wika ni Acutio

"Hindi niyo ba nais na makuha ang yaman ng Alura?" wika ni Broili

"Dahil ang Alura ay sikat na daungan ng mga kalakal rito sa Silangan, marami silang magiging kakampi kung lulusubin sila. Hindi papayag ang mga bansang ito na matigil ang pangangalakal. Kung gagalawin namin ang Portalura, baka magkaisa ang mangangalakal na umupa ng mga mandirigma upang itaboy ang mga Kata at ingatan ang Alura. Ang mas matindi ay kung lusubin ang Mularos kung ganun ang magiging hakbang namin."

"Ano ang susunod nating mga hakbangin?" tanong ni Kanitio, "saan natin unang gagamitin ang aming mga mandirigmang aso?"

"Alam ninyo ba ang maalamat na Lusa? Ito ay nasa Matambughaw." wika ni Broili

"Lusa? Hindi ako gaanong maalam sa mga bagay ng Talandagat. Ano iyon?" pagtataka ni Kanitio

"Mamaya na ninyo pag-usapan ang mga bagay na iyan. Magpahinga kayo at mag-usap." wika ng dilaw na Hari

Sila ay naglakbay patungo sa Timog na Derweysis. Sakay sila ng mga kariton at karwahe ng Sanwi. Ang mga aso ng mga Kata ay nakakulong sa mga hawla at tahimik na nakadapa sa mga kariton kung saan nakalagay ang kanilang mga kulungan. Ang alikabok na gawa ng mga buhangin ay maaaninag sa kanilang paglalalakbay. Ilang karwahe rin ang maaaninag na magkakasunod na naglalakbay.

Talandagat : Digmaang KinulayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon