Una
Alam mo bang ang saya ko noong araw na sinabi mo sa akin na gusto mo ako?
Sa tingin ko nga, ako na yata ang pinakamasayang babae sa balat ng lupa. Ako at ako lang.
Noong araw nga na 'yon, alam mo bang nanlibre ako sa mga kaibigan ko? Labingtatlo silang lahat tapos ako? Manlilibre? Himala. Alam mo namang hindi ako nanlilibre dahil kuripot ako, 'di ba? Pero kasi, sinabi mong gusto mo ako kaya naman binalatuhan ko ang mga kaibigan ko.
Sana natuwa ka sa ginawa ko.
At noong araw ding iyon, alam mo bang halos mabaliw ako sa kilig na nararamdaman ko? Hindi mo alam kasi hindi ka naman ako.
Nagpagulong-gulong ako sa kama ko. 'Yung litrato mo sa cell phone kong ako pa mismo ang kumuha, halos matunaw na sa mga matatamis na ngiting ipinakita ko roon. At si mama, tinanong ba naman kung baliw na raw ba ako. Dadalhin na sana ako sa mental kaso sabi ko 'wag muna. Saka na lang pag baliw na talaga ako.
Sayo... ;)
Eh paano ba naman, 'yung ngiti ko kasi hindi na mawala. Parang nastroke ako tapos sa pagngiti ko tumigil.
Hindi mo naman siguro ako masisisi, 'di ba? Eh kasalanan mo naman talaga kung bakit ganoon ako. Bigla mo ba namang sabihin 'yon sa akin nang wala sa oras? Ibig kong sabihin, 'yung biglaan, gano'n. 'Yung walang pasabi. Na para bang bigla mo na lang akong inatake nang wala akong laban.
Pero alam mo, kung hindi mo sinabi sa akin na gusto mo ako, siguro, hindi ko rin makakayang sabihin din sa 'yo na gusto rin kita. Naunahan kasi ako ng takot, eh.
Kaya salamat. Kasi kung hindi dahil sa 'yo, paniguradong hanggang ngayon aakalain mong kaibigan lang ang turing ko sa 'yo.
Sabi nga ng mga kaibigan ko, aminin ko na raw sa 'yo ang nararamdaman ko noong high school pa lang daw tayo. Di ko naman alam kung bakit gusto nila akong paaminin sa 'yo.
Eh ayoko nga. Babae ako, 'no. Babae. Ayokong ako 'yung unang magtatapat ng nararamdaman sa iba.
Ang sabi ko kasi sa sarili ko, dapat ang lalaki ang magtatapat ng nararamdaman niya para sa 'kin. At hindi ako ang magtatapat ng nararamdaman ko para sa kanya.
Siguro nalaman mo kung anong nakatatak sa utak ko kaya umamin ka sa 'king gusto mo ako noong high school tayo. Kasi naman, hindi ko talaga ugaling magtapat ng nararamdaman ko sa mga lalaking gusto ko noon.
Pero bakit kaya hindi ko magawang umamin sa 'yo? Siguro takot akong kapag umamin ako sa 'yo noon, mawawala 'yung pagkakaibigan natin. Saka, sabi ng mga kaibigan ko, kung lalaki lang daw ako, torpe ang tawag sa 'kin kasi nga takot akong umamin.
Eh sa hindi ko kayang aminin ang nararamdaman ko sa 'yo.
Pero hayaan na lang natin 'yon. Ang mahalaga, nasabi ko na sa 'yo na gusto kita.
Naalala mo pa ba noong mga panahong hindi ka pa umaamin sa akin? Sabi ng mga kaibigan ko, halata naman daw na may gusto ka sa 'kin.
Alam mo ba ang sinabi ko? Sabi ko kanilang kaibigan lang ang turing mo sa 'kin. Walang hihigit doon.
At ang sabi nila? Torpe na nga raw ako, manhid pa.
Eh hindi ko naman kasi alam na gano'n pala ang ipinaparating mo sa 'kin. Na gusto mo na pala ako.
Akala ko kasi, 'yung mga ginagawa mo noon parte lang ng pagiging magkaibigan natin. 'Yun pala, mas malalim pa.
Sana sinabi mo sa 'kin kaagad noon na gusto mo na pala ako. Eh 'di sana, hindi ko paulit-ulit sinabi sa 'yong magkaibigan lang tayo. Na ginagawa mo 'yon kasi mahal mo 'ko bilang kaibigan mo.
At sabi mo nga, kaya hindi mo kaagad sinabi sa 'kin kasi baka mapilitan din akong sabihin sa 'yo na gusto rin kita kahit hindi naman. 'Yon ang dahilan mo kaya hindi mo kaagad sinabi sa 'kin. 'Yon ang akala mo.
Alam mo bang gustong-gusto ko nang sabihin sa 'yong gusto rin kita? Pero kagaya nga ng sabi ko kanina, pinangunahan ako ng takot. Takot na baka pag umamin ako sa 'yo, masira ang ilang taong pagkakaibigan natin.
Kahit na alam kong maibibigay mo rin ang hinihiling ko, hindi ko pa rin nagawang umamin sa 'yo kaagad.
Pasensya na. Hindi ko rin alam kung bakit ako naging duwag noon.
Pasensya na. Hindi ko kayang sabihin sa 'yo kaagad ang nararamdaman ko para sa 'yo.
Pasensya na. Sa pagiging manhid ko.
Marami akong hindi alam sa tinatawag na pag-ibig. Sabi nga nila, nakamamatay ito. Sabi naman ng iba, kayang sumugal ng tao para rito.
Ako kaya? Kaya ko rin kayang sumugal? Para sa pag-ibig?
Oo, sinabi ko sa 'yong mahal kita.
Oo, nagkaroon ako ng lakas ng loob na ipagtapat ang nararamdaman ko para sa 'yo.
Oo, hindi na ako nagpalamon sa takot ko.
Pero, ang sumugal para sa nakamamatay na pag-ibig?
Hindi ko alam.
Hindi ako sigurado.
Bakit kaya sumusugal ang ibang tao para sa pag-ibig? Eh ito naman ang sumisira at nagwawasak ng mga puso nila.
Para bang droga ito na kahit masama ang naging epekto sa kanila, tuloy pa rin ang paggamit dahil nalulong na sila. Tuloy pa rin dahil ito ang nagpapasaya sa kanila.
Bakit gano'n? Ang pag-ibig ang pinakamakapangyarihang emosyong nararamdaman natin.
Pero bakit parang ito rin ang pinakamahinang emosyon kapag nawasak na ang puso?
Ang puso ay parang isang babasagin na hawak mo. Pero kapag nagkamali ka ng yapak at nahulog ka na, karugtong nito ang pagkalaglag ng babasaging hawak mo at pagkadurog nito.
Kaya siguro maraming basag na puso ang nagkalat dahil sa padalos-dalos nilang desisyon.
Kaya siguro, maraming tao ang takot nang magmahal.
At isa ako roon.
Noon.
Pero pinakita mo sa 'kin kung anong klaseng pagmamahal ang mayroon ka. Pinakita at ipinaramdam mo sa akin na tanga na lang ang hindi magmamahal sa 'yo.
Na tanga na lang ang hindi tatanggap ng pagmamahal na ibinibigay mo.
At alam kong naging tanga ako. Dahil dumating ang araw na sinukuan ko rin ang pagmamahal mo.
- heyqueenreine -
BINABASA MO ANG
Tagpuan
Short StoryTagpuan written by: heyqueenreine Started: July 24, 2020 Ended: July 29, 2020 All Rights Reserved © 2020 Highest rank so far #2 - tagpuan as of 10.29.20